9. BUHAT MULA SA HINAHARAP

7.4K 290 12
                                    




9

February 9, 1945

Hindi maganda ang mga tulog ko sa mga nakaraang gabi. Tuwing ipinipikit ko ang mga mata ko ay nakikita ko ang duguang muka ni Hugh Stevens at ang lasog-lasog na katawan ni Diego. Parang tumanda ako ng ilang dekada dahil sa masyadong pagiisip at pag-aalala sa buhay ko.

Dumami ang mga sundalo sa kampo pero doble ang bilang ng mga sibilyan. Nakuha na ang tatlong water supply at na-clear na ang Paco at Pandacan. Sa Tondo at Malabon ay lalong nag-iipon ng lakas ang mga Hapon. Ngayon ay mas malaki ang paghahanda ng hukbo para paalisin ang mga Hapon sa syudad.

"Santiago, tulala ka na naman at mag-isa," ang sabi ni Gabriel nang madaanan niya ako dito sa inuupuan ko.

"Iniisip ko lang kung ano ang mga susunod na mangyayari."

"Magkakaroon ng kapayapaan sa buong mundo, Tiago. Isa kang patunay," sabi niya ng naka-ngiti at nagpatuloy sa paglalakad.

"Kung alam mo lang sana," ang nasabi ko nang maka-layo siya sa kinaroroonan ko.

Tumayo ako at sinuot ang metal cap para maghanda sa isa na namang pag-atake. Ginawa akong taga-reload ng baril ni Miguel.

-

Ilang oras na nagpatuloy ang barilan.

Gamit ang mga tangke ay pinasabog ng mga Kano ang mga gusali na tinataguan ng mga sundalong Hapones kasama ng mga hostage nilang mga sibilyan. Mali ang ginagawa nila. Sa galit ko ay kinausap ko ang isang Kano.

"Why did you attack and kill the enemy and the civilians inside those buildings without differentiation?!"

Tinignan niya lang ako na parang wala siyang narinig. Sandali pa'y hinila ako ni Miguel sa gilid.

"Ano bang nangyayari sa iyo?! Bakit mo siya sinisigawan ng ganyan?" tanong niya.

"Hindi mo ba nakikita?! Pati ang mga sibilyan sa loob ay napapatay nila!" sinabi ko kay Miguel at hindi na nakayanan ng damdamin ko. Umiyak ako dahil wala akong magawa at dahil sa mga nakikita kong bangkay sa paligid.

"Tiago, tumigil ka nga! Wala kang ginawa kundi ang umiyak na parang bata!"

Hinarap ko siya at nakaramdam ako ng galit.

"Hindi kasi ako katulad mo na namatayan ng kaibigan at ni isang patak ng luha ay walang pumatak mula sa mga mata mo!"

Kwinelyuhan niya ako at napatigil ako sa pag-iyak.

"Pinatay sa harapan ko ang Nanay at Tatay ko, Santiago. Madami na akong mga nasawing kaibigan," sabi niya nang pabulong pero medyo malakas."Tuyo na ang mga mata ko at kahit ang Inang Pilipinas ay hindi ko na kayang iyakan pa!"

Binitawan niya ang kwelyo ko pero nakatingin pa rin siya sa akin ng seryoso. Tumakbo siya papalayo at hindi na lumingon. Gusto ko siyang sundan pero ayaw sumunod ng mga paa ko.

Mali ang ginawa ko, dapat hindi ko siya pinagsalitaan ng ganoon. I just realized that madami na siyang napagdaanan na hindi maganda.

-

Halos lahat ng mga gusali at kabahayan ay natutupok ng apoy. Karamihan ay gumuho dahil sa mga bomba. Nagkalat sa mga paligid ang mga duguang katawan ng mga sundalong Hapones, Amerikano, at Pilipino. Madami ang nasawi at sugatan. Mabuti din na walang napatay na kaibigan ko. May mga pagkakataon na nakakatapak ako ng katawan ng tao, pero parang normal na lang sa akin.

-

Habang tinititigan ko ang kwintas ni Marcella sa tapat ng bonfire, tinabihan ako Miguel.

"Patawad, Santiago."

"Ako dapat ang humingi ng tawad." Ngayon lang ulit ito lumabas sa bibig ko. Hindi ko na nakikilala ang sarili ko at parang sinapian ako ng ilang libong anghel.

Nagsidatingan ang iba naming mga kasamahan pero ngayon ay wala ang mga bata para makinig ng mga kwentuhan namin.

"Santiago, napansin ko dati pa na hindi mo man lang ginalaw ang gatilyo ng baril mo kahit minsan," ang sabi ni Kapitan Francisco.

"Wala sa utak niya ang pumatay, Kapitan," si Miguel na ang sumagot para sa akin.

"Wala ka bang galit sa mga Hapones, Tiago?" tanong ni Kap Francisco.

"Siguro kung hindi lang ako galing sa hinaharap ay magagalit ako syempre. Alam niyo ba na sa panahon ko ay magkaibigan ang bansang Hapon at Pilipinas." Tinignan nila ako na parang isa akong propeta. "Madaming mga bansa ang tutulong sa Pilipinas. Nang magkaroon ng malakas na bagyo sa kabisayaan, madami ang nasawi, at halos naging patad ang mga lugar na dinaanan nito. Dadating ang mga nagsisilakihang mga barko at sasakyang panghimpapawid sa Leyte at sa ibang mga pulo kasama ng ilang mga sundalo at banyaga, hindi para sa isa na namang matindi at malaking labanan kundi para magbigay ng mga pagkain, tubig, damit, at gamot sa mga taong apektado ng bagyo." Napangiti ako at tinignan ko ang bawat isa sa kanila.

"Kung ganun ay magiging payapa ang Pilipinas sa paglipas ng mga panahon. Napaka-ganda naman mamuhay sa panahon mo, Santiago. Sana mabuhay ako hanggang siyam na pu," ang sabi ni Andres.

"Para sa akin, hindi ganun ka-ganda ang lahat...dahil nananatili ang digmaan sa bawat Pilipino. Nahahati ang mga Pilipino dahil sa aspeto ng pulitika, paniniwala at relihiyon, at pera, sa puntong nagpapatayan sila. Matapang nga talaga ang mga Pilipino, handang mamatay para sa mga ipinaglalaban. Halos hindi nila kayang tanggapin ang pagka-kaiba ng bawat isa. Sa Mindanao, hindi matapos-tapos ang digmaan sa gitna ng mga Pilipinong Muslim at Kristiyano. Madami ding lulong sa bisyo, kawatan, manloloko, at madalas ay may mga pinapatay sa paligid kahit tirik ang araw at kahit ang mga inosente ay hindi na ligtas sa bala ng baril. Ang mga may marangal na trabaho ang mga kadalasang ninanakawan at kinakaladkad pababa...karamihan ng mga manggagawang Pilipino ay umaalis ng bansa para manilbihan sa mga banyaga, pero hindi naman sila masisisi kasi mahirap kumita ng pera dito..."

Tinuruan kaming maging humble ni Mama at iminulat niya sa akin ang reality...pero minsan nakakalimutan ko ito.

Para silang mga batang nakikinig ng bedtime story pero hindi nasisiyahan.

"Pero hindi pa rin nawawala ang kabayanihan, pagkaka-isa, at pagmamahalan ng bawat isa. Sa paglipas ng mga dekada mula ngayon ay babangon muli ang Pilipinas. Magkakaroon ng mga malalaking gusali, darami ang mga sasakyan, tapos halos lahat ng bahay ay may TV at halos lahat ng tao ay may gadgets, ha ha ha. Madali na lang ang buhay at madami na ang instant. Tsaka nandiyan ang Internet, computer games, bars-" napatigil ako nang humikab si Andres at na-realize ko ang mga huli kong pinagsasabi. Tinignan ko sila at nakatitig lang sa akin na parang isa akong dayuhan na iba ang lenggwahe. Nagkamot ako ng ulo at sinabi ko, "Tulog na ako."

"Mabuti pa nga, Ginoong Tiago, baka masabi mo rin na may nakapuntang tao sa buwan," ang sabi ni Isko na sa tingin ko ay naging interesado sa hinaharap.

"Nasabi mo na, Isko."

"Imposible!" Nanlaki ang kanyang mga mata at napanganga naman ang mga nakarinig.

"Sa tingin ko ay unti-unting maglalaho ang ibig sabihin ng huling salitang binanggit mo habang lumilipas ang mga taon."

"Paano? Kailan? Sino?" ang sunod-sunod na tanong ng bata.

"Malalaman mo kapag nalampasan mo ang impiyernong ito at nabuhay ka," ang sagot ko sa kanya kahit walang connect sa kanyang mga tanong. Well, sort of.


Stuck in 1945 (Completed 2017)Where stories live. Discover now