Chapter 1 : The Person from the Urban Legend

25.7K 589 67
                                    

Be sober, be vigilant; because your adversary the devil, as a roaring lion, walketh about, seeking whom he may devour. - 1 Peter 5:8

-----

Matalas ang mata ni Ethan sa pagkakaupo sa madilim na iskinita ng mga bahayan. Namumuti ang kamao niya sa mahigpit na pagkakahawak sa itak. Tahimik ang pagbuga niya ng hangin. Ang tainga niya ay nakasunod sa bawat maliliit na kaluskos at mahihinang ingay sa paligid.

Ala una na ng madaling araw. Madilim na ang mga bahay sa buong nayon. Maririnig sa paligid ang huni ng mga kulisap at insekto. Sa bukid ay nag-iingay naman ang malakas at malapad na boses ng palaka. Imbes na kokak ay tila unga ng kalabaw ang huni nito. Sa kalayuan pa ay dinig ang agos ng tubig sa dam na tumutuloy sa malalaking kanal ng patubig. Pero hindi iyon ang mga ingay na binabantayan niya.

“Ek... ek... ek....”

Tumingala siya sa bubungan ng bahay kung saan siya nakatalungko. Wala siyang makita. Pero mahina ang tunog ng ekek na ang ibig sabihin ay nasa malapit lang ito.

Ngumisi siya. Humigpit ang hawak sa itak. Maya-maya lang, malakas ang pakiramdam niyang makikita niya ang ekek sa bubungan nina Matilde. Naikuwento ng ginang na ilang gabi nang tumatambay ang ekek sa bubong nito nang magsimulang magbilog ang buwan.

Nakarinig siya ng ingay. Tunog iyon ng bubungang yero na marahang nilapagan ng bigat.

‘Huli ka ngayon!’ naisip niya at patalong sinipat ang bubungan ni Matilde. May nilalang nga roon. Isang nilalang na tila anino sa dilim at itim ng katawan. Kahit nakatalungko ay makikitang mahaba ang katawan nito, may maiitim na nakatuping pakpak na parang sa paniki sa tagiliran ng bawat braso. Dagling luminga sa kanya ang nilalang bago patalong lumipat sa kabilang bubong.

Pumalatak siya. Tumakbo. Pinakikinggan niya ang mahihinang tunog ng paglapat ng mga paa ng nilalang sa yero hanggang sa wala na siyang marinig. Binilisan niya ang paghabol. Masyado ata itong mabilis! Baka hindi niya masabayan!

“Naman!” naiinis na sabi niya.

“Ek...ek...”

Sa ulunan niya ay nakita niya ang nilalang na nakadipa ang mga kamay at nakaladlad ang pakpak.

Pumalatak siya. Nakalimutan niyang nakakalipad ang mga ito. Ni wala siyang panama kung hahabulin niya! Pero teka...

Tinalasan niya ang tainga. May naririnig siyang tunog ng yero! Tunog ng mahinang pag-apak at ng dumadagang bigat sa bubungan. Lumingon-lingon siya habang tumatakbo. Sa di kalayuan ay nakita niya ang isa pang anino na patalon-talong nagpapalipat-lipat sa bubungan ng mga nakahanay na bahay. Hinahabol nito ang paglipad ng ek-ek!

Mangha siyang nakasunod ng tingin sa anino na nakalampas na sa kanya. Malayo na ang dalawang naghahabulan. Pero tumatakbo pa rin siya sa direksyong pinuntahan ng mga ito. Maliit lang ang nayon. Ilang kumpol lang ang kabahayan na nasa maliliit na compound sa gitna ng mga palayan. Magkakalayo. Sa direksyong niliparan ng ekek, sigurado siyang hahangga sila sa abandonadong kiskisan ng palay.

Humihingal na siya pero patuloy pa rin ang takbo. Kailangang abutan niya ang dalawang nilalang sa kiskisan. Kung tama ang hinala niya, maaaring ang humahabol sa ekek ay ang isang taong matagal na niyang gustong makita at makilala.

The Exorcist : Blood Moon (Completed)Where stories live. Discover now