Chapter 7 : Puzzles

10.1K 385 30
                                    

-----

 Mahigit isang oras din ang inabot bago makarating sina El, Ethan at Kiel sa bayan kung saan natagpuan ang nalunod. Nakasunod sila sa kotse ng pulis na nanunulay sa maliliit at baku-bakong kalye ng probinsiya. Nang bumaba sila sa kani-kaniyang motorsiklo - si El sa motor nito habang nakisakay si Ethan kay Kiel - ay bahagya nang kumakalat ang dilim. Sa tabi ng pampang ng may kalalimang ilog ay nakakalat na ang ibang pulis. May ilan na may hawak na outdoor led lights at tinatanglawan ang Crime Scene. Dahil walang masabitan ng barricade tape, nakaharang at nagpapaalala ang mga unipormadong pulis sa mga mauusisang taganayon na gustong makalapit sa bangkay.

Walang anumang lumapit si El sa lugar kung saan nakatayo si Major at ang dalawang lalaki na kausap nito. Nakatitig ang mga lalaki sa bloated na bangkay na paliyad na nakahiga sa gitna ng isang pentagram na nakaguhit sa dugo. Tumalungko si El malapit sa biktima.

“Same message, Ethan?” untag nito kay Ethan.

Nakapako ang tingin ni Ethan sa pentagram at sa siksik-sa-tubig na bangkay na naroon, “Yes.”

Napatingin sa kanya si Exorcist. Napansin ata nito ang pagkailang niya sa nakikita pero hindi ito nagkomento.

Panty at t-shirt na lang ang suot ng bloated na babae. Nakaarko ang katawan nito. Nakikita niya ang tila paglabas ng tubig sa balat. Nakabuka ang bibig. Nakabuka rin ng malaki ang mga mata.

“Grabe...” bulong ni Ezekiel na malapit lang sa kanya at nakatingin din sa bangkay, “Creative ang kalaban.”

“Of course he is.” sang-ayon ni El.

Naiintindihan niya ang tinutukoy ng mga ito. Mula sa pampang ay may dalawang metro ang layo ng kinahihigan ng biktima pero walang anumang senyales na gumapang doon ang babae o di naman kaya hinila ito. Mula sa labi ng ilog ay may tatlong metro naman bago ang tubig. Basa ang bangkay pero tuyot ang mga damo at ang lupa sa paligid nito. If the soil was not dry, the pentagram drawn in blood would not have been visible. Napatigil siya sa pag-iisip. How come the pentagram was still visible? If it was written in blood, surely, the soil should have sipped it already.

“Cursed blood. Hindi tinatanggap ng lupa ang may sumpang dugo, Ethan. Plus... the pentagram was drew very recently.” sagot ni El sa mga tanong sa isip niya bago bumaling sa matandang pulis na sumusuri rin sa bangkay, “Right, Mister?”

“Oo. Nauna pang mamatay ang bangkay bago naiguhit ang pentagram...” pumalatak ang matandang lalaki, “- isang bagay na imposible na namang mangyari. Gulong-gulo na si Major kung paano aayusin ang mga kasong ito sa lugar natin.”

“May lead na ba kayo o mga suspek?” sabad ni Kiel. Sa matandang lalaki ito nagtatanong.

Nilingon ng lalaki si Kiel, “Meron. Pero... panakip-butas lang iyon habang hindi pa sumasagot si Heneral Coronado sa request na tulong ni Major.”

“Ano yung lead?” hindi mapigilang sabad na rin ni Ethan.

“Walang ibang koneksyon ang mga namatay... maliban sa isang drug dealer na dalawang taon ng wala rito sa lugar namin. Lahat sila, nakilala, nakaaway, at napagtaniman ng sama ng loob ng dealer. Nang umalis dito ang dealer, pinamonitor ni Major ang mga kilos niya dahil marami ang bataan niya rito. At noong isang buwan lang, nawala siya sa radar namin. Tapos, nakakuha kami ng tip na nagsimula na uli ang bentahan ng droga rito sa nayon. Bukod pa sa siya ang huling nakausap ni Beatrice Aquino, yung biktima sa malaking bahay na iniumpog ang ulo. At... yung mga pentagram... kahit sino makakapagsabi na adik lang daw ang gagawa. O di kaya ay kulto!”

The Exorcist : Blood Moon (Completed)Where stories live. Discover now