Chapter 12 : Tricks

8.5K 335 34
                                    

A/N : Isa lang ang masasabi ko sa sandaling nabasa n'yo ang chapter na ito: Relax. :D

-----

Two months ago...

Kumukurap-kurap si Jonathan sa pag-asang mawawala ang panlalabo ng mata niya. Hawak niya ang manibela at nasisilaw siya sa dumadaang mabibilis na headlights at tail lights ng mga kapwa motorista. A part of his brain tells him to slow down and stop somewhere - not to drive knowing how drunk he was. Pero gaya ng mga parati niyang pagsuway sa sariling konsensiya, hindi siya tumitigil sa pagmamaneho. Tinatapakan niya ng mariin ang gas.

‘Madaling-araw na naman. Kakaunti na lang ang nasa kalsada.’

‘If something happens, Tito Rod will fix it.’

‘Nothing will happen. I got this. I drive well.’

Magkakapanabay ang mga ganoong isipin sa utak niya. Nanlalambot ang kamay niya sa pag-abot sa lata ng beer na nasa katabing upuan. Nang mahawakan niya ang malamig pang lata ay inilapit niya iyon sa bibig at sinimsim ang laman niyon. Humagod ang bahagyang malamig at mapait na lasa ng serbesa sa lalamunan niya. Napapikit siya. Saglit na pagpikit lang. Mabilis na lumampas sa kanya ang ilang malilikot na ilaw ng mga katulad niya ay mabibilis na motorista - nakatumbok sila sa Calamba Exit. Magpapatalo ba siya? Inapakan niya ng mariin ang gas at -

Bumundol ang isang nakabalot at nakapaldang katawan sa salamin ng kotse niya. Mabilis niyang nahigit pakaliwa ang manibela. Tumama ang uluhan ng minamaneho niya sa isang manipis na puno. Isinubsob siya ng pwersa ng pagtigil sa manibela. Nangapal ang labi niya, nalasahan niya ang dugo. Saglit na tumilapon sa kawalan ang antok na nararamdaman niya. Dahan-dahan at may kaba siyang bumaba mula sa sasakyan at lumakad palapit sa kung anuman ang nabunggo.

Nakapagitan ang malaking kalsada, nakahandusay sa tanglaw ng street lights ang isang babaeng may saklob sa ulo, nakasaya at may yapos na maliit na bata. Nasa edad dalawang taon lang ang batang babaeng yakap nito. Sa mahinang ilaw ay naaaninag niya ang mabilis na pagdaloy ng pulang likido sa konkretong daan. Malaki ang mga mata ng babae - sa gulat marahil - nang mapatingin sa kanya.

“Tulong...” halos hindi marinig ang bulong nito.

Natuyuan siya ng lalamunan. Nanlalambot ang tuhod niya at nanginginig ang laman.

“Mister... tul... ong.”

Luminga-linga siya sa paligid. Hindi alintana ng mga mabibilis na kotse ang aksidente sa tagiliran ng daan. Walang nakakapansin sa babae at sa batang dala nito. Anong gagawin niya?

“Mis...ter...” halos hindi niya madinig ang bulong na iyon.

Sa di-kalayuan ay nakarinig siya ng wangwang ng pulis. Itinaklob niya ang palad sa tainga habang nakapako ang mata sa babaeng nakatitig din sa kanya. Patuloy ang paggalaw ng labi nito, sumasambit ng salitang ‘tulong’. Lumunok siya. Wala siyang ginawa. Wala siyang kasalanan. Wala siyang nakita. Paatras siyang humakbang habang nakataklob ang kamay sa tainga. Hindi maiwan ng mata niya ang nakikiusap na tingin ng babae. Habang umaatras siya ay unti-unting tumatapang ang mata nito, nagkaroon ng ningas doon. At ang dating salitang ‘tulong’ ay napalitan ng ibang salita.

The Exorcist : Blood Moon (Completed)Where stories live. Discover now