47-B [ memory ]

4.1K 338 96
                                    


NATAPOS ang event nang ako na ang unang lumayo kay Art. Nagtaka siguro siya sa bigla kong pagtayo at paglayo matapos niyang punasan ang luha ko. Kung hindi ko gagawin 'yon, baka kung ano pa ang magawa kong mas makasakit sa kanya.

Napauwi siya sa AFGeneration nang hindi pa natatapos ang event dahil sobrang sakit na raw ng ulo niya.

Ako 'yong may kasalanan.

Ako 'yong dahilan . . .

Bakit pa kasi ako lumapit?

Madilim na nang matapos ang last minute gawain sa ampunan. Halos wala na ring mga bata sa labas dahil natutulog na o kaya nagkukwentuhan sa loob ng mga kwarto. Halos lahat ay pagod dahil sa event.

Pauwi na ako pero gusto ko sana siyang makita kaya nagpaalam akong pupuntahan ko muna si Art sa kwarto.

Ilang beses ko nang nagagawa ito pero ngayon lang na nagkausap na kami nang mas matagal. Nakakainis na ito na lang ang kaya kong gawin. Ang pagmasdan siya habang natutulog. Habang nakapikit siya. Kapag hindi niya ako nakikita.

Sa ganitong paraan, hindi siya nasasaktan kahit kausapin ko siya, hawakan ang pisngi niya, o halikan siya sa noo.

Pero bakit ang saya ko pa rin sa nangyari kanina?

Binuksan ko ang lampshade sa may study table at nakita kong nakakalat ang mga art materials niya. Nag-aaral siya ng fine arts. Second year college. Nakakatuwa lang na kahit nakalimot na siya, hindi pa rin niya nalilimutan ang pagpipinta.

Pero bakit . . . hindi niya maalala ang nakaraan niya?

Kahit si X na muse niya nun sa painting, hindi niya maalala.

Bakit, Art? Anong kailangan mo para maalala mo ang nakaraan?

"Good night, Art. Salamat ngayong araw."

Nawala na 'yong sakit sa mukha niya at payapa na lang siyang natutulog ngayon.

Kailan kaya siya titingin sa akin, o makakalapit kami sa isa't isa, nang ganito ang facial expression niya? Nang hindi siya nasasaktan?

Hinalikan ko siya sa noo bago ko ayusin ang materials niya sa study table. Napansin ko rin na may tinatapos siyang painting ng nature sa isang maliit na landscape canvas. May ilang paintings din sa kwarto niya na sobrang gaganda.

Nang kunin ko ang ilan niyang gamit para ayusin, may napansin akong notebook. Hindi lang ito basta-basta notebook dahil nakikita ko siya minsan na nagsusulat dito. Hindi ko na sana papakialaman pero parang hinahatak ako ng notebook.

Natigilan ako pagbukas ko sa first page.

"Art," bulong ko pagbaling ko kay Art. "Akala ko ba nalimutan mo na ako?"

Napakagat ako ng labi nang ibalik ko ang tingin sa first page. Dahil sa first page, dated years ago ay isang drawing ng mukha ng isang babae . . . mukha ko.


March 30, 2012
Unang taong pumasok sa utak ko. Sino kaya siya?


Napaupo ako sa upuan sa sobrang kaba at panghihina. Naglipat pa ako ng page at nabasa ko ang ilang entries niya sa tinatawag niyang Memory Notebook. Ang mga therapies niya. Ang nararamdaman niya kapag may nakikita siyang masayang magkakasama na pamilya o magkakaibigan. Ang pag-uwi niya sa AFGeneration.


January 17, 2013
May babaeng dumating sa AFGeneration. Sumakit ang ulo ko pagkakita ko sa kanya. Ang bilis din ng tibok ng puso ko.

AFGITMOLFM (2019 version)Where stories live. Discover now