Chapter Two

5.3K 258 26
                                    

"LETSENG judges 'yun! Hindi marunong mag-judge!" Si Maya ang mas apektado na hindi nakuha ni Emong ang korona sa katatapos lang na Ms. Gay-Buenavista 2015. Eto nga at naglalakad na sila ng matalik niyang kaibigang si Emong papauwi pero panay pa rin ang daldal niya ng 'di pagsang-ayon sa resulta ng paligsahan. "Ano ba naman ang magaling sa sagot na world peace? Eh nagamit na 'yon noon pa sa pelikula ni Sandra Bullock. 'Yung Ms. Congeniality, 'di ba? Baka nga do'n niya lang nakuha 'yong sagot niya. Tapos, mananalo siya dahil sa gano'n ding sagot? Nasaan naman ang hustisya?!" over acting na sabi ng hitad na si Maya.

"Pabayaan na natin 'yon, bespren. 'Di naman ako totally natalo. First runner-up naman ako, 'di ba?" Iwinagayway pa ni Emong ang hawak na trophy patunay ng kanyang pagkapanalo. Sakbit naman niya ang bag na puno ng damit na ginamit niya sa kontes. Nandun na rin ang sobreng naglalaman ng seven thousand pesos na premyo niya bilang first runner-up.

"Iyon na nga! Dapat hindi ka first runner-up lang. Dapat sa'yo ang korona. Para next year ikaw ang maglilipat ng korona sa mananalo. At saka, parang inagawan ka ng karangalan dahil sa nangyari. Mas deserving kang manalo kesa dun sa Ms. World Peace na 'yun."

"Haay, bestfriend nga kita. Hindi naman ikaw ang natalo pero parang ikaw ang nalugi diyan. Maganda rin naman 'yung nanalo. Okay naman iyong sagot niya, kung ibabase sa naging tanong sa kanya. Ako naman, naniniwala rin ako na maganda ako at okay din 'yung sagot ko sa question kanina. Pero may judges nga. At iba-iba naman ang opinyon nila sa mga ganda at talino ng bawat kasali sa kontes. Kaya in the end, may isang aangat talaga sa scoring nila. Malas ko lang na hindi ako 'yun. Pero at least, first runner-up naman. Malungkot ako na di ko nakuha ang titulo at korona pero dapat ko pa ring ipagpasalamat ang naiuwi kong karangalan," mahabang paliwanag ni Emong.

"Ah, basta! Kapag may nakita ulit tayong Ms. Gay contest sa ibang barangay sumali ka ulit. Hindi tayo titigil hanggang hindi ka nagkakaroon ng korona," ayaw talagang paawat ni Maya.

"Oo na. First time ko pa lang naman sumali. Marami pang chances at darating na opportunity."

"O, bespren andito na tayo sa inyo. Umuwi ka na at matulog. May pasok pa tayo sa school bukas. Uuwi na rin ako."

"Sige, bespren. Salamat. Ingat ka pag-uwi," paalala ni Emong kay Maya.

Tumango lang si Maya. "Parang ang layo naman ng uuwian ko. Dito lang naman ako sa kabila. Kita na lang ba tayo sa school bukas? O sabay na tayong papasok?"

"Daanan mo ako dito sa bahay, sabay na lang tayo," sagot ni Emong.

"Okay, sige." Ipinagpatuloy na ni Maya ang paglalakad. Si Emong naman ay pumasok na sa loob ng kanilang bahay.

Dumiretso na sa kanyang silid si Emong. Tulog na marahil ang nanay niya, si Aling Rosita, kaya hindi na niya ito inabala pa. Ipinatong na lang niya sa mesa ang bitbit niyang trophy at bag. Tapos ay nagpalit na siya ng damit at muling lumabas ng silid para maghilamos at burahin ang kolorete sa kanyang mukha. Nagsepilyo na rin siya at naglinis ng katawan. Nang matapos ay bumalik na si Emong sa kuwarto at tila pagod na pagod na ibinagsak ang sarili sa kama. Hindi na alam ni Emong ang mga sumunod na nangyari dahil umaga na nang siya ay magising.

Napamulagat si Emong nang marinig ang sunod-sunod na katok sa pinto ng kanyang silid.

"Emong, bangon na! Baka mahuli ka sa klase mo," boses iyon ng nanay niya.

"Opo, gising na ako 'nay." Kahit tinatamad ay bumangon na siya.

"Lumabas ka na diyan para makapag-almusal ka na."

Binuksan ni Emong ang bintana ng kanyang silid. Saglit niyang pinagmasdan ang paligid sa labas ng bahay na abot ng kanyang tanaw.

Isang tricycle ang pumara sa tapat ng magandang bahay na nasa harapan ng kanilang bahay. Magandang bahay ang tawag nila sa bahay ni Mrs. Amelia Torres. Kongkreto ang bahay na iyon at maganda naman talaga ang pagkakagawa. Sa lugar nila, pag sinabing magandang bahay alam na ng mga tagaroon na iyong bahay ni Mrs. Torres ang tinutukoy.

Nakita ni Emong na isang lalaking siguro'y nasa edad 25 ang bumaba sa tricycle. Namangha si Emong sa itsura ng lalaki. Napakagwapo ng mukha nito. Iyong tipong boy next door ang itsura. Ang katawan ay sakto lang, hindi payat pero hindi rin mataba. Hindi ito 'yung tipong nagbababad sa gym, pero alam mong walang ano mang sobrang taba sa tiyan nito. May dalang travelling bag ang lalaki at pagkatapos magbayad sa drayber ay nag-doorbell ito sa bahay ni Mrs. Torres.

Hindi maalis ang tingin ni Emong sa lalaki. Gosh! Ang gwapo naman kasi! At mukha pang ang linis-linis. "Sino ba ang lalaking ito at ngayon ko lang nakita rito?" kinikilig na sabi ni Emong. Sa isipan ay agad niyang pinantasya ang gwapong lalaking nasa harapan ng gate ng bahay ni Mrs. Torres.

Muntik nang mapatili si Emong nang biglang magawi sa kanya ang tingin ng lalaki. At hindi siya puwedeng magkamali, kitang-kita niyang ngumiti ito sa kanya na lalong nagpadagdag sa pinipigil niyang kilig. Aayyyy! Kung puwede lang sana siyang magsisigaw sa sobrang tuwa ngayon din, baka ginawa na niya!

"Emong! Sabi ko lumabas ka na riyan! Six-thirty na!" Narinig ni Emong ang sigaw ng nanay niya.

Saglit na ginantihan ni Emong ng ngiti ang lalaki tapos ay tila si Yaya Dub siyang nag-pabebe wave dito. Hindi na niya nakita ang reaksyon ng gwapong lalaki dahil nagmamadali na siyang lumabas ng silid.

Nakapaghain na ng almusal ang nanay niya. Mabilis na kumain si Emong. Mabilis din niyang tinapos ang paliligo at agad na nagbihis. Alam niya, ilang saglit lang ay dadating na si Maya. Mabuti na lang at malapit lang din sa bahay nila ang eskuwelahan. Aabot pa naman sila sa flag ceremony. Minsan nga sinasadya na nilang magpa-late para hindi na makapag-flag ceremony.

"Emong, andito na si Maya!" narinig niyang pagtawag na naman sa kanya ng nanay niya.

Saglit na inayos ni Emong ang suot na uniporme, pinagmasdan sa salamin ang mukha at bahagyang inayos ang buhok at dinampot ang bag niyang pang-eskuwela. Pagkatapos ay lumabas na siya ng kuwarto.

"Bilisan mo, late na tayo!" bungad ni Maya kay Emong.

"Halika na. 'Nay, papasok na po kami," paalam ni Emong sa nanay niya.

"Sige, mag-iingat kayo. Mag-aral kayong mabuti. Huwag puro lakwatsa," paalala pa ni Aling Rosita.

Paglabas nila ng bahay, nanlaki ang mga mata ni Emong nang makitang papalabas din ng gate ang guwapong lalaking nakita niya sa bintana kanina. Agad niyang siniko si Maya.

"Bespren, nakikita mo ba ang nakikita ko?"

"Asan?"

"Ayan, 'yung guwapo sa gate," hindi maitago sa boses ni Emong ang kilig.

"Ah, siya ba?" kaswal lang na tanong ni Maya.

"Ang taray mo, 'teh! Ganyan lang ang reaksyon mo eh, halos mamatay na ako sa kilig dito?"

"Ano ba dapat ang reaksyon ko, bespren? 'Di ko naman siya type."

"Ang taas ng standard mo sa lalaki, 'teh! Ang ganda mo!"

Tinawanan lang ni Maya ang kanyang matalik na kaibigan. "Timang! Di ko siya type kasi bawal."

"At bakit bawal? May asawa na ba siya?"

"Wala," pabitin na sagot ni Maya.

"Eh, bakit nga?"

"Kasi nag-aaral 'yan sa Maynila. Nag-aaral para maging pari!"

Napanganga si Emong. "Seminarista siya?!"

"Mismo! Kaya huwag mo na siyang pagpantasyahan. Ayaw ni God."

Tuluyan nang nalaglag ang panga ni Emong.

At nadagdagan pa ng panlulumo nang muling magtama ang mga mata nila ng guwapong lalaki at buong tamis itong muling ngumiti sa kanya.

"Para saan pa ang matatamis na mga ngiti kung hindi kita malalandi?" bulong ng isip ni Emong.

Emong AlembongWhere stories live. Discover now