Chapter Thirty

1.6K 130 26
                                    

NASA isang park sina Altaire at Grace. Nakaupo sila sa bench habang nakaharap sa isang malawak na fish pond. Seryoso silang nag-uusap. Kagabi ay tinawagan ni Grace si Altaire at nakiusap ito sa kanya na magkita sila at mag-usap for the last time. Ayaw na sana niyang makipag-usap pa rito pero matindi ang pakiusap nito at umiyak pa nga habang nag-uusap sila sa telepono. Sa huli ay pumayag na rin siya sa hinihiling ng babaeng minsan rin niyang minahal.

"Ano ang pag-uusapan natin?" matamlay na tanong ni Altaire habang nakatingin sa malawak na paligid ng parkeng iyon. Sinadya niyang huwag tingnan ang kausap.

"Masama pa ba ang loob mo sa akin?" tanong niya kay Altaire. "Kahit sinabi mong pinatawad mo na ako, alam kong may kahit konting tampo riyan sa puso mo. Hindi maliit na pagsisinungaling ang ginawa ko. Muntik nang mabuwis ang buhay natin dahil doon. At si Neiji, wala pang kasiguruhan kung kailan siya magkakamalay."

Nanatiling nakatingin lang sa kawalan si Altaire. Wala ito kahit kaunti mang reaksyon sa sinasabi ni Grace.

"Dumalaw ako kay Neiji sa ospital. Kinausap ko ang mama niya. Sinabi kong hindi ako magsasampa ng kaso laban kay Neiji. Doon man lang ay makabawi ako sa panlolokong ginawa ko sa kanya," malungkot niyang sabi kasunod ang isang malalim na paghinga.

Nilingon siya ni Altaire at tinitigan. "Plano ko ring kausapin si mama para iurong na ang kaso kay Neiji. Gusto kong pagbalik ko ng seminaryo ay walang bakas ng galit o anumang negatibong emosyon sa puso ko. Pinatawad ko na ang lahat ng mga taong nagkaroon ng atraso sa akin. Gusto kong magsimulang maglingkod sa Diyos na kabutihan ang laman ng puso ko." Hindi niya namalayan na umaagos na ang mga luha sa kanyang pisngi. "I'm sorry, Grace. Nasaktan pala kita nang makipag-break ako sa'yo. Mali ako nang inakala kong okay lang sa'yo. Sorry..."

"Wala na 'yon, Altaire. Tapos na iyon. Ang mahalaga ay naayos natin ang mga gusot. Makapag-uumpisa na ako ng bagong buhay. Can we still be friends?" Inilahad niya ang kanang kamay. Umaasa siyang aabutin iyon ni Altaire.

"Friends!" Inabot ni Altaire ang kamay ni Grace at hinawakan nang mahigpit kasabay ang isang sinserong ngiti.

"ANAK! May bisita ka," masayang pagbabalita ni Aling Rosita kay Emong.

Mula sa pagkakahiga ay bumangon si Emong. "Sino po?" nagtatakang tanong niya. "Wala naman akong ini-expect na bisita."

"Puntahan mo na lang sa salas. Hinihintay ka niya roon." Hindi nawawala ang ngiti sa labi ng kanyang ina.

Nagkakamot ng ulong lumabas siya ng kuwarto para puntahan sa salas ang bisita raw niya.

Nanlaki ang kanyang mga mata nang makita kung sino ang dumating. Nakatayo ito at nakatalikod sa kanya pero nakilala pa rin niya ito.

"Aldrin?! Anong ginagawa mo rito? Sinong kasama mo? Nasaan si Maya?" sunod-sunod niyang tanong.

Nilingon ni Aldrin si Emong at saka nagsalita. "Nakakasama ka naman ng loob," kunwari ay nagtatampong sabi niya. "Ako ang nandito pero si Maya ang hinahanap mo."

"Eh, hindi naman sa ganoon. Nagulat lang ako. Hindi ba magkasama naman kayo kapag lumuluwas dito?"

"Hindi ko siya kasama. Ako lang ang lumuwas at saka si nanay. Nami-miss na namin si tatay, eh." Titig na titig si Aldrin sa kanya. Kung ice cream lang siya, baka kanina pa siya natunaw.

"May pasok na bukas sa eskuwela, ah. Dapat hindi ka na lumuwas. Unang araw ng klase aabsent ka."

Nagkibit-balikat lang ito. "Kumusta ka na? Hindi ka man lang nagte-text sa akin. Kung hindi pa ako makibalita kay Maya, hindi ko malalaman kung ano na ang nangyayari sa'yo."

"Okay lang naman ako. Wala naman kasi akong ikukuwento kaya hindi ako nagte-text sa'yo," pagdadahilan pa niya.

"Eh, bakit kay Maya ang dami mong kinukuwento?"

"Siyempre, bespren ko 'yon."

"Sige na nga! Wala naman akong magagawa kung ayaw mo akong kausapin."

"Kinakausap naman kita, ah! Teka, bakit ka ba nagpunta rito?"

"Dinadalaw ka. Gusto kitang makita... Kasi nami-miss na kita." Nagtama ang kanilang mga mata pero agad na nagbawi ng tingin si Emong.

"Ayan ka na naman, Aldrin."

"Bakit ba ayaw mo sa akin? Pogi naman ako? Eto, tumangkad na ako. Boses binata na ako. Ano pa ba ang hinahanap mo? Kailangan bang pumasok muna ako sa seminaryo para magustuhan mo?" Hindi niya alam kung nagbibiro lang ba si Aldrin sa huling sinabi nito.

"Hindi naman sa ganoon... Bata pa naman tayo. Dapat pag-aaral ang inuuna natin," sabi ni Emong.

"Ganoon din naman ang gusto ko. Ikaw nga ang ginagawa kong inspirasyon sa pag-aaral ko. Ako ba, ayaw mo ba akong maging inspirasyon sa pag-aaral mo?"

Hindi siya nakasagot.

"Kitam! Wala talaga akong pag-asa sa'yo. Pero hindi pa rin ako susuko. Nandidito lang ako lagi para sa'yo."

"Owws, talaga? Paano mangyayari iyon kung nasa probinsiya ka at ako naman ay narito sa Maynila."

"Basta. Magtiwala ka lang sa akin..."

"Anak, bakit hindi mo pinauupo ang bisita mo?" puna ni Aling Rosita na lumapit sa kanila para dalhan ng meryenda si Adlrin. "Eto, Aldrin magmeryenda ka munang bata ka." Inilapag nito sa mesita ang dalang tray na may lamang sandwich at isang basong lemon iced tea.

"Naku, maraming salamat po Aling Rosita. Ang bait n'yo po. Sana maging kasingbait n'yo si Emong," nakangiting sabi ni Aldrin.

"Uuwi na 'yan, 'nay. Nanggugulo lang dito." Inirapan ni Emong ang bisita.

"Hindi ako nanggugulo, ah. Huwag kang ganyan. Baka maniwala ang nanay mo, hindi na ako papasukin kapag pumunta ulit ako rito."

"At may balak ka pa talagang bumalik, ha?"

Natatawa lang si Aling Rosita sa naririnig na pag-uusap ng dalawa. "Aldrin, kumain ka na. Huwag mong iniintindi ang sinasabi niyang anak ko. Nalipasan lang ng gutom 'yan."

"Nanay!" Itong nanay niya talaga, may favoritism. Kung hindi si Maya, si Aldrin!

MAAGANG dumating sa eskuwelahan si Emong sa unang araw ng klase. Iilan pa lang ang mga estudyante sa classroom nang dumating siya. Dahil transferee, wala pa siyang kilala sa mga kaklase niya. Pero dahil likas naman siyang friendly, bago pa mag-ring ang bell ay may mga bagong kaibigan na siya sa school.

Pagkatapos ng flag ceremony ay bumalik sila sa classroom para sa kanilang unang subject sa umagang iyon. Wala pa ang kanilang class adviser na siya ring guro nila sa World Literature. Hindi naman nagtagal at dumating ang kanilang guro. Pero ikinalaki ng mata ni Emong ang estudyanteng kasama ng guro na agad nitong ipinakilala sa kanila.

"Good morning, class. I am Mrs. Eva Carpio, your class adviser. With me is your new classmate. Transferee siya at ngayong umaga lang siya nag-enrol kaya medyo na-late kami ng dating." Ngumiti nang pagkatamis-tamis sng guro bago muling nagsalita, "Class, I want all of you to welcome Aldrin Galvez."

Hindi inaalis ni Emong ang tingin niya kay Aldrin at bahagya itong ngumiti sa kanya nang magtama ang kanilang mga mata.

Emong AlembongWhere stories live. Discover now