Chapter Four

3.4K 204 20
                                    

"MAGTATRABAHO kayo sa pamilya ni Mrs.  Torres?" halata ang pagkataranta sa boses ni Emong.

"Oo,  iyon ang pakiusap sana ni Mrs.  Torres kaya nandito kanina si Altaire ipaalam sa akin at malaman na rin ang sagot ko."

"Ano'ng sinagot mo,  'nay? Pumayag ka po ba?"

Huminga ng malalim si Aling Rosita.  "Iniisip kasi kita.  Sabi ko kay Altaire,  nag-aaral ka dito at wala kang makakasama kung luluwas ako ng Maynila para magtrabaho sa kanila."

"E 'nay,  malapit nang matapos ang school year.  Isang buwan na lang bakasyon na."

"Kahit na.  Hindi naman kita puwedeng iwanang mag-isa rito."

"Kaya ko naman pangalagaan ang sarili ko,  'nay.  Sixteen na ako.  Mabubuhay na akong mag-isa."

"Tigilan mo nga ako,  Guillermo!  Bakit ba parang gustong-gusto mo na magtrabaho ako sa Maynila?  Ayaw mo ba na naririto ako at nasusubaybayan kita?"

"Hindi naman sa ganoon,  'nay."

"Kumikita naman ako ng sapat sa mga ulam na inilalako ko sa mga kapitbahay. Hindi ko kailangang pumunta ng Maynila para magtrabaho."

"Naisip ko lang po kasi,  'nay na magandang oportunidad rin sa'yo 'yun.  At least siguradong may regular na kita ka buwan-buwan.  Hindi ka na mahihirapang maglako ng ulam.  Ipagluluto mo lang sina Mrs.  Torres.  Eh mabait naman ang pamilya nila,  di po ba?  Kaya kampante ako na magtrabaho ka po doon sa kanila."

"Kung sabagay..."

Medyo nagliwanag ang mukha ni Emong.  Sana pumayag ang nanay niya na magtrabaho sa pamilya ni Mrs.  Torres.  At bakit nga ba niya gusto na manilbihan sa Maynila ang nanay niya?  Kasi pag nangyari iyon,  magkakaroon siya ng dahilan na pumunta sa Maynila at bisitahin ang nanay niya.  May tsansang makita niya si Altaire sa bahay nito sa Maynila. Para-paraan na lang talaga.  Pero ganoon kasidhi ang pagnanais ni Emong na mapalapit sa guwapong binatang pumukaw sa pihikan niyang puso!

Eh ano ba kung seminarista ito?  Hindi pa naman ganap na pari.  At saka kasalanan ba niya kung crush niya ang lalaking ito na napakaguwapo naman talaga?

"Paano,  'nay?  Sasabihin ko na ba kay Altaire na pumapayag ka na sa alok niya?"

"Teka nga,  nakakahalata na ako sa'yo,  eh.  Bakit ba ipinagtutulakan mo yata akong magtrabaho sa Maynila?" pag-iimbestiga ni Aling Rosita.

"Nanay,  gusto ko lang naman po na ma-enjoy mo rin ang buhay.  Pangit naman kung andito ka lang sa probinsiya natin buong buhay mo.  Eh meron namang chance na makita mo ang Maynila,  bakit di mo po sunggaban ang oportunidad?" palusot ni Emong.

"Saka ko na iisipin 'yan."

Nanlumo si Emong.  "Haay,  pera na naging bato pa."

"Anong sabi mo?"

"Ang sabi ko po,  may pera po ako dito,  napanalunan ko kagabi sa Ms.  Gay." Binuksan ni Emong ang bag niya at kinuha ang sobreng may lamang pera.  "Eto po 'nay.  Seven thousand po 'yan,  pandagdag po sa panggastos natin." Iniabot ni Emong sa kanyang ina ang sobreng may pera.

"Sumali ka sa Ms.  Gay?  Akala ko nanood lang kayo ni Maya."

"Opo,  sumali ako.  Hindi ko lang po ipinaalam sa inyo kasi baka matalo ako. Galit ka po ba na sumali ako?"

"Hindi.  Hindi naman,  anak.  Tanggap ko naman kung ano man ang pagkatao mo.  Anak kita at alam kong mabuti kang tao.  Hindi basehan ang kasarian para sukatin ang pagkatao ng bawat nilalang."

"Ang lalim mo,  'nay.  Sana pala ikaw ang pinasagot ko sa question and answer portion para nakuha ko sana ang grand prize."

"Buang ka talaga!  Hindi naman ako bakla," sagot ng nanay ni Emong.  "Pero proud ako sa'yo,  anak. Dahil kahit minsan hindi mo ako binigyan ng problema."

Ngumiti si Emong.  "Siyempre naman,  'nay.  Mahal na mahal yata kita kaya never kitang bibigyan ng problema.  Malandi lang ako pero di ako problem child."

Pinaalalahanan ni Aling Rosita ang anak. "Basta,  mag-aral kang mabuti.  Lalo na malapit na ang final exams n'yo."

"Opo naman, 'nay. Lagi ko namang inuuna ang pag-aaral ko kesa sa ano pa mang bagay. Siyempre, gusto ko namang bigyan ka ng matataas na marka para mapasaya kita."

Ginulo ni Aling Rosita ang buhok ng anak. "Ikaw talaga, kaya naman mahal na mahal kita. At igagapang ko talaga para lang mapagtapos kita sa pag-aaral."

"E di tatanggapin n'yo na, 'nay 'yung inaalok na trabaho ni Mrs. Torres?" biglang lumiwanag ang mukha ni Emong.

Bigla rin namang nagbago ang tono ni Aling Rosita. "Guillermo! Bakit mo ba talaga ako itinutulak sa pagtatrabaho sa Maynila?"

"Si nanay talaga. Itinutulak? Hindi naman, ah. Masama bang maging excited ako para sa nanay ko na trabaho na mismo ang lumalapit sa inyo? Aba, ibig sabihin lang noon na mahusay talaga kayo kaya kinukuha kayo ni Mrs. Torres kahit hindi naman kayo nag-apply sa kanya bilang kusinera. At ako mismo ang makapagpapatunay na magaling kayo sa kusina at napakasarap n'yong magluto," mahaba ang paliwanag ni Emong. Desidido talaga siyang makumbinse ang ina sa kanyang mga palusot.

"Ewan ko sa'yong bata ka. Halatang-halata na may pinaplano ka." Napapailing na lang si Aling Rosita. "Sige na, magbihis ka na at lalamig itong niluto ko. Sumunod ka na agad dito sa kusina at sabay na tayong kakain."

"Opo," sagot ni Emong at dumiretso na ito sa kanyang silid upang magbihis.

Pagpasok niya ng kuwarto ay agad niyang binuksan ang bintana at nahagip kaagad ng mga mata niya si Altaire na nasa gawing bintana rin ng bahay nito at tumutugtog ng gitara.

Namangha si Emong sa binatang seminarista na tila noon lang ito nakakita ng lalaking marunong tumugtog ng gitara. Hindi man niya naririnig ang tinutugtog nito, alam ni Emong na kumakanta si Altaire habang tumutugtog dahil bumubuka nitong bibig habang tinitipa ang gitara.

Bigla'y pakiramdam ni Emong na hinaharana siya ni Altaire kaya naman nangalumbaba siya sa pasamano ng bintana habang nakatanglaw sa guwapong lalaking naggigitara sa kabilang bahay.

Napansin naman yata ni Altaire na may nanonood sa kanya kaya napagawi ang tingin nito kay Emong. Huling-huli nito si Emong na tila nananaginip habang nakamasid sa kanyang ginagawa. Nginitian ni Altaire si Emong.

Hindi nagpatalo si Emong. Ginantihan niya nang mas matamis na ngiti si Altaire na sinabayan pa niya ng isang flying kiss.

Nagulat pa si Emong nang biglang sumenyas si Altaire. Itinaas nito ang isang kamay at nagmuwestra na tila tinatawag siya at pinapupunta sa bahay nito. Bumuka pa ang bibig nito at tila may sinasabi at nang sikapin niyang basahin kung ano ang sinasabi.

"Halika! Pumunta ka rito!"

Natulala si Emong.

Emong AlembongTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon