Chapter Twenty-six

1.6K 117 12
                                    

UMAGA na nang magising si Altaire. Masakit ang ulo niya dahil sa hangover. Bumangon siya sa kama at nagtungo sa kusina para magtimpla ng kape.

Abala sa paghuhugas ng plato si Emong nang bumungad sa kusina si Altaire. Agad niya itong binati.

"Good morning, Altaire. Kakain ka na ba?" tanong niya rito kasunod ang isang masayang ngiti.

"Magkakape lang. Sakit ng ulo ko, eh." Kumuha ito ng isang mug. "Nasa opisina na ba si mama?"

"Oo, kanina pa siya umalis. Umupo ka na lang do'n at ako na ang magtitimpla ng kape mo." Kinuha niya ang mug sa binata.

"Salamat, ha?" sabi ni Altaire sa kanya.

Ngumiti lang siya at ipinagpatuloy ang pagtitimpla ng kape. Nang matapos ay ibinigay iyon kay Altaire na naghihintay na sa mesa. "Eto na ang kape mo." Umupo siya sa tabi nito.

Humigop ng kape si Altaire. Pinagmamasdan lang siya ni Emong. Tila ba may hinihintay ito mula sa kanya.

"Ano 'yon?" tanong niya kay Emong.

"Ha? Ah, eh... Wala. Wala naman," tanggi niya.

"May gusto kang itanong?"

Umiling siya sabay ang isang kiming ngiti.

Tumayo si Altaire hawak ang mug ng kape. "Sa kuwarto ko na lang uubusin itong kape." Humakbang na siya paalis sa kusina.

"A-altaire..."

Lumingon ang binata. "Bakit?"

"May sasabihin sana ako." May pag-aalangan sa tinig niya.

"Ano 'yon?"

"Tungkol kay Grace..."

Kumunot ang noo ni Altaire. "Bakit?"

"Huwag mong iisipin na sinisiraan ko siya, ha?" paunang sabi ni Emong. "Noong isang araw kasi, nakita ko siya sa mall. May kasama siyang lalaki."

"Tapos?"

"Sweet kasi sila no'ng guy. Para silang magdyowa. Babe ang tawagan nila."

Napanganga si Altaire.

"Eh, 'di ba buntis si Grace at magpapakasal kayo? Sorry, narinig ko sa usapan n'yo kahapon. Ang lakas kasi ng boses niya, dinig sa kuwarto."

"Totoo ba ang sinasabi mo, Emong?"

"Oo, totoo. Wala namang dahilan para gumawa ako ng kuwento. Iniisip ko lang kasi kung bakit nakikipag-boyfriend pa siya sa iba kung buntis na siya at magpapakasal kayo. Iniisip ko tuloy kung buntis ba talaga siya... O, kung ikaw ba talaga ang nakabuntis sa kanya," tuloy-tuloy niyang pahayag.

Nagliwanag ang mukha ni Altaire. "Emong! That could be a possibility. I need to talk to Grace."

NANG mga oras na iyon ay kausap ni Grace ang lalaking tinutukoy ni Emong. Sinadya niya ito sa apartment nito para pag-usapan ang isang mahalagang bagay. Pagkatapos mag-usap nina Altaire at ng mga magulang niya kahapon sa bahay nila sa Bulacan, napagdesisyunan na niyang tapusin ang anumang namamagitan sa kanila ng boyfriend niya para wala nang maging problema sa kanyang mga plano.

"Babe, you must be kidding. Tell me this is just a joke," bulalas ng lalaki.

"Neiji, it's over. I'm sorry but I just don't love you anymore," Pinalungkot ni Grace ang kanyang tinig.

"But why? What happened?" naguguluhang tanong ng lalaki. We were even together the other day. We had fun. There was no problem at all. We also talked yesterday at around midnight, and we were still okay. How come you're breaking up with me now?"

"I said I don't love you anymore."

"No! I don't believe you!" Napapitlag si Grace sa lakas ng sigaw ni Neiji. Gumapang ang takot sa kanyang katawan nang lumapit pa ito sa kanya at mariin siyang hinawakan sa panga. "Hindi mo ako puwedeng iwan, naiintindihan mo? Hindi mo ako puwedeng iwan!" Mas humigpit pa ang pagkakapisil nito sa kanyang panga.

"Aray! Neiji, nasasaktan ako. Bitiwan mo 'ko!" Buong lakas niyang itinulak ang lalaki pero hindi sapat ang lakas niya para maalis ang mariing pagkakahawak nito sa kanyang panga.

"Promise me you'll stay or else hindi ka na makakalabas dito." Kung nakakahiwa lang ang talim ng mata, kanina pa sana duguan si Grace dahil sa matalas na titig ni Neiji.

Hindi inaasahan ni Grace na magiging ganoon ang reaksyon ni Neiji. Pero ramdam niyang nasa panganib na siya. Kailangan niyang makalabas kaagad sa tinitirhan ni Neiji.

Kumilos ang isang paa niya. Isang malakas na sipa ang ibinigay niya sa lalaki. Sapul ang pribadong bahagi ng katawan nito kaya agad itong namilipit sa sakit at nabitawan siya.

Iyon ang sinamantala ni Grace. Mabilis siyang tumakbo papalabas ng apartment. Agad siyang pumara ng taksi at sumakay.

"Mama, paandarin n'yo na agad. Bilis!"

"Saan po tayo, ma'am?"

"Kahit saan!" mangiyak-ngiyak na sigaw niya.

Nakahinga siya nang maluwag nang umandar na ang taksi. Ilang minuto na rin itong tumatakbo sa kalye nang muling magtanong ang drayber. "Saan kita ihahatid, miss."

"Sa Sta. Mesa..."

NAKAKAILANG doorbell na si Altaire pero walang Grace na lumalabas para pagbuksan siya ng pinto. Tinatawagan naman niya ito sa cellphone pero cannot be reached ito. Tulog pa kaya si Grace? Imposible naman. Halos tanghali na, ah!

Sinubukan niya ulit na mag-doorbell. Wala pa rin. Nasaan ba ang babaing iyon?

Noon pumara sa tapat niya ang isang taksi at pagkatapos ay bumaba roon si Grace.

"Altaire! Anong ginagawa mo rito?"

"May kailangan tayong pag-usapan. May kailangan kang aminin sa akin," Nagpipigil sa galit si Altaire.

"Pumasok ka muna. Doon tayo sa loob mag-usap."

"Hindi! May gusto lang akong malaman at sana sabihin mo sa akin ang totoo."

"Ano ba 'yon? Eh, kung pumapasok ba tayo sa loob mas makapag-uusap tayo nang mabuti."

"Sagutin mo ang tanong ko." Tinitigan niya sa mata ang babae. "Sino ang totoong ama ng ipinagbubuntis mo?"

"Ikaw!" mabilis na sagot ni Grace. "Sino pa ba sa akala mo?"

"Huwag mo akong gaguhin, Grace! Magsabi ka nang totoo! Huwag mong hintaying maubos ang bait ko, baka kung anong magawa ko sa'yo."

"Ano ba kasing pinagsasasabi mo? Ikaw ang ama ng ipinagbubuntis ko. Siraulo ba ako na ipaaako 'to sa'yo kung hindi naman sa'yo?" Si Grace ang tipo na hinding-hindi aamin.

"May boyfriend ka, Grace. May nakakita sa'yo sa mall, kasama mo ang boyfriend mo. Umamin ka na, Grace. Bakit mo ginagawa ito?"

"Wala akong ginagawa. Iyong baklang katulong n'yo na ang nagsumbong sa'yo? Talagang ginawan niya agad ng kuwento. Naging boyfriend ko na agad 'yong pinsan ko na sinamahan lang ako sa mall?" Kailangang mapaniwala niya si Altaire or else masisira lahat ng plano niya.

Nagsalubong ang mga kilay ni Altaire. "Pinsan? Babe ba ang tawag mo sa pinsan mong lalaki?" Nang-uusig ang kanyang tinig.

Isang motor ang pumarada sa tapat nila. Nag-alis ng helmet ang lalaking sakay ng motor. Si Neiji. Bakas ang matinding galit sa mga mata nito.

"Siya ba?! Siya ba ang dahilan kaya gusto mo nang makipaghiwalay sa akin?"

Bago pa nakasagot si Grace ay sinugod na ni Neiji si Altaire at nang makalapit rito ay biglang binunot ang patalim na nasa likurang bulsa ng pantalon nito at mabilis na inundayan ng saksak si Altaire.

Hindi inaasahan ni Altaire ang gagawin ni Neiji kaya hindi niya naiwasan ang saksak na bumaon sa kanyang tiyan.

"Huwaaag!" hilakbot na sigaw ni Grace. Nakita niya nang bumagsak ang duguang si Altaire.

"Isa ka pa! Wala kang kuwentang babae!" Wala nang nagawa si Grace nang saksakin din siya ni Neiji. Bumaon ang patalim sa tagiliran niya.

Parang kandilang naupos si Grace na bumagsak sa semento habang nakabaon pa rin sa tagiliran niya ang patalim.

Emong AlembongWhere stories live. Discover now