Chapter Thirty-four

1.8K 118 32
                                    

BINILISAN ni Emong ang paglalakad dahil lumalayo ang agwat ng distansya niya kina Aldrin at Trina. Bumilis din ang lakad ng dalawang lalaking sumusunod sa kanya.

Nang matapat sila sa isang walang taong bahagi ng kalye ay kaagad dumikit ang dalawang lalaki kay Emong at nagdeklara ng holdap.

"Holdap ito. Ibigay mo sa amin ang cellphone at walllet mo," madiing sabi ng matabang holdaper

Hindi agad nakakilos ang nabiglang si Emong.

"Bilis!" sabi naman ng isa pa na medyo idiniin pa sa kanyang baywang ang matalas na balisong na hawak nito.

Takot na takot si Emong. Katapusan na yata niya. Pakiramdam niya'y nawala ang lahat ng dugo sa kanyang mukha. Nakita niyang ilang metro rin ang layo nina Aldrin at Trina sa kanila. Pero maririnig siya nito kung sisigaw siya nang malakas.

"Ano? Akin na nga ang bag mo!" Biglang hinila ng matangkad na holdaper ang bag ni Emong ngunit hindi siya pumayag na maagaw iyon sa kanya. Nakipaghilahan si Emong sa kanya at nang mabitawan ng lalaki ang bag ay mabilis niyang tinapakan ang paa ng kasama nitong matabang holdaper sabay nagtatakbo siya at nagsisigaw upang makatawag ng atensyon.

"Saklolo! Tulong! Hinoholdap ako!" sigaw niya habang tumatakbo.

"Hoy! Bumalik ka rito!" Agad ding humabol ang mga holdaper. Hindi puwedeng mapurnada ang pakay nila sa baklang ito.

"Tulong! Tulungan n'yo ako!" Walang tigil sa pagsigaw si Emong.

Napalingon si Aldrin sa likuran niya at nagulat pa siya nang makita ang tumatakbong si Emong habang hinahabol ng dalawang lalaki. "Si Emong!"

Hindi na siya nagdalawang-isip pa. Kailangan ni Emong ang tulong niya!

"Dito ka lang, Trina," bilin niya sa kaklase na nakaramdam din ng takot para kay Emong.

Mabilis na tumakbo si Aldrin sa direksyon ni Emong. Ngunit bago pa siya tuluyang nakalapit ay naabutan na ng matangkad na holdaper si Emong.

Napatili nang malakas si Emong nang mahawakan siya ng holdaper sa buhok. Sa lakas ng pagkakahila ay ininda niya ang sakit na naramdaman sa bahagi ng kanyang leeg. Parang nabali yata ang mga buto niya sa leeg.

Itinulak ng holdaper si Emong na siya nitong ikinasubsob sa kalye. Pero kahit na nasaktan ay nagpumilit pa rin itong bumangon para bigyang babala si Aldrin. "Aldrin, holdaper sila! May dalang kutsilyo 'yong isa. Mag-iingat ka!"

Sinalubong ng isang holdaper si Aldrin. Agad nitong inilabas ang hawak na patalim. "Pakialamero ka!"

Bahagyang napaurong si Aldrin. Kailangang mag-ingat siya sa lalaking ito. Isang maling kilos ay puwedeng maging kapalit ng buhay niya.

Pumorma ang holdaper na may hawak na patalim. Ang matabang holdaper naman ay pumorma na rin para sugurin si Aldrin anumang oras.

Nakabangon na si Emong pero iniinda pa rin nito ang masakit na leeg.

Sumugod kay Aldrin ang matabang holdaper at binanatan siya ng suntok pero nailagan niya ito. Sinamantala ng holdaper na may hawak na patalim ang pagkakalingat niya at agad din itong kumilos. Iwinasiwas nito ang hawak na patalim at tumama sa braso ni Aldrin.

"Aldrin!" Napatili si Emong nang makita ang dugo sa braso ng kaklase.

Si Trina ay nanghilakbot din at 'di na nakagalaw sa kinatatayuan. Napaiyak na lang ang kawawang babae. "Aldrin..."

Muling sumugod ang matabang holdaper pero maagap na nahawakan ni Emong ang likuran ng damit nito.

Kahit hirap ay pinilit ni Emong na mahila ang lalaking mataba. Siya tuloy ang napagbuntunan nito.

Emong AlembongWhere stories live. Discover now