Chapter Twelve

2K 134 23
                                    

"IIWAN MO na ako, bespren?" parang nagtatampong sabi ni Maya. "Wala na pala akong makakasabay sa pagpasok sa eskuwela. Wala na rin akong mahihiraman ng notes. Ano ba naman 'to? Ba't pabigla-bigla naman?"

Si Aldrin ay hindi nakapagsalita, pero sa mukha nito ay naroon ang hindi maipaliwanag na lungkot.

"Kailangan ko kasing samahan si nanay doon. At saka ayaw rin naman ni nanay na maiwan ako rito, dahil siyempre only child ako. Wala akong makakasama rito," paliwanag ni Emong. "Pero huwag kang mag-alala, uuwi ako rito tuwing bakasyon, para magkasama ulit tayo."

"Aldrin, paano ba 'yan? Iiwanan ka na pala ng mahal mo."

Napairap si Emong sa sinabi ni Maya.

"Wala naman akong magagawa kung ganoon ang mangyayari. Hindi naman ako puwedeng tumutol."

"Hindi talaga!" mataray sa sabi ni Emong.

"Siyempre, mas mapapabuti ka kung nasaan ang nanay mo. Kasi may mag-aalaga sa'yo."

"Mabuti alam mo."

"Bespren, ano ba? Huwag ka namang masungit kay Aldrin. Wala namang ginagawang masama sa'yo 'yung tao."

Hindi na lang kumibo si Emong.

"Pabayaan mo lang siya, Maya. Hindi naman ako nagagalit kay Emong kahit lagi siyang parang galit sa akin. Naiintindihan ko siya."

Tumaas ang kilay ni Emong. "So, utang na loob ko pa?"

"Wala naman akong sinasabing ganoon."

"Sige na, bespren aalis na kami," sabi ni Maya bago pa tuluyang magkasagutan sina Emong at Aldrin. "Magpagaling ka agad, ha?"

"Salamat sa pagdalaw, bespren."

"Aling Rosita, aaalis na po kami," paalam ni Aldrin sa nanay ni Emong.

Nagmamadaling nagtungo sa salas si Aling Rosita. "Salamat sa inyong dalawa, ha? Mag-iingat kayo sa pag-uwi."

Tumango na may kasamang ngiti ang dalawang bisita ni Emong.

PAGKALIPAS NG ilang araw ay nakabalik na sa eskuwelahan si Emong. Kagagaling lang niya sa eskuwela noon nang mapansin niyang saradong-sarado na naman ang bahay nina Altaire.

"Bumalik na si Altaire sa Manila. Nagpaalam nga sa akin kanina?" salubong sa kanya ng nanay niya nang mapansin nitong nakatingin siya sa saradong bahay ng pamilya Torres.

"Ha?" gulat na reaksyon ni Emong. "Nay, ba't hindi ko alam? Hindi man lang siya nagsabi sa akin."

"Eh, bakit naman magpapaalam sa'yo 'yung tao? Kamag-anak ka ba?"

"Friend. Close friend," maarteng sagot ni Emong. "Nakakainis naman siya. Paano na 'yan? Siguradong mami-miss ko siya."

"Naku, Guillermo! Tigilan mo nga 'yang kaalembungan mo. Pati ba naman si Altaire na magpapari eh, ginugusto mo pa?"

"Inay, kapag tumibok ang puso, hindi naman tayo pwedeng kumontra. Ang puwede lang nating gawin ay sumunod at magpakasaya sa dala nitong ligaya."

Nanlaki ang mga mata ni Aling Rosita. "Guillermo!!!"

"Hmp! Ewan ko sa'yo, 'nay. Mabuti nga at lumaki lang akong malandi, hindi drug addict." Pagkasabi noon ay dali-dali nang tumakbo si Emong papasok sa loob ng kanilang bahay. Naiwang nakatulala si Aling Rosita na hindi malaman kung matatawa o mayayamot sa sinabi ng anak.

ILANG LINGGO lang ang ipinasok ni Emong dahil nagtapos na ang klase. Hindi na maitago ang excitement sa kanyang mukha. Makakapunta na sila sa Maynila. Sa wakas ay wala nang makakapigil sa kanya na muling makita si Altaire.

Emong AlembongWhere stories live. Discover now