Chapter Three

4.2K 217 10
                                    

NASA loob na ng klase ay hindi pa rin nawawala sa isip ni Emong ang gwapong lalaking nakita niya sa tapat ng kanilang bahay. Anak daw ni Mrs. Torres ang lalaking iyon. Ano't hindi man lang niya nalaman? E di sana ay nakapagtanong siya sa nanay niya na dating katiwala sa bahay ng mga Torres. Dapat ay nalaman niya na may ganun kaguwapo siyang kapitbahay!

Sayang naman. Imposibleng hindi umuuwi dito sa kanilang lugar ang lalaking iyon para magbakasyon. Pero sabagay, kung sa Maynila nga naman ito nag-aaral, malamang na wala na rin itong oras para umuwi pa dito sa Buenavista. At saka, nasa Maynila rin naman ang mga magulang nito kaya wala itong dahilan para umuwi nang madalas dito.

Paano nga niya ito makikita sa lugar nila kung ganoon pala ang sitwasyon? Haay, sayang talaga. Sana noon pa niya nakilala ang napakaguwapong nilalang na ito.

Hindi talaga maaalis sa isip ni Emong ang guwapong lalaking iyon. Kakaiba ang dating nito sa kanya. Crush na ba ito? Parang gustong kumanta ni Emong sa tono ng kanta ni Kim Chiu na "Mr. Right".

Ikaw nga ba si Mr. Right? Ikaw nga ba love of my life? Ikaw nga ba ang icing sa ibabaw ng cupcake ko? Kinikilig si Emong habang naglalaro sa isip niya ang lyrics ng kanta.

Ano kaya ang pangalan ng lalaking iyon? Bakit hindi man lang niya ito nakilala?

Naku, kailangang makilala niya ang lalaking ito bago pa ito bumalik sa Maynila. Hindi puwedeng hindi sila magkakilala at maging magkaibigan. Promise! Gagawin niya ang lahat para mapalapit sa guwapong lalaking anak ni Mrs. Amelia Torres

"Guillermo Flores, saan na naman lumilipad ang isip mo?" malakas ang tinig na nagmula kay Mrs. Alimorong, ang guro ni Emong.

"Ma'am?" nagtatanong ang mga mata ni Emong.

"Sabi ko, hindi ka na naman nakikinig. Wala sa loob ng klase ko ang utak mo."

"Nakikinig po ako, ma'am," palusot ni Emong.

Tila hindi kumbinsido ang guro. "Sige, kung talagang nakikinig ka sagutin mo ang tanong ko."

Patay! sabi ng isip ni Emong. "A-ano po 'yung tanong, ma'am?" Sinulyapan ni Emong ang katabing si Maya na tila nagpapasaklolo. Dedma naman si Maya sa takot na baka siya pa ang mapansin ng guro at biglang siya ang pasagutin sa tanong nito.

Biglang tumunog ang bell bago pa nakapagtanong ang guro.

"Whew! Saved by the bell ako. Yes!!!" Nagsisisigaw ang utak ni Emong. Mabuti na lang at nag-bell. Kung nagkataon, mapapahiya siya sa buong klase. Bakit? Eh totoo namang hindi siya nakikinig. At hindi rin naman siya nakapag-aral ng lessons kagabi dahil busy siya sa Ms. Gay.

"Okay, class you are now dismissed. We'll continue with our lessons next meeting."

"Thank you, ma'am!" nag-chorus sa pagsagot ang mga estudyante.

Lumabas na ng classroom ang guro. Naiwan ang mga estudyante para hintayin ang guro nila sa susunod na subject.

MAGKASABAY pa rin sina Emong at Maya pauwi pagkatapos ng klase. Katulad kaninang umaga, naglakad na lang sila pauwi.

"Nakakapagod," reklamo ni Maya.

"Alin?"

"Pumasok."

"Hindi ka pa nasanay..."

"Biruin mo, araw-araw gigising nang maaga. Makikinig sa teacher, sasagot sa recitation. Magbabasa, magsusulat. Araw-araw 'yun, ha? Paulit-ulit."

"Napakareklamador mo naman. Eh 'di huwag ka nang mag-aral kung ayaw mo ng ganun. Mag-drop ka, teh!"

"Shunga! So, ano'ng mangyayari sa akin 'pag hindi ako mag-aaral? Tambay forever, bespren? Hanggang dito na lang ako? Ganito na lang buhay ko habang buhay?"

"O, alam mo naman pala eh. Ba't may pa-emote-emote ka pa diyan? Emotera ng taon!"

"Masama bang maglabas ng hinaing?"

"Teh! Sana 'yung may sense na hinaing ang ilabas mo, 'noh? Hindi 'yung parang feeling mo ikaw lang ang ganyan. Ilan ba ang estudyante sa buong mundo? Lahat ng estudyante nararanasan ang ganyan. Kaya 'wag kang paawa effect, bespren."

Hindi na sumagot si Maya. Kapag ganun, tanggap na niyang di patatalo sa argumento si Emong kaya tumatahimik na lang siya.

"Teka, maiba ako," biglang sabi ni Emong.

"Ano 'yun?"

"Di ba sabi mo seminarista 'yung gwapong anak ni Mrs. Torres?"

"Oo."

"Alam mo rin ba kung ano'ng pangalan niya?"

"Hindi..."

Nanlumo si Emong. "Sayang naman. Dapat alamin mo."

"Bakit aalamin ko? Hindi naman ako interesado sa kanya."

"Alamin mo para sa akin."

"Tse! Ikaw ang may gusto, e di ikaw ang gumawa ng paraan para makilala siya. At di ba sabi ko nga, bawal! Gusto mo bang magalit ang Diyos sa'yo?"

"Ang sungit naman nito. Ang OA pa," pagmamaktol ni Emong. "Anong masama kung gusto ko siyang makilala?"

"Bespren, may hidden agenda ka. Alam mo 'yan. Huwag kang plastic."

Itinirik ni Emong ang kanyang mga mata.

"Ang landi-landi mo, bespren. Alembong ka! Bagay sa'yong tawaging Emong Alembong."

"Hay naku, bilisan na natin ang paglalakad. Malapit na tayo sa bahay. Baka andun ulit sa labas ng bahay nila yung guwapong seminarista."

"Sus, alembong talaga," napapailing na komento ni Maya.

"Eh, ano naman kung alembong. Keri ko naman!"

"O, paano daanan na lang kita bukas. Pumasok ka na diyan sa inyo. Malas ka ngayon, wala sa labas ng bahay nila 'yung crush mo."

"Oo nga, wala siya. 'Di ko man lang siya nakita. Miss ko na ang ngiti niya," matamlay sa sabi ni Emong.

"Baliw talaga," bulong ni Maya. "See you tomorrow, bespren." Kumaway pa si Maya habang naglalakad papunta naman sa bahay nila.

Tuloy-tuloy na pumasok sa loob ng kanilang bahay si Emong. Pagbukas niya ng pinto laking gulat niya nang muntik na siyang mabangga sa lalaking papalabas naman sana ng kanilang pintuan. At halos panawan siya ng ulirat nang makilala niya ang lalaking muntik na niyang mabangga.

"Ikaw?" Nanlalaki ang mga mata ni Emong. Titig na titig siya sa guwapong lalaking kapitbahay nila.

"Sorry, I didn't expect you're coming in," paghingi ng dispensa ng lalaki.

Hindi makasagot si Emong. Titig na titig pa rin ito sa guwapong lalaking nakatayo sa kanyang harapan.

"Hey, are you okay?" Ikinaway-kaway ng lalaki ang kamay sa harap ng mukha ni Emong.

"O, anak andyan ka na pala." Lumapit si Aling Rosita sa dalawa. "Pumasok ka na rito para makadaan si Altaire."

Parang biglang nahimasmasan si Emong. Agad itong nagbigay daan kay Altaire. Pero hindi nito inaalis ang tingin sa guwapong binata.

Ngumiti si Altaire kay Emong. Hindi nakaligtas kay Emong ang mapuputi at pantay-pantay nitong mga ngipin. Ganun din ang mapula nitong labi na bigla'y pinangarap ni Emong na mahalikan.

"Sige po, Aling Rosita. Aalis na po ako."

"Sige, iho. Salamat."

Muling ngumiti si Altaire kay Emong bago ito tuluyang umalis. Walang nagawa si Emong kundi sundan na lang ng tanaw ang guwapong seminarista. Nang mawala na si Altaire sa kanyang paningin ay agad itong bumaling sa kanyang ina.

'Nay! Ba't andito 'yun? Ano'ng ginawa niya rito?"

"Pinapunta siya rito ng mommy niya, ni Mrs. Torres."

"Bakit po?"

"Pinakikiusapan akong mamasukan sa kanila sa Maynila bilang kusinera."

"Ha?!" Muling nanlaki ang mga mata ni Emong.

Emong AlembongTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon