Chapter 10

351K 14.7K 3.5K
                                    

Chapter 10: Bad Blood

Hindi maalis sa labi ni Prinsipe Dominus ang kanyang ngiti. Hindi ko alam kung dapat ba akong magpasalamat na ang dukhang katulad ko ay makakapasok do'n o hindi. Gustuhin ko mang umayaw ay hindi maaari. Ayokong maiwan sa loob ng palasyo kung si Prinsipe Arcus lang naman ang makakasama at baka maghinala sila sa akin.

"Hindi ka ba masaya?" Huminto sa paglalakad si Prinsipe Dominus. Humarap sya sa akin. Nagtataka ang kanyang mata. "Halos lahat ng bampira sa labas ay pangarap ang makapasok sa loob ng unibersidad na 'yon." Naguguluhan nyang sinabi.

Gusto kong umiling dahil hindi ako katulad nila pero sinagot ko na lang sya ng ngiti. "Hindi lang ako makapaniwala." Hindi ko pinangarap ni minsan magsimula nang malaman ko ang unibersidad na 'yon ang makapasok. "At medyo kinakabahan lang ako." 'Yon ang totoo. Hindi ko alam kung anong klaseng lugar 'yon dahil wala ring nabanggit sina Tita Rema tungkol do'n.

Hindi ako gaanong makakilos sa kinatatayuan ko dahil sa katunayang nakatitig sya sa akin. Hindi ko rin alam kung nababasa nya ba ang mga iniisip ko. "Hindi mo kailangang kabahan. Ako ang bahala sa'yo." Tumalikod na ito at nagpatuloy sa paglalakad.

Sumunod ako sa kanya. Mukhang matatagalan pa ako sa mundong ito. Hindi ko inakalang ganito kahirap ang pinasok ko. Huminga ako nang malalim. Napatingin ako sa isang kulay puting kabayo na nakatali sa puno. Malayo pa lang kami ay hindi na ito makapali sa kakagalaw at parang alam nya kung sino ang parating.

"Sero!" Tumawa si Prinsipe Dominus nang dilaan nito ang kanyang kamay. Hinimas niya ang ulo ng kanyang alaga bago tumingin sa akin. "Ito ang pinakaunang natanggap kong regalo sa Amang Hari." Bakas ang tuwa sa kanyang mata habang sinasabi 'yon.

Kung susuriin ng maayos ay halatang sobrang tagal na nga nilang magkakilala. Kinalas ni Prinsipe Dominus ang pagkakatali nito sa puno bago tumalon at sumakay sa likod nito. Nakatingin lang ako sa kanilang dalawa. "Halika, Hezira." Inilahad ni Prinsipe Dominus ang kanyang kamay sa akin. Lumunok ako bago 'yon tinanggap. Pagsakay ko sa likod ay napayakap ako kay Prinsipe Dominus. Masyadong malikot gumalaw ang kanyang alaga at ayokong mahulog.

"Saan ba tayo pupunta, Prinsipe Dominus?"

"Dominus na lang, Hezira." Natatawa nyang suway sa akin. Napatango na lang ako dahil malimit kong makalimutan 'yon. "Sa labas. Gusto ko ulit makita ang mga bampira do'n." sagot nya.

Magtatanong pa sana ako nang may dumating na apat na lalaking nakasakay din sa kabayo. Hindi ako agad nakakilos nang makita ang nasa unahan. Huli na dahil nakita na nya ako.

"Saan ang 'yong punta, Prinsipe?"

"Hindi mo na dapat malaman, Heneral Dignus."

Tumawa ito sa isinagot ng prinsipe. Hindi ko iniwas ang tingin ko nang mapatingin sya sa akin. Sa una ay kumunot ang noo nya bago ngumiti na parang naalala na nya ako. "Nagkita tayong muli, binibini." Bati nya sa akin.

Ibinali ni Dominus ang kanyang ulo para tumingin sa akin. "Magkakilala kayo?" tanong nya sa akin. Sasagot pa lang sana ako nang maunahan na ako ni Heneral Dignus.

"Siya ang babaeng nakita ko sa labas ng palasyo, Prinsipe." Sabi nya. "Isang dukha na marunong gumamit ng salitang ingles."

Kinakagat ko ang labi ko nang maramdaman na mas naging magalaw ang kabayong sinasakyan namin. Humuhuni pa ito. "Huminahon ka, Sero!" Sinubukang patahanin ni Dominus ang kanyang alaga ngunit mas lumala pa ito. Nakita kong napangiti si Heneral Dignus dahil do'n.

"Anong ingles ang sinasabi mo?" tanong ni Dominus.

"Narinig kong gumamit ng salitang ingles ang babaeng 'yan at kakaiba rin ang kasuotan nya no'n." saglit nitong pinasadahan ng tingin ang aking suot ngayon bago muling ngumiti. "Hindi ba nakakapagtaka ang ganon para sa isang dukhang katulad nya?"

Taste of Blood (Book I)Where stories live. Discover now