Chapter 40

161K 8.6K 3.4K
                                    

Chapter 40: Bihag

Nagising ako nang tumama sa mukha ko ang mainit na sinag ng araw. Gamit ang naninigkit na mata ay sinulyapan ko kung nasaan ako. Naramdaman kong limitado ang kilos ko. Saka ko lang napagtanto na nakatali ako.

"Gising ka na pala."

Sinamaan ko ng tingin si Inueh. Humihithit ito ng tabako, nakasandal sa puno habang nakatingin sa akin. Hindi ko na siya gaanong maaninag dahil sa kapal ng usok na bumabalot sa kanyang mukha.

Nang mas maging maayos ang paningin ay nalaman kong nasa gubat pa rin kami. Nakatali ako ng lubid, masyadong mahigpit na kahit na magpumiglas ako ay hindi man lang luluwag ang kapit sa akin.

Nang maisip na wala akong magagawa para makalaya ay tumingin akong muli kay Inueh.

"B-Bakit?" nanginig ang boses ko.

Hinawi nito ang mga usok sa kanyang mukha bago tinapon ang tabako at inapakan ang baga para maapula ito. Bumuga ito nang hangin bago pinasadahan ng kamay ang kanyang mga braso.

"Ramdam ko na ang lamig," sabi niya. "Malapit ng magtaglamig."

"Saan mo ako dinala?" tanong ko.

"Andito pa rin naman tayo sa gubat." Ngumiti ito bago lumapit sa akin. Umupo ito sa tapat ko at gamit ang kanyang isang kamay ay hinawi niya ang ilang hibla ng buhok ko na tumatakip sa mukha ko. "Hindi pa tayo maaaring lumabas dito dahil alam kong nag-aabang si Dominus."

"A-Ano ang binabalak mo?" Nangatog ang labi ko.

"Alam kong alam mo na ang sagot diyan." Tumawa ito bago hinaplos ang aking mukha. "Hindi ba sa 'yo ko nailathala ang aking plano kapag nakakita ako ng tao? Pero alam mo? Ang daya mo."

Tumayo ito at naglakad palayo sa akin. Humalukipkip ito habang pinagmamasdan ako.

"Alam mo kung gaano ako kasabik sa tao, pero hindi mo man lang sinabi na nasa harapan ko na pala."

Nanuyo ang lalamunan ko. "A-Akala ko kaibigan kita..."

"Akala ko rin eh." Tinaasan niya ako ng kilay. "Buti na lang tinalikuran mo ang alok kong pakikipagkaibigan kasi kung mas napalapit pa ako sa 'yo... Mahihirapan ako sa plano."

Tinitigan ko siya gamit ang mga nanlilisik kong mata. "Buti na lang din at hindi lumalim ang pagtingin ko sa 'yo bilang kaibigan dahil kung hindi ay baka mas lalo akong lumubog."

Isa iyong kasinungalingan... Alam kong tanggap ko na siya biglang kaibigan kaya nasasaktan ako kung bakit ganito siya. Nasasaktan ako na ang tinuring kong kaibigan pa ang siyang magpapahamak sa akin.

Sinubukan ko ulit kumawala sa lubid pero hindi ko kinaya, kahit na may bisa na uli ang kwintas ay hindi ko man lang magalaw ang higpit nito. Mukhang sinigurado talaga ni Inueh na hindi ako makakatakas sa kanya.

Tumalikod ito at may kinuha sa kanyang bag na nakasabit sa mababang sangay ng isang puno. Pagkaharap niya sa akin ay may tinapay na itong hawak.

Lumapit siya sa akin at umupo sa tapat ko.

"Kain ka muna dahil malayo pa ang lalakbayin natin." Itinapat niya sa bibig ko ang tinapay kaya ipinilig ko ang ulo ko.

Kahit na gutom ako ay hindi ko kakainin ang alok niya.

"Mamamatay rin naman ako, ba't mo pa ako papakainin?" rason ko.

"Hindi ka pa maaaring mamatay hanggat hindi tayo nakakabalik sa palasyo."

Kumirot ang dibdib ko. Bakit ba napakadali para sa kanya ang gawin ito? Matagal din naman kaming nagsama, wala lang ba ang lahat? Lahat ba ng ipinakita niya sa akin ay tila naglaho rin nung nalaman niyang ako ang makakatupad ng kanyang mga pangarap?

Taste of Blood (Book I)Where stories live. Discover now