Chapter 43

187K 8.3K 2.3K
                                    

Chapter 43: Paruparo

Kinusot ko ang aking mga inaantok pang mata para palinawin ang aking paningin. Nang magtagumpay ay napagtanto kong nasa isa akong hindi kilalang silid, nakatulala sa bubong na yari sa bakal. Ramdam ko pa rin ang panghihina ng katawan ko na tila binagsakan ako ng mga mabibigat na bagay.

Hindi pa sana ako tatayo nang maramdaman ang pagkalam ng sikmura. Bahagya akong nahilo dahil sa biglaang pag-upo. Tumayo ako at muling iginala ang tingin sa paligid.

Nagawa ko ba? Andito na ba uli ako sa mundo ng mga tao?

Napadako ang tingin ko sa nag-iisang bagay sa kulay puting silid na ito, ang aparador. Itinulak ko ang sarili patayo at naglakad sa harap ng aparador kung saan may salamin.

Nanghina ako nang makitang wala ng kahit na ano sa leeg ko. Naglaho na ang kwintas. Nagbalik sa dati ang pakiramdam ko. Tila nabunutan ako ng tinik sa lalamunan. Nagawa ko nga.

Napatitig ako sa salamin. Kahit na mas maayos na ang pakiramdam ko ngayon ay parang may kulang pa rin... Pakiramdam ko ay nakahubad ako dahil wala ang kwintas sa leeg ko.

Bumuntong-hininga ako bago napagpasyahan na lumabas na ng silid. Bumungad sa akin ang tahimik na sala. Walang kahit na anong gamit maliban sa iilang silya at isang maliit na lamesa.

Nasaan ba ako?

Naglakad-lakad ako hanggang sa mapunta ako sa kusina. Mas nagparamdam ang tiyan ko nang makita ang mga prutas at inihaw na karne roon. Umupo ako sa silya at kumuha ng isang hita ng karne. Habang kumakain ay iniisip ko pa rin kung nasaan ako.

Napatingin ako sa karneng kinakain ko. Ang sarap ah! Matagal-tagal na rin nung huli akong makakain nito.

Bumuntong-hininga ako habang ngumunguya. Nasaan ba ako? Mukha naman itong hindi langit.

Hindi kaya...

Halos mabulunan ako nang may maisip na dahilan. Hindi kaya may nakahanap sa akin sa gubat nang walang malay at inakala nilang nababaliw na ako kaya dinala nila ako sa mental hospital?

Napanguso ako. Ang sosyal naman ng mental ospital na ito. May tig-iisang silid ang mga pasyente. Pero... Paano ako makakalabas dito? Paano ko sila mapapaniwala na hindi ako baliw?

Kumuha ako ng dalandan at nagbalat no'n habang nag-iisip pa.

Sabihin ko kayang galing ako sa mundo ng mga bampira? Hindi pwede. Baka mas lalo nila akong hindi palabasin. Sino ba naman kasi ang nasa matinong pag-iisip ang magsasabing galing siya sa mundo ng mga bampira?

Kumain ako ng isang bahagi ng dalandan. Napangiwi ako sa asim no'n. Nagsalin ako ng tubig sa baso. Lahat ng mga gamit ay nasa lamesa na. Napaubo ako sa gulat nang may maisip na naman.

Nanlaki ang mga mata ko. "Dominus," bulong ko. Nagsimulang manginig ang mga kamay ko. "Inueh. Asshole. Prinsipe. Tatsulok ng Pagbalanse." Napatili ako nang sobrang lakas at nagtatalon sa tuwa.

"Hindi nawala ang mga alaala ko!" sigaw ko habang nag-iikot-ikot sa paligid ng lamesa habang tumatalon. "Galing ako sa mundo ng mga bampira at nakakilala ako ng prinsipe! Natatandaan ko lahat!"

Sa sobrang tuwa ko ay hindi ko napansin ang isang lalaking nakatayo na sa bungad ng kusina. Nakaawang ang kanyang bibig at halatang gulat habang nakatingin sa akin. Nakakulay puti itong kasuotan.

Hala. Nurse ata 'to.

"Hindi po ako baliw!" Pinangunahan ko na siya.

Kumurap ang kanyang mga mata. Tila naguguluhan pa rin ito sa nangyayari.

Taste of Blood (Book I)Where stories live. Discover now