Chapter 27

178K 8.9K 2K
                                    

Chapter 27: Ipagkatiwala

Hindi ko na alam kung paano ko pa haharapin si Prinsipe Arcus. Malaki ang respeto ko sa kanya at masyado niya akong binigo. Ang mga katagang lumabas sa kanyang bibig ay tila patalim na humiwa sa akin. Hindi ko inakalang maiinsulto ako ng ganito.

Saka 'yung salitang iyon na sinabi niya habang nakatingin sa akin. Alam kong may ipinapahiwatig. Alam kong prinsipe si Dominus at kahit kailan ay hindi kami magkakalapit, para siyang ginto habang ako ay putik. Hindi ko kailanman kinalimutan 'yon pero kapag si Dominus lang ay mabilis na nakakaligtaan ko 'yon.

Kapag kasama ko si Dominus ay hindi isang prinsipe ang nakikita ko kung hindi isang normal na bampira na naghahangad ng pagtanggap.

"Hezira... Dapit-hapon na," dinig kong sabi ni Inueh.

Nanatili akong nakapikit habang nakasandal sa puno. Kung tama ang sinabi ni Inueh na bukas pa uuwi si Prinsipe Arcus, parang mas gugustuhin ko na lang na manatili rito.

Narinig ko ang mahina niyang pagtawa. "Mukhang gumagaling ka na. Hindi ko mabasa ang mga umiikot sa isipan mo," aniya.

"Tinuruan ako ni Dominus ng telepatiya," sabi ko nang hindi nagmumulat ng mata.

"T-Tinuruan?"

Ibinuka ko ang mga talukap ng mata ko at tinignan si Inueh. "Siya ang nagturo sa akin kung paano ang bumasa ng isipan."

Kumunot ang kanyang noo. "I-Ibig mong sabihin ay hindi ito kusang umusbong?"

Sinabayan ko ang nalilito niyang tingin. "Hindi kita maunawaan. Galing ako sa labas at hindi kami masyadong naturuan sa mga bagay na ganyan."

"Nakapagtataka. Ang alam ko ay pagsapit ng tamang gulang ay kusa na lang itong umuusbong. Magugulat ka na lang na napapasok mo na ang isipan ng iba. Hindi ito itinuturo dahil para sa ating mga bampira ay natural na ito."

Natahimik ako at napatitig sa kanya. Hindi pa rin naalis ang pagtataka sa kanyang mga matang mukhang malalim ang iniisip.

"W-Walang nagturo sa 'yo ng telepatiya?" tanong ko.

Umiling siya. "Nagulat na lang ako isang araw ay kaya ko ng magbasa ng isipan. Baka naman... Nahuli lang ang pagyabong ng kakayahan mo."

Napalunok ako. "A-Alam din ito ni Dominus?"

"Posible. Pero... Hindi ba mas masaya 'yon? Hindi mo na kailangang maghintay sa pag-usbong nito dahil tinuruan ka na ng isang prinsipe!"

Muli akong napasandal sa puno at ipinikit ang mga mata ko. Kung tama ang sinabi niya ay bakit tila hindi man lang nagtaka si Dominus? Dahil ba inisip niyang mabagal sa pagyabong ang kakayahan ko?

"Magdidilim na," ani Inueh.

"Limang minuto na lang. Gusto ko lang manatili muna rito," sabi ko.

Lumipas ang ilang minuto na hindi siya nagsalita. Ang buong akala ko ay umalis na siya kaya nung pagkamulat ko ay nagulat pa ako... Nakatitig siya sa akin gamit ang kanyang seryosong mukha.

Napakurap ako. "A-Akala ko umalis ka na..."

Umiling ito. "Hindi kita kayang iwan."

Napatikhim ako dahil sa sinabi niya.

Tumayo na ako at pinagpagan ang sarili. Hinanda ko na ang sarili ko sa pag-alis habang si Inueh ay nanatiling nakaupo, nakatingala habang nakatingin sa akin.

"Tara na?" aya ko sa kanya.

"K-Kung babalik na si Dominus..." Lumunok ito. "Paano ka na? Hindi ka na makakapasok sa palasyo."

Taste of Blood (Book I)Where stories live. Discover now