Chapter 44

188K 8.2K 2.7K
                                    

Chapter 44: Bagyo

Ilang oras pa lang ang lumipas ay halos kainin na ng niyebe ang paligid. Ang mga matingkad na kulay berdeng dahon ng mga halaman at puno ay nabalutan ng puting yelo. Ang daan ay bahagyang naging madulas dahil sa yelo at ang hangin ay halos pumasok sa loob ko ng panlamig ko.

"Maaari ko bang malaman ang mga nasa isipan mo?" biglang tanong ni Dominus nang mapansin na tumahimik ako.

Napakurap ako nang hindi mapansin na nakasandal na pala ang ulo ko sa likod niya habang nakatagilid at nakatingin sa ibang direksyon. Mabilis na umayos ako pero hindi ko inalis ang kapit sa kanyang katawan dahil mabilis pa rin ang takbo ni Sero.

"W-Wala naman. Iniisip ko lang na hindi na ako maaaring dumikit nang dumikit sa 'yo." Kunwari ay natawa ako.

Isa na uli siyang prinsipe at ako ay isa na uling dukha. Masyado nang mataas ang pagitan namin. Hindi na kami maaaring umakto bilang isang pamilya dahil may totoo siyang pamilya na naghihintay sa palasyo.

"Kung gano'n ay inuutusan kitang dumikit lang sa akin," pag-uumpisa niya. "Huwag na huwag kang aalis sa tabi ko."

"Pero Dom... Prinsipe Dominus." Nakagat ko ang labi ko. "Hindi na tayo kagaya ng dati. Sa loob ng palasyo ay isa kang prinsipe at ako ay---"

"Isang tagapagsilbi ng prinsipe," putol niya. "Natatandaan ko, Hezira. Kaya bilang prinsipe mo ay inuutusan kitang huwag sumunod kahit na kanino maliban sa akin."

"Pero Prisipe---"

"Pakiusap, Hezira. Mas mahalaga ang kapakanan mo para sa akin," putol niya sa litanya ko.

Dala ng malakas na hangin ay naalis ang pagkakatalukbong ng panlamig sa kanyang ulo. Pinakawalan ko ang isa kong kamay na nakakapit sa kanya para ayusin uli 'yon. Nang matapos ay mabilis na kumapit ako uli sa kanya.

"Kung iyan ang kautusan mo, masusunod, mahal na prinsipe..." bulong ko.

Mayamaya ay nakalabas na kami ng kagubatan. Bumungad sa amin ang malawak na espasyon. Ang dating kulay kayumangging lupa ay nabalutan ng niyebe. Palakas din nang palakas ang pagbagsak ng lamig.

Ilang sandali pa ay tumigil kami sa harap ng malaking tarangkahan. Lumapit kami ni Dominus sa isang nagbabantay sa gilid. Magsasalita sana ito nang alisin bigla ni Dominus ang talukbong niya sa ulo dahilan kung bakit yumuko ito at sinenyasan na buksan ang tarangkahan.

Hindi katulad nung pagpasok ko, binuksan nila ngayon para sa amin ay ang higanteng tarangkahan. Nang tuluyan iyong mabuksan ay pinatakbo uli ni Dominus ang kabayo. Dumiretso kami sa balong nagbubuga ng tubig.

Bahagyang lumiit ang daan. Hindi pa kami tuluyang nakakalabas sa makipot na daan ay narinig ko ang pagtunog ng mga trumpeta, isang senyales ng pagdating ng isang prinsipe.

Hindi ko maiwasang pagtaasan ng mga balahibo sa katawan nang makita ang mga nakahilerang kawal sa pinaka tapat ng malaking bukana ng kastilyo. Sa pinakauna ay si Heneral Dignus at ang isang matandang lalaki na nakakulay puting kasuotan na umaabot hanggang sa paa.

Bahagyang pinabagal ni Dominus ang takbo ng kabayo. Unti-unting kong pinakalawan ang yakap ko sa kanya habang palapit kami nang palapit sa dalawang lalaking nag-aantay. Natigilan din ako sa pagkawala nang maramdaman na hinigpitan uli ni Dominus ang yakap ko sa kanya.

"Isang utos mula sa prinsipe, higpitan mo ang kapit," bulong niya.

Wala akong nagawa kung hindi ang gawin iyon hanggang sa tumigil na kami sa harapan ng dalawang lalaki. Sabay na yumuko ang dalawa bilang paggalang sa prinsipe.

"Isang malamig na panahon at maligayang pagbabalik, Prinsipe Dominus," bati ng lalaking nakaputi.

Lumapit sa amin si Heneral Dignus para tulungang makababa si Dominus. Nang makababa siya ay ako naman ang tinulungan niya. Iniwasan kong mapagawi ang tingin kay Heneral Dignus na nakatingin sa akin. Ramdam ko ang pagtataka sa kanyang mga tingin.

Taste of Blood (Book I)Where stories live. Discover now