Chapter 50

185K 9K 3.9K
                                    

Chapter 50: Nakatakda

Halos maputol ang mga litid sa lalamunan ko sa tindi ng pagsigaw na lumalabas sa bibig ko. Tila tinutupok ng apoy ang aking katawan at unti-unting pinupunit ang aking balat. Bumagsak ako sa mga braso ng reyna, pagod at hinang-hina.

"B-Bakit?" Halos naging hangin na lang ang boses ko.

Naramdan kong hinagod niya ang aking likod. "Tahan na, Hezira. Pinapadali ko lang ang paghihirap mo. Hindi ka ba nahihirapan sa salamangkang bumabalot sa 'yo? Tinutupok ka nito kaya pinapakawalan na kita."

Alam kong sa pagkakataon na nawala na ang salamangka sa aking katawan ay tuluyan na ring mawawala ang marka at gaya ng sinabi ni Lola Gloria, maglalaho ako sa hangin nang wala man lang bakas.

Lumambot ang mga tuhod ko, parang hinihiwalay ang kaluluwa ko sa aking katawan. Pakiramdam ko ay unti-unti na akong naglalaho sa kanyang yakap.

Humina ang pagsinghap ko ng hangin, tila bumabagal na rin ang pagtibok ng puso ko. Lumalabo na ang paligid at namamatay na ang aking pang-amoy at paningin.

"I-Ina?"

Nabitawan ako ng reyna nang may nagsalita. Bumagsak ako sa malamig na lupa, nakatitig sa madilim na langit. Binalingan ko ng tingin ang nagsalita. Hindi ko maipaliwanag kung ano ang nararamdaman ngayon ni Dominus habang nakatingin sa reyna.

"H-Hindi ko maunawaan," nalilitong sabi nito bago tumingin sa akin. "Ano ang ginagawa mo kay Hezira?"

"A-Anak..." Tinangkang lumapit ng reyna pero umatras si Dominus. Tumakbo ito palapit sa akin at inakay sa kanyang mga bisig. Napatitig ako sa kanyang kulay asul na mga mata.

Naramdaman kong hinawakan niya ang kanan kong braso. Nanlaki ang kanyang mga mata bago binalingan ng tingin ang reyna. Lumubog ako nang makita ang marka sa dibdib ng reyna. Siya 'yung babaeng nakita ko sa kagubatan na kasama ni Tita Rema.

Gusto kong magtanong pero walang lumabas sa aking bibig. Bagsak ang katawan ko na hindi ko man lang magawang igalaw.

"Hindi dahil tao si Hezira ay sasaktan mo na siya!" Ramdam ko ang galit sa pananalita ni Dominus. "Hindi ko maunawaan. Bakit, Ina? Alam mong kaibigan ko siya."

Nakita ko ang pangingilid ng luha sa mga mata ng reyna. "H-Hindi ko rin alam, Prinsipe. Masyado akong lubog at pakiramdam ko ay si Hezira lang ang makapagpapaahon sa akin muli."

"Kaya mo siya papatayin?" Mapaklang tumawa si Dominus. "Papaslangin mo ang isang nilalang para lang sa sariling kapakanan? Hindi ko inakalang magagawa mo ito sa akin, Ina."

"H-Hindi mo ako ako nauunawaan---"

"Wala akong dapat unawain, Ina! Mali itong ginagawa mo!"

Humiwalay ako kay Dominus nang maging maayos ang aking pakiramdam ko. Napatingin ako sa marka, mas lumaki ang pangingitim nito. Alam kong hindi na ako sisikatan pa ng araw, hindi lilipas ang gabing ito nang hindi ako naglalaho.

Tumingin ako sa reyna. "Ikaw ang bumuhay muli sa mga Bad Blood," sambit ko. "Ang marka sa dibdib mo...."

"Ina!" sigaw ni Dominus, ramdam ko roon ang pagkabigo.

Napatingin ako kay Dominus, naluluha habang nakatingin sa babaeng nagluwal sa kanya. Ngayon ko lang siya nakitang ganito kabagsak, lumulubog siya. Mahal na mahal niya ang kanyang Ina kaya siya nagkakaganito. Hindi niya matanggap na sa dinami-rami ng mga posibleng nasa likod nito ay siya pa.

"I-Ibigay mo na lang sa akin si Hezira," saad ng reyna. "Pagnagawa ko na ang nais ko ay tatahimik na muli ang lahat. Magbabalik ang lahat sa dati."

Taste of Blood (Book I)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon