Chapter 26

182K 8.6K 2.3K
                                    

Chapter 26: Galit

Ilang minuto na rin ang lumipas matapos kong mapunan ng mga prutas ang basket ngunit hindi pa rin ako bumabalik sa sala kung nasa'n sila. Hindi ako makahahinga sa tuwing mapapatingin ako kay Prinsipe Arcus. Hindi ko alam kung bakit pero masyadong malakas ang epekto niya sa akin.

"Hezira?" Napahawak ako sa dibdib dahil sa gulat ko nang sumulpot si Inueh.

"B-Bakit?"

"Hindi ka pa kasi bumabalik, akala ko ay may problema." Saka niya minataan ang isang lalagyan na may mga prutas. Kinuha niya 'yon. "Ako na ang magdadala. Halika na?"

Lumunok ako. "D-Dito na lang ako..."

Kinunutan niya ako ng noo. "Bihira lang magpakita ang Black Emperor. Kung tutuosin ay ang swerte natin. Halika na bago pa siya umalis." Ramdam ko ang paghamangha sa kanyang boses.

Madiin akong umiling. Kung para sa kanila ay isang itong himala, sa akin na man ay kaba ang dala niya. Alam kong isa siyang mapanganib na nilalang kaya ganito na lang ako kakabado.

"Ayos lang kayo?" Sumulpot si Dominus sa likod ni Inueh.

Nanlaki ang mga mata ko. "Huwag mong iiwan si Prinsipe Arcus. Pasunod na rin kami," agap ko sa kanya. Baka sumunod din si Prinsipe Arcus dito at hindi na talaga ako makakilos pa.

Isang nagtatakang tingin ang ipinukol sa amin ni Dominus.

"Ayos na ba ang pakiramdam mo?" tanong ni Dominus. "Magpahinga ka na muna kaya?"

"Hindi na," pagtanggi ko. "Tara na?" aya ko sa kanila.

Pagkabalik namin sa sala ay nadatnan namin ang masinsinang pag-uusap nila Prinsipe Arcus at Lazaro. Umupo si Dominus sa tabi ng kanyang nakakatandang kapatid habang kami naman ni Inueh sa tabi ni Lazaro sa hiwalay na upuan.

Mabilis na bumagsak ang hangin sa paligid.

Mahinang ipinatong ni Inueh ang lalagyan sa harap naming lamesa. Nanatiling nakatuon sa basket na may mga prutas ang aking atensyon. Napalunok ako nang makita ang kamay ni Prinsipe Arcus, kumuha ito ng mansanas.

"Hindi kayo maaaring magtagal dito, mahal na prinsipe," dinig kong paalala ni Lazaro.

"At bakit naman hindi maaari, Lazaro?" tanong ni Arcus.

Naramdaman kong sumiksik sa akin si Inueh kaya napatingin ako sa kanya. Diretso pa rin ang tingin nito kay Prinsipe Arcus na animo'y sinusulit na niya ang nalalabing oras na masisilayan niya ito.

Narinig ko ang pagtikhim ni Dominus kaya napatingin ako sa kanya, isang pagkakamali dahil naabutan ko ang titig ng lalaking katabi niya. Parang may gumulo sa dibdib ko kaya mabilis na yumuko akong uli.

"Wala ka bang ikukwento sa akin, Prinsipe?" tanong ni Prinsipe Arcus. "Mukhang nasisiyahan ka sa pananatili rito."

"Mabubuti ang mga nag-aaral dito, marami akong nakilala at naging kaibigan," dinig kong sagot ni Dominus. "Masaya ako rito, Kuya."

Narinig ko ang mahinang pagtawa ni Prinsipe Arcus. "Hindi 'yan maipagkakaila nang masilayan kita kanina. Maluwag ang mukha mo, hindi katulad sa loob ng palasyo. Masaya ako para sa 'yo, Prinsipe."

Naging malikot na naman si Inueh. "Mukha kang tuod," bulong niya sa akin.

"Manahimik ka," pabulong kong sagot.

"Hindi mo ikamamatay ang pagtingin kay Prinsipe Arcus," dinig kong sabi ni Dominus kaya wala akong nagawa kung hindi ang iangat ang tingin ko sa kanya. Ginawa ko ang lahat para hindi lumiko ang tingin ko. "Huwag mong sabihin na nahihiya ka kay Prinsipe Arcus?"

Taste of Blood (Book I)Where stories live. Discover now