Chapter 29

184K 8.2K 1.8K
                                    


Chapter 29: Senyales

Kinahapunan ay nagulat ako sa masiglang pagdating ni Dominus. Nasa sala ako at nakaupo sa supa nang bigla siyang pumasok at mabilis na ibinaba ang kanyang bag. Pinanuod ko siya kung paano alisin ang kanyang uniform at itinira lang ay kulay puting damit.

"Nagmamadali ka ata?" tanong ko.

"May natuklsan ako." Bakas ang pagkamangha sa kanyang boses habang nakatingin sa akin. "Sigurado akong magugustuhan mo iyon. Tara?"

Kumunot ang noo ko at kahit na naguguluhan ay sumama ako sa kanya. Buong maghapon na akong nakaburo sa loob ng bahay kaya siguro mabilis niya akong nahikayat na sumama.

Halos tumakbo na ako makasunod lang kay Dominus na masyadong mabilis maglakad.

"Ano ba 'yon?" tanong ko.

"Basta!" Humalakhak siya. "Habang naglalakad-lakad ako kanina para na rin makatakas kay Valeria, hindi ko inaasahang matatagpuan ko 'yon."

"Hindi ba pwedeng ipagpabukas na lang 'yan?" tanong ko. "Dumidilim na eh."

Bumagal na ang paglalakad ko. Napansin ata niya iyon kaya bigla siyang umupo patalikod sa akin. "May sakit ka nga pala. Sige na, sakay."

"H-Huh? Hindi na... Kaya ko namang maglakad," nahihiya kong pagtanggi.

"Sige na! Para mas mapabilis tayo," tuwang-tuwa pa niyang pamimilit. "Zira, pakiusap."

Kinagat ko ang pang-ibaba kong labi bago sumakay sa kanyang likod. Ikinawit ko ang mga braso ko sa kanyang leeg pero siniguro kong hindi ko siya nasasakal. Hinawakan naman niya ang mga binti ko para sa mas kumportable.

Nanlaki ang mga mata ko nang mag-umpisa na siyang tumakbo. Halos habulin ko ang hininga ko sa sobra niyang bilis. Hindi ko pa siya nakitang gumamit ng ganitong kabilis na lakas. Sa pagkakataon 'yon ay napagtanto kong pinipigilan ni Dominus... Pinipigilan niya ang tunay niyang kakayahan.

"T-Teka... Sa hardin?" takang tanong ko.

"Masyadong malawak ang hardin na ito na hindi natin napansin na may nakatago palang hiwaga," aniya.

Kahit naguguluhan ay itinikom ko na ang bibig ko. Dinaanan namin ang mga pahingahang kubo, mas lumayo kami sa lugar na madalas na tambayan namin. Nag-uumpisa na rin talagang dumilim.

"I-Ibaba mo na ako," sabi ko.

"Malapit na... Gusto kong makita mo 'yon," wika niya.

Hindi na ako nagpumiglas pa. Ipinatong ko ang baba ko sa kanyang balikat at nung bumalin ako sa kanya ay gumulat sa akin ang nakangiti niyang mukha, kitang-kita ko 'yon kahit na diretso lang ang tingin niya sa daan. Masyado 'yong maliwanag. Sa malapitan din ay kaakit-akit ang kulay ng kanyang mga mata. Mga payapang asul na mata na minsan ay namamantsahan ng pula.

"Andito na tayo."

Sa sobrang pagkahumaling ko sa kanyang mukha ay hindi ko napansin na huminto na pala siya. Mabilis na nilayo ko ang aking mukha. Maingat naman na ibinaba niya ako.

Napatingin ako sa tinutukoy niya. Isang puno... Sinubukan kong hagilapin ang nakakamangha sa punong 'yon ngunit nabigo ako. Para lamang itong isang ordinaryong puno.

"May nakikita ka bang hindi ko nakikita?" tanong ko sa kanya.

Tumawa siya.

Napangiwi ako. "Dom, gabi na. Masyadong gabi para sa kalokohan."

"Sandali na lang," aniya.

"Ano ba 'yon?"

"Isa..." Napatingin ako sa kanya nang magbilang ito. "Dalawa..." Lumingon siya sa akin. "Tatlo."

Taste of Blood (Book I)Where stories live. Discover now