prologue

10.9K 450 187
                                    

"AYOKO," sabi ko sa telepono na parang batang kinukulit. "Ayoko talaga!"

"Sige na, Lex," pilit ng kabarkada kong si Oscar. "Minsan lang ako manghingi ng pabor."

"'Yung minsan mo eh minsan sa isang buwan, tuwing may gusto kang babae sa Tinder," paalala ko sa kanya.

"Pero ikaw na lang 'yung maaasahan ko," sabi niya. "Gusto kasi ni Diane na double date 'yung first date namin. Alangan namang ayain ko si Mark." Na may asawa na. "O si Onew." Na may asawa na rin. "Ikaw na lang talaga."

Bumuntong-hininga ako na kinukusot ang mga kilay dahil nagsisimula nang sumakit ang ulo ko. "Dude, ayoko talaga. Wala ako sa mood lumabas ngayong araw at lalong wala ako sa mood makipag-date. Pagod ako buong linggo. Gusto ko lang kumain at matulog. Tinatamad akong mag-effort pa na makipagkilala."

"Pero, dude!"

"Oka, ayoko talaga. Sige na. Bigay mo na sa 'kin 'tong weekend na 'to."

"Pero-"

"Ah-yaw-ko."

"Pero-"

Gumawa ako ng ingay para pigilan siyang magsalita.

"Pero-"

Inulit ko 'yung ingay.

Matagal siyang natahimik pero sa huli ay bumuntong-hininga na rin. "Sige na nga! Pero sa susunod samahan mo na ako!"

Umikot ang eyeballs ko dahil malamang ang "susunod" eh sa isang linggo. "Saka na tayo mag-usap. Sige na, matutulog na 'ko ulit. And dude, do everyone a favor. I-delete mo na 'yang Tinder mo."

Tumawa siya. "Dude, kung subukan mo kasi, ma-a-adik ka rin."
Sa pakikipag-date? Utang na loob. Pagod na nga ako sa sarili ko, magpapakapagod pa akong makipag-date. Huwag na 'no! At kung app din lang, may Netflix at HBO Go ako. D'un na lang ako magpapaka-adik.

Nang sa wakas eh nakumbinsi ko siyang putulin na 'yung tawag, nilagay ko sa silent mode 'yung telepono ko bago nagbago ang isip ko at pinatay ko na lang. Kung may kailangang kumausap sa 'kin at mahalaga sila sa buhay ko, tawagan na lang muna nila si Ayie, 'yung assistant ko.

Sorry, Ayie.

Ibinalik ko sa mesa sa tabi ng kama 'yung telepono saka ako nagtalukbong.

Alas diez na ng umaga pero nasa kama pa rin ako. Sabado naman kasi at ala una na ako naka-uwi kagabi galing sa party ng isang kliyente sa Alabang. 'Yung ala una na 'yun eh 'yun nang pinakamaaga kong uwi sa bahay nitong linggo na 'to. Ang dami kasing trabaho. Ang daming mga sites na kailangang puntahan at mga projects na kailangang siguruhing maayos ang takbo.

Di naman sa nagrereklamo ako kasi blessing 'yun. Ibig sabihin, steady 'yung paglago ng negosyo namin. Sa ngayon, 'yun pa lang talaga ang gusto ko sa buhay.

Di naman kasi ako nagmamadali pagdating sa pag-aasawa. N'ung bata ako, nakikipag-date ako kasi gusto ko 'yung babae. Naging girlfriends ko 'yung mga naging girlfriends ko kasi mahal ko sila n'ung oras na 'yun. Kaya ko nga naging girlfriend eh. Pero sa likod ng isip ko, may hinihintay pa rin ako na mangyari d'un sa relasyon para masiguro kong siya na 'yung gusto kong mapangasawa. Eh wala. Di nag-break kami at nag-move on. At okay lang sa 'kin na nagsipag-asawa na sila 'tapos ako eh single pa rin. Bata pa naman ako. At wala pa talaga sa isip ko 'yung magpakasal.

Pero sa palagay ko naman, kung oras naman na para makilala ko 'yung mapapangasawa ko, makikilala ko naman siya kahit nasaan kaming dalawa. Makakasalubong ko siya sa ibaba ng building, makakabangga ko siya habang nagja-jogging, o kaya magkasunod kami sa pila sa Starbucks at magkakatanungan kung ano 'yung orders namin kasi magkakapalit kami. 'Yung gan'ung klase.

Natawa ako sa sarili ko. Dami ko pang dahilan eh 'yung totoo, tinatamad lang talaga akong makipag-date. 

Ewan ko ba dito kay Oka kung bakit naman biglang na-adik sa pakikipag-date. Dinadamay pa ako imbes na nananahimik na lang ako.

Basta ngayon, ayoko na munang isipin, problemahin, ma-pressure o mapilit na makipagkilala sa babae. Trabaho na muna ang karelasyon ko. Darating naman siya kung darating. At kapag naramdaman ko na 'yung alam kong mararamdaman ko kapag makita ko na siya, 'yung siya na mamahalin ko habambuhay, saka na ako magpupursige.

Ngayon, matutulog muna ako.

Never Stop FallingTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon