sixteen

7.1K 430 301
                                    

BUONG araw akong ipinasyal ni Erica pero kung tatanungin mo ako, ang naaalala ko lang ay kung paano niya ako pinayagang hawak lang ‘yung kamay niya o kung paano niya ibinabalot ‘yung braso niya sa bewang ko kapag inaakbayan ko siya. Nakapunta naman na kasi ako d’un sa mga pinuntahan namin. Mas special lang ngayon kasi kasama ko siya.

Nagkukuwentuhan kami habang namamasyal. Ang dami pa kasi naming puwedeng malaman tungkol sa isa’t-isa at gusto kong malaman lahat ‘yun habang kasama siya. Okay lang ang online pero iba ‘yung nasa tabi ko siya habang nakikilala ko siya.

Medyo ginabi na kami kaya hindi na ako nakapag-grocery para sa plano kong ipagluto siya. D’un na lang kami naghapunan sa isa sa mga paborito niyang ramen restaurants ‘tapos umuwi na kami kasi may pasok na siya kinabukasan.

Naka-kiss ba ako pag-uwi namin? Hindi pa rin.

Hindi ko alam kung bakit hindi ko makuhang hilahin na lang siya palapit, hawakan ‘yung mga pisngi niya saka siya halikan nang halikan nang halikan gaya ng gusto ko. Parang hindi pa kasi oras.

Hindi ko nga maintindihan kasi hindi ko alam kung ano bang oras ang hinihintay ko. Mukha naman kasing hindi na niya ako sasampalin kapag halikan ko siya.

Kinabukasan, nakatayo ako sa may pintuan habang pinapanood si Erica na mag-iikot sa sala. Nakabihis na kaming dalawa. Nakasuot siya ng blouse at slacks para pumasok sa opisina; nakashorts at sweater ako kasi balak kong mag-jog sa Central Park pagkahatid sa kanya.

“Ano ‘yun?” tanong ko nang angatin niya si Theo mula sa sofa para tingnan kung may inuupuan ang baby namin.

“Hindi ko mahanap ‘yung salamin ko.”

Kumurap ako kasi nakasuot naman siya ng salamin. Nabasa yata ‘yung iniisip ko kasi inangat niya ‘yung kamay niya para itulak ‘yun pataas ng ilong niya.

“Hindi ito,” paliwanag niya. “Sira na ‘to eh, saka mas mababa ‘yung grado. Hindi ko mahanap ‘yung isa.”

Ibinalik niya si Theo sa sofa saka siya namewang at inilibot ang paningin sa silid. Nakitingin na rin ako kunyari kahit hindi ko alam kung saan ako maghahanap.

Bumuga siya ng hangin. “Hayaan na nga,” sabi niya na inaabot ‘yung backpack niya. “Late na eh.”

“Hindi ba sasakit ‘yang ulo mo?” tanong ko na nag-aalala.

“Hindi naman. Okay pa naman ‘to kaya lang nakaka-inis kasi maluwag siya.” Itinulak niya ‘yun muli pataas ng ilong niya. Mukha siyang iritadong kuting.

Kiss her.

Shh!

Hinaplos niya sa pagitan ng mga tainga si Theo para magpaalam saka siya lumapit sa ‘kin. Sabay naming inabot ang kamay ng isa’t-isa. Hindi ako nag-komento o nag-react. Kunyari hindi na ako kinikilig.

“May plano ka sa lunch?” tanong ko habang papalabas kami sa elevator.

“Hmm, kumain?” biro niya.

Kinunot ko ‘yung ilong ko saka itinulak pataas ng ilong niya ‘yung salamin niya.

“Actually, may meetings ako. Baka sa mesa ko na lang ako mag-lunch. Dinner na lang. Sunduin mo ako pag-uwi,” ngisi niya.

Tumawa na rin ako. “Yes, ma’am.”

---

INIHINTO ko ‘yung sasakyan sa tapat ng office building ni Erica. Gusto ko pa sana siya pagbuksan ng pinto pero naka-double park lang ako.

Nilingon niya ako. “Are you going to be okay alone at home?”

“Oo naman. Babantayan ako ni Theo.”

Never Stop FallingOpowieści tętniące życiem. Odkryj je teraz