Chapter Two

4.8K 142 12
                                    

CHAPTER TWO

BATA pa si Rainier Nolasco Tupaz ay pangarap na niyang maging piloto. Fascinated siya sa misteryo ng kalangitan at naaaliw siya sa mga ulap. Lumaki siya sa probinsya ng Capiz kung saan mayroon silang malapad na fishpond.

Tuwing summer ay ugali na niyang tumambay sa may palaisdaan at kapag walang ginagawa ay nakatingala lang siya sa langit. Inggit na inggit siya sa mga ibong malayang nakakalipad sa kalangitan at lagi siyang natitigilan kapag may napapadaang eroplano. Daig pa niya ang laging nakakakita ng aparisyon tuwing may dadaang sasakyang panghimpapawid. Dahil doon ay nagsimula siyang mangarap. At ipinangako niya sa sarili na balang-araw ay magpapalipad din siya ng eroplano.

Supportive naman ang pamilya ni Rain sa kanyang ambisyon. Parehong maunawain ang kanyang mga magulang na sina Reynerio at Olivia, maging ang kanyang mga kapatid na sina Belinda at Cecilia. Sila ang laging nagsasabi sa kanya na kaya niyang tuparin ang kanyang pangarap na maging piloto.

Pagkatapos ng highschool sa St. Mary’s Academy sa Roxas City ay dumiretso si Rain sa UP Diliman. B.S. Chemistry ang napasahan niyang kurso sa naturang unibersidad pero hanggang freshman lang siyang nag-aral doon. Kumuha siya ng exam sa PMA at pinalad na makapasa. Sa academy ay nag-aral siya ng husto para makaabot sa quota na karaniwang itinatakda para sa mga gustong mapabilang sa Philippine Air Force. Nagbunga naman ang mga paghihirap ni Rain dahil pagkatapos ng apat na taon ay agad siyang naging opisyal ng hukbong panghimpapawid, at ngayon nga ay nagti-training na siya para maging ganap na piloto.

Kaya naman kahit mahal nga niya ang kanyang girlfriend na si Lilibeth ay hindi pa rin niya ito mayayang magpakasal. Matagal na nga siyang tinutukso ng mga kaibigan niya na pakasalan na ang babae tutal pareho na umano silang stable, pero para kay Rain ay hindi pa oras para mag-asawa siya. Marami pa siyang gustong maranasan sa kanyang military career at alam niyang hindi siya magiging ganun ka-daring na mag-explore kapag may pamilya siyang iniisip.

Mabuti na lang at maging si Lilibeth ay nagpahiwatig na hindi pa din ito handang lumagay sa tahimik dahil may balak pa itong mag-abroad. Mas malaki daw kasi ang kikitain nito sa ibang bansa bilang nurse kaya mas doon naka-focus ang atensyon nito. Sa katunayan ay nagpa-process na ito ng mga papeles, kaya’t halos di siya nito madalaw sa Batangas.

Pero okay na nga lang din kay Rain ang ganoong set-up dahil kailangan din niyang mag-concentrate sa kanyang trabaho. Hindi siya basta-bastang makakaalis ng Fernando Air Base dahil sa training at duty, kaya’t hindi rin niya nadadalaw sa Baguio si Lilibeth. Mabuti na lang at nagkakaintindihan silang dalawa, kaya’t wala silang masyadong problema.

At ayaw kong magkaroon ng dagdag na problema. Kailangang iwasan ko ang bagets na ‘yun, sumpa ni Rain sa sarili. Kinagabihan ay baked macaroni ang dinner niya. In fairness, talagang masarap ang pagkakagawa.

“HELLO Rain! Sabi na nga ba’t makikita kita dito.”

“G-Ginny.” Biglang nag-alarm ang mga warning bells sa katawan ng binata. Katatapos lang niyang um-attend ng misa at palabas na ng simbahan nang mabungaran ang babae.

Nagdasal naman ako ng taimtim, bakit pinadalhan agad ako ng temptasyon?

“O, bakit parang nakakita ka ng multo?” natatawang wika ni Ginny. Naka-slacks ito ng dark blue at puting sleeveless blouse. Nakalugay ang buhok nitong umabot yata hanggang beywang, straight at makintab na makintab.

Of Love and Second ChancesTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon