Chapter Fifteen

4K 114 4
                                    

CHAPTER FIFTEEN

“ANG tanga mo naman kasi bok! Imagine, five years ang pinalampas mo bago mo siya kinausap uli!” napapamurang wika ni Silvestre, ang kanyang mistah na Scout Ranger.

Nasa downtown sila ng Baguio City kasama ang ibang mistah. Red Horse ang kaharap nila at sangkatutak na pulutan. Walang choice si Rain kundi ikuwento sa tatlong mistah ang nangyari sa kanya. Ngayon lang uli sila nagkita-kita.

“Kung nagkaanak kayo noon, e di sana may anak ka na sa nursery,” sabad naman ni Tejero na miyembro ng Philippine Marines.

“Ewan ko ba, tanga nga yata talaga ako,” nahihiya man ay inamin na rin ni Rain sa mga mistah ang kahinaan.

“Nagsama kayo sa iisang apartment bilang mag-asawa tapos walang nangyari. Ano yun, kumbento?” si Silvestre uli.

“Naiinis pa kasi ako nung mga panahong yun, kasi nga pinikot ako!”

“Bok, wag kang magagalit ka. Pero hindi ka naman talaga napikot e. Hindi ka naman tinutukan ng baril. Hindi ka naman pinilit. Ikaw naman mismo ang nagkusang pakasalan si Ginny. Kung ayaw mo talaga, wala namang makakapilit sayo.”

“Oo nga. Sabi mo nakabalik ka pa ng barracks saka ilang araw pa bago kayo nagpakasal. Maraming oras para umatras ka, pero hindi mo ginawa,” sang-ayon ni Tejero.  

“Siyempre natakot ako dahil opisyal din ang tatay ni Ginny e. Tapos ang career ko kung hindi ko pinanagutan ang anak niya.”

“Bok, I’m sure matalino si General Adriano. Kung kinausap mo siya at ipinaliwanag ang side mo noon, e di sana walang kasalang naganap. Saka sana kung talagang walang nangyari, e di niyaya mo sana sila sa duktor, di ba?”

“Anong ibig niyong sabihin?” nakatingin si Rain kay Silvestre, tapos kay Tejero.

“Ibig sabihin, noon pa man ay mahal mo na si Ginny. Nagpakagago ka lang talaga bok.” Sa wakas ay nagsalita ang isa pa nilang mistah na si Cipriano.

Hindi na siya nakaimik. May katwiran naman kasi ang mga mistah niya. Dasal na lang niya, sana’y maayos niya ang problema nila ni Ginny.

KINABUKASAN ay maaga pang tumawag sa cellphone niya si Mrs Adriano. Hindi makapaniwala si Rain sa sinabi ng kanyang mother-in-law. Aalis na naman daw si Ginny patungong France!

“Dapat ay magkaayos na kayo!” Utos ni Genoveva sa kabilang linya.

“Hindi na ho yata interesado sa akin. Baka may iba nang boyfriend,” sagot niya. Iniisip pa lang niya ang posibilidad na magmahal ng iba si Ginny ay nadudurog na ang puso niya.

“Wala siyang boyfriend! Pero alam kong may close friend siyang lalake, half-American, half-French. Filmmaker yung guy at inimbitahan daw siyang um-attend ng Cannes Festival.”

“Sasama siya sa France? Dun sa lalake?” Umiinit na ang ulo niya. Kahit siguro sa walis ay sasakay siya para lang sundan si Ginny sa France.

“Kaya nga mag-usap na kayo. Eto na ang pagkakataon niyo,” pahayag ng mother in law niya.

“Sinubukan ko ho siyang kausapin kahapon, umiwas naman. Wala na raw kaming pag-uusapan pa.”

“E alam mo namang magulo sa PMA kahapon, maraming tao. Overwhelmed lang siguro siya.”

“Nakapag-move on na daw po siya,” parang batang nagsusumbong ang dating niya ngayon. Pero kelangan niya talaga ng kakampi!

“Naku sa akin ka maniwala! Kung nakapag-move on siya, bakit hindi pa rin siya nag-aasawa?”

“Kasal ho kami!” Napaisip bigla si Rain. Puwede bang magpakasal si Ginny sa US kahit kasal sila?

Sa Las Vegas siguro. Kinabahan siya. Baka kung ano na naman ang maisip ni Ginny! Baka sa France magpakasal ang lintek!

“Asan po ba siya ngayon?” tanong niya.

“Nasa hotel room niya, nag-e-empake. Bababa kami ng Maynila mamaya. Ano, sumunod ka ha?”

“Baka naman puwede po akong sumabay sa inyo sa sasakyan? Para makausap ko po siya?”

“Naku, baka magwala yun at mag-walk out. Alam mo naman yun.”

“Sige po. Puntahan ko na lang kayo.”

“Sa White Plains na kami nakatira ha?”

“Opo.” Yun lang at nawala na sa kabilang linya ang nanay ni Ginny.

GUSTO nang sumuko ni Rain. Ilang beses na siyang nagpapabalik-balik sa White Plains pero hindi pa rin siya hinaharap ni Ginny. Hindi naman mapilit ng mag-asawang Adriano ang kanilang anak na lumabas at kausapin siya, takot din ang mga ito na muling lumayas si Ginny.

“Pasensya ka na, Rain. Matigas talaga yang napangasawa mo,” malungkot na wika ni Mrs Adriano. “Akala ko ay magiging madali ang lahat. Hindi ko ini-expect na pahihirapan ka niya.”

“Baka po kasi talagang ayaw na niya.”

“E di mag-usap kayo. Kahit sa huling pagkakataon. Para magkaroon kayo ng closure.”

Ayaw niya ang salitang closure. Baka di niya kayanin. Baka tumalon na lang siya sa helicopter na walang parachute. Ano ba Ginny, maawa ka sa akin!

“Ayaw nga po akong harapin.” Ano pa ba ang puwede kong gawin?

“Sige, kakausapin ko uli siya mamaya.”

“Kelan po ba ang punta niya ng France? Dito po ba siya manggagaling or babalik muna siya ng US?”

“Dito siya nag-apply ng visa. In fact, alam kong sa isang araw e pupuntahan na niya sa French Embassy yung passport niya.”

“Ganun po ba?” Wala na siyang oras! Yun ang agad na pumasok sa isip niya.

Kapag umalis si Ginny ay wala na talaga siyang pag-asang mabawi pa uli ang asawa. Kelangang gumawa siya ng paraan!

“Alis na po ako,” agad siyang nagpaalam at umalis.

Habang nagda-drive ay mabilis siyang nag-isip. Bago siya lumabas sa gate ng White Plains ay itinigil muna niya ang sasakyan sa isang tabi saka nagtatatawag sa phone.

“Mistah, kelangan ko ang tulong ninyo.”

I'm sorry Ginny, but I have to do this. Wala nang ibang paraan. 

Of Love and Second ChancesWhere stories live. Discover now