Part 1

2.4K 63 2
                                    

ISINAKSAK ni Ruth ang airpods sa tainga nang makitang tumatawag si Joyce—ang kanyang friend-slash-manager.

"Nasa'n ka na, bakla?" bungad agad nito nang sagutin niya ang tawag.

"Bakla" ang tawag ni Joyce sa kanya kahit sa totoo lang—hindi sa pamimintas at walang halong panghuhusga—ay ito ang mas mukhang bakla sa kanilang dalawa. Pati ugali ni Joyce ay baklang-bakla.

Puwede rin naman niyang tawaging "bakla" ang kaibigan dahil apparently, tawagan talaga iyon ng jologs na magkakaibigan kahit hindi literal na bakla pero hindi niya matawa-tawag na ganoon ang kaibigan dahil palagi siyang nag-aalalangan na baka akalain ng mga tao sa paligid na tunay na bakla ito.

"Heto, pinapalipad na 'tong kotse ko papunta diyan. Malapit na 'ko."

"'Wag na 'wag kang male-late kasi alam mo namang strict sa punctuality si Madam Felicia."

Si Madam Felicia ay ang mataray na bading na creative director. Ayaw na ayaw ni Ruth kapag ito ang direktor sa modeling gigs dahil "nanlalapa" ito ng models. Kaya lang ay wala naman siyang karapatang mag-inarte at tumanggi sa gigs dahil hindi naman siya sikat na print model.

Kahit na kung saan-saan nakikita ang pagmumukha niya—sa brochures ng Avon, label ng beauty products, print ads sa magazines at diyaryo at kahit sa ilang TV ads–hindi pa rin siya sikat. Kaya wala siyang karapatang mamili ng projects o creative director.

"Oo na. Kailan ba ako na-late, ha?"

"Gusto mong ipaalala ko sa 'yo?"

"Bigla akong nag-LBM no'n! Anong gusto mong gawin ko? Pumunta sa gig habang taeng-tae? Gusto mong magkalat ako ng dumi sa set? Lokang 'to. 'Wag kang mag-alala, hindi ako natatae ngayon. Kaya hindi ako male-late."

Parang may sasabihin pa si Joyce pero pinatayan na ni Ruth ng tawag ang kaibigan. Binuksan na lang niya ang car stereo para hindi siya maburyo. Napangiti naman siya sa kanyang bumungad sa radyo.

Tuwing kita'y nakikita...

Ako'y natutunaw.

Parang ice cream na bilad...

Sa ilalim ng araw.

Ano ba naman ang sikreto mo?

At di ka maalis sa isip ko.

Ano bang gayuma ang gamit mo?

At masyado akong patay sa 'yo...

Napangiti si Ruth dahil naalala ang aking "Perslab." Sino ba ang makakalimot sa unang pag-ibig? Lalo na kung kakaiba at walang kaparis ang unang experience sa love. Fifteen years old siya noong unang tumibok ang puso para kay Romeo Barrera.

Hinding-hindi niya makakalimutan si Romeo. Ang magaganda nitong mga mata. Ang magandang ngiti. Ang mapupulang mga labi. Ang malambot nitong palad noong unang beses niyang mahawakan ang kamay nito.

Tandang-tanda pa ni Ruth kung paano siya na-mesmerize nang tumingala kay Romeo habang nakasalampak sa sahig ng school corridor na gulo-gulo ang buhok, namumula sa sampal ang mga pisngi at may mga kalmot sa mukha. Feeling niya, nakakita siya ng anghel.

Ipinagtanggol siya ni Romeo sa grupo ng mga warfreak na babaeng pinagkaisahan siya. Nang lubayan na siya ng mga kumuyog sa kanya ay inalok ni Romeo ang kamay sa kanya para tulungan siyang tumayo.

Tumigil ang mundo ng moment na iyon. Sa kauna-unahang sandali ng buhay ni Ruth, naramdaman niya ang kakaibang pagtibok ng puso. Siya siguro ang makakapagpatunay na totoo ang "love at first sight." Kasi, feeling niya noong oras na iyon ay na-in love agad siya kay Romeo.

The Naked RuthTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon