Part 6

934 43 1
                                    

KINAWAYAN ni Ruth si Joyce nang makita itong pumasok sa entrada ng coffee shop. Ready na ang caramel macchiato nito sa mesang inookupa niya.

"Bakit gusto mong makipagkita?" tanong ng kaibigan nang makaupo sa silya sa tapat niya sa mesa. "Kahapon lang nasa bahay kita. Masyado ka na yatang nagiging clingy now-a-days. Epekto ba 'yan ng medyo matagal-tagal nang walang dyowa o epekto ng nagkakagusto ka na naman sa bakla?"

Hindi niya pinansin ang pabungad na pang-o-okray ni Joyce. "May nalaman kasi ako. Naalala mo 'yong baklang naging classmate natin noong high school na patay na patay sa crush mo noong si Frederick?"

"Ah, 'yon? Si Ramoncito. Ramona sa gabi. Mona sa madaling-araw."

"Oo! Heto na siya ngayon." Ipinakita niya sa kaibigan ang picture ng dati nilang kaklase sa kanyang cellphone. Family picture iyon.

Nanlaki ang mga mata ni Joyce habang nakatingin sa picture. "Oh my god!"

"Oo, oh my god talaga, mars!

Nag-angat ng mukha ito. "Ganap na siyang girl?"

"Gaga! Hindi siya 'yong nanay diyan. Siya 'yong tatay."

"Tatay?" Ibinalik ni Joyce ang tingin sa picture. Napanganga ito. "Nag-asawa siya? Sabagay, marami namang bading na nag-aasawa ng babae. Ewan ko ba kung anong trip n'yo. Bading pero nag-aasawa ng babae. Straight woman pero nagkakagusto sa bading. 'Lakas ng mga topak n'yo."

"Hindi na siya bading, mars. Straight na siya ngayon!"

"Gaga? Irreversible ang homosexuality. Imposible 'yang sinasabi mo."

"Oh, eh 'di panoorin mo 'yong vlog ni Ramoncito." Binawi niya ang cellphone mula sa kaibigan. "Ikinuwento niya 'yong journey niya from being gay to being straight."

"Kalokohan! Gusto lang niyang kumita sa YouTube. Naka-monetize malamang kaya nagkakakuwarta siya sa views."

"Panoorin mo muna bago mo siya i-judge."

"Alam mo, bakla, tigilan mo 'ko. Alam kong gusto mo lang maniwala kasi gusto mo ring maging straight si Romeo mo na Juliet sa gabi at Lily 'pag may dini-deep throat."

Pinandilatan ni Ruth ang kaibigan. Umirap lang ito.

"Tigilan mo na si Romeo. Malabong iwan niya 'yong mga hotdog para sa tahong mo. Maghanap ka ng iba. 'Yong straight tulad ng dalawang ex mo. Para hindi ka na lumayo, 'yong pinsan na lang niyang kasing guwapo niya ang pagnasaan mo. Nakita ko siya sa Trinoma last week. In fairness, may hawig sila. Matangkad din, hunk... Pero 'yon, straight na straight. Siguradong papatulan ka no'n."

Si Travis ba ang tinutukoy ni Joyce? Ang pinsan ni Romeo na kasing-edad nito. A month ago lang ay nakita niya ito na may kaakbay na isang seksing babae sa isang lobby ng hotel. Totoong guwapo at matipuno si Travis. Ang angas din ng trabaho—pilot. Kaya naman ang daming babae ang nababaliw dito. Maraming babae ang nailipad na nito sa "langit." Nuknukan ng playboy ang hinayupak na iyon. Kaya siguro nagpiloto ay para kada mapuntahang bansa ay may maka-fling na ibang lahi.

Schoolmate rin nila dati si Travis. Noon pa man ay habulin na ng mga babae at certified chickboy ang loko. Nalawayan na yata nito ang buong cheerleading squad, naka-date ang lahat ng school beauty pageant titlists at pati isang student teacher na babae ay natsismis na pinatulan din nito kaya ganoon kataas ang grade sa isang subject.

Nagbuga ng hangin si Ruth. "Gusto mo akong magkagusto sa isang playboy?"

"At least, babae ang gusto niya, hindi kapwa niya lalaki."

"Mas mainam pang mabaliw na ako sa isang beki kaysa sa isang playboy. Parang mas may pag-asa pang magmahal ng babae ang mga beki kaysa sa mga playboy na tulad ni Travis. Tingnan mo si Ramoncito, nagpakasal sa babae. Pero si Travis, hanggang ngayon, nagbibilang pa rin ng mga babae."

"Magseseryoso rin ng babae si Travis kapag nahanap na niya 'yong babaeng magpapatibok ng puso niya."

Napanganga si Ruth. Natuloy iyon sa paghalakhak. "Asa ka. Hindi marunong magmahal ang mga tulad niya."

Napansin ni Ruth na nakatitig sa kanya si Joyce na parang may iniisip.

"Ano? Tama naman ako, 'di ba? Gusto lang niya ng sex at good time. Wala silang kakayahang magmahal."

"Iniisip mo pa rin ba 'yong tatay mo?"

"Oo! Naaalala ko sa kanya 'yong tatay kong walanghiya na nagkalat ng lahi sa buong Pilipinas. Hanggang ngayong matanda na si Pablo, wala siyang pinakasalan ni isa sa mga naanakan niya. Ngayon, sabihin mo sa 'kin, hindi ba valid 'yong tingin ko sa mga playboy?"

Inanakan lang ng dating sikat na matinee idol na si Pablo Legaspi ang nanay niya at ni hindi siya sinustentuhan. Mabuti na lang at may isang binatang nagmahal sa kanyang mama na pinakasalan ito kahit may anak na ito sa ibang lalaki.

"Hindi naman lahat ng playboy, tulad ng tatay mo. Merong totoong nagbabago. Pero ang mga beki, forever beki. At 'yang Ramoncitong 'yan, fake 'yan. Either gusto lang niya ng attention o pera from YouTube views o trip niya lang lokohin ang sarili niya. 'Wag kang magpa-scam sa baklitang 'yan. At tigilan mo na 'yang pagnanasa kay Romeo. Masasaktan ka lang."

The Naked RuthOn viuen les histories. Descobreix ara