Chapter 6: Chantepleurer

194 12 1
                                    

Chantepleurer

(png.) ang pag-iyak at pagkanta nang sabay


Alam kong nakakastress at nakakalungkot ang sem na 'to dahil una, puro major ako. Pangalawa, ngayon ko pa talaga naisipang sumali sa org. Ang galing ko talaga magdesisyon.

"E, sira ka pala, e," tukso ni Pao. "Bakit mo pa kinailangan mag-org?"

"Pao, isa pa," sabi ko sa kanya sa microphone. "Isa na lang at mamamatay ka sa larong 'to."

"Alam mo, ipakilala mo kaya ako kay Anna? Malay mo ako ang—ay! Gago ka! Ba't mo ko pinatay?"

"Ang kulit mo, e!" sagot ko. Ang tagal ko na sinasabi sa kanya na dahil nga kay Anna kaya ako sasali. Pero paulit-ulit pa rin siyang nagtatanong. Alam naman naming pareho ni Pao, kahit hindi man niya sabihin sa 'kin deretsahan, na hindi maganda kung saka-sakali mang tinuloy ko ang pakikipagkaibigan ko kay Anna. At oo, uulit-ulitin ko . . . siya kasi ang girlfriend ng kapatid ko.

Para siyang dinikit na lang bigla sa buhay ko na hindi ko na matanggal.

***

Nag-sign up ako sa applicants booth ng org niya, pero si Sarah lang ang nadatnan ko. Pinapunta niya ako ng alas-diyes ng umaga bukas para mag-audition. Kailangan ko raw maghanda ng isang limang minutong piyesa gamit ang kahit anong instrument. Kinagabihan, nag-text siya sa 'kin:


Anna: Uy! Nag sign up ka pala talaga! See you!


Habang nakahiga ako sa kama at napaisip kung ano na ba talaga ang nangyayari sa 'kin, doon ko lang napagtanto na sumusunod lang ako sa agos. Alam kong nag-umpisa 'to lahat noong forty days ni Mark. Ito, oo—ito. Kung ano mang tawag mo rito.

Violin ang pinili kong tugtugin noong audition. Wala masyadong nakakaalam na marunong pala ako, pero oras na nga siguro para may maka-appreciate ng mga kaya kong gawin. Pero wala pa rin si Anna doon. Sinabi lang sa 'kin ni Sarah na pupunta siya sa orientation mamayang hapon. Wala man lang akong tiyansa na magsalita kung itutuloy ko ba 'to.

Pagdating ko, kaunti lang kami—mga sampu—at isa ako sa tatlong third year. Binati nila kami at sinabi kung ano 'yung buong application process. Pero sa buong orientation, hindi ko naman nakita si Anna. Nagkapalitan na ng numbers, at wala pa rin siya.

Paalis na kaming mga nag-sign up nang biglang tinanong kung gusto namin ng isang sample mula sa kanila. Dalawa lang naman 'yung nasa isip ko: "wala naman akong magagawa" at "gusto ko na umuwi."

Pero nang lumabas si Anna, nagkaroon ng ikatlo: baka puwede ring manatili muna pala ako.

Nakasimpleng skinny jeans lang siya at pulang T-shirt. Pero 'yung sapatos niya, 'yung pamballet. Hindi ko alam kung ito ba talaga 'yung pampasok niya sa school o ano.

Apat silang nandon. Isang gagamit ng cajón, isang magpipiyano, isang magva-violin, at siyempre siya na kakanta.

"Pasensiya na, ha?" sabi niya sa lahat. "Ito kasi 'yung pinang-audition ko dito. At sorry kung bigla akong iiyak."

Nakinig kaming lahat nang nag-umpisa na tumugtog 'yung violin at 'yung piano. Doon pa lang, ang lungkot na ng dating. Pinakinggan ko 'yung unang mga linya, at alam kong galing 'yon sa "The Day You Slipped Away" ni Avril Lavigne—isang kanta para sa pananabik sa isang taong nawala na. Alam ko naman kung para kanino.

Sa pagkanta niya, parang dinideklara na rin ni Anna na walang sino man ang makakapasok na muli sa puso niya.

Kalagitnaan ng kanta nang tumulo 'yung luha niya. Naluha rin 'yung ibang miyembro, tipong napatanong tuloy ako kung alam din nila ang mga nangyari kay Anna. Nakita ko rin 'yung sarili ko na may nangingilid na luha.

Tama na. Tama na, Anna, gusto ko sanang sabihin sa kanya. Bakit mo ba pinahihirapan nang ganito 'yung sarili mo. Bakit? Ano bang iniisip niya? Si Mark? Si Mark pa rin? Natural.

Umiiyak siya habang kumakanta pero hindi siya tumitigil. Habang lalong tumitindi ang pagtugtog ng piyanista, biyolinista, at ng nagtatambol, lalo rin nakikita sa kanya ang pagtindi ng mga emosyon niya. At hindi naman na niya kailangan kantahin—alam kong hindi na magiging masaya ang mga araw tulad ng dati simula nang nawala si Mark.

Nagpalakpakan 'yung mga members ng org nila, at sumisigaw ng iba't ibang breed ng mura at iba't ibang papuri kay Anna.

Bago kami umalis, nagsalita 'yung head ng recruitment team nila. "Kung gusto n'yo makaranas ng ganitong katindi ng emosyon sa pagtugtog, ituloy niyo na ang pagsali sa Underground Music Org."

Nang nagsi-alisan na ang lahat, tinawag ko siya.

"Sorry, ha?" sabi niya agad. "Grabe, nakita mo tuloy ako umiyak."

"Alam ko naman kung bakit," sabi ko. "Ano . . . may pupuntahan ka pa?"

"May meeting lang kami saglit. Bakit?"

"Wala, wala. Sige, alis na ako."

"Ay, teka. Sarah!" sigaw niya. Lumingon si Sarah tapos pumunta sa min. "Samahan mo muna si Ulysses sa jeep."

"'Wag na," pagtanggi ko. "Pa-MRT ka, di ba?" tanong ko kay Sarah.

"Okay lang, diyan lang naman sa jeep."

"Hindi ko naman kailangan ng—"

"Bibili din ako ng pancit canton, okey? So taralets."

Hindi man lang ako nakapagpaalam kay Anna nang maayos. Basta na lang siya tumalikod at sumama sa orgmates niya. At ako, ito. Kasama si Sarah.

"Hindi ba obvious?" biglang sabi ni Sarah habang naglalakad kami. Tahimik lang ako dahil hindi ko nakuha 'yung sinabi niya. "A . . . so hindi."

"Na?" tanong ko.

"Alam mo, si Anna, napaiyak niya raw 'yung nanonood sa kanya noong auditions niya. 'Yan din kasi 'yung pinang-audition niya, e."

"Hindi na ako magtataka do'n."

"Alam din ng buong org. Kaya nga ginagawa namin lahat ng paraan, e. Maraming nagkakagusto diyan, pero di na nila tinatangka kasi alam nila na nasa moving-on stage pa rin siya."

"A . . ." sabi ko na lang dahil wala na akong masabi pero ayoko rin namang magkaroon ng nakaiilang na katahimikan.

"Baby namin 'yan sa org—"

"Ayan na 'yung jeep," sabi ko.

"At alam naming lahat na kapatid ka niya."

Hindi ko alam kung ano'ng isasagot ko doon. "A," sabi ko na lang. "O sige." Saka ako sumakay. Wala pa man din ako sa kalagitnaan ng biyahe, biglang nagtext sa 'kin si Sarah.


Sarah: Lagi niyang sinasabi na kasing mata mo si Yuan. Kasing boses. Kamukha. Kaya nga nasasaktan siya tuwing nakikita ka.


Binabasa ko nang paulit-ulit 'yung text.

Hindi ko alam kung bakit, pero merong masakit sa loob ko. Kung gano'n, bakit pa niya ako inimbita manood ng praktis niya sa ballet? Bakit niya 'ko ginusto makita sa org nila?

May mga bagay na hindi ko maintindihan kung bakit.

Kaya nagtext din ako sa isang tao na dapat matagal ko na ginawa.


Ulysses: Rina, bakit bigla kang nawala sa buhay ko?


Tinext ko 'yon kay Rina kahit alam ko na hindi naman niya ako rereplyan. Gusto ko siyang kausapin dahil sa mga ganitong bagay na hindi ko maintindihan, siya lang ang kinakausap ko. Naisip ko lang na kung hindi naman kasi siya nawala, may hindi rin darating. Pero tingin ko, kahit kailan, hindi na ako magkakaroon ng sagot sa mga tanong ko.

Gakuwesaribigin (Book 2 of the Gaku Series)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon