Chapter 12: La Douleur Exquise

161 12 0
                                    

La Douleur Exquise

(png.) Ang sakit na mararamdaman mo kapag ginugusto mo ang isang taong hindi naman magiging iyo


Graduating na rin ako sa susunod na taon, at tapos ko na lahat ng mga dehadong subjects na kailangan ko kuhanin sa summer. Pero kung kailan wala na akong kukuning klase, at saka namang mababalitaan kong magsa-summer classes si Anna.

Sa susunod na taon, sophomore na siya. Gano'n pa rin kaya?

Wala akong ideya. Dinaan ko na lang lahat sa laro at sa paghahanap-kuno ng summer job para magkapera.

Ilang linggo pagkatapos ng walang kabuluhang kabanata sa buhay ko, dumating ang first death anniversary ni Mark.

Isang taon na pala.

Naaalala ko pa 'yung araw na pumunta sa amin si Anna. Naglalaro pa ako no'n. Dis oras ng gabi nang biglang lumabas sina Mama at Papa kasama 'yung katulong namin sa bahay. Naaalala ko pa no'ng pati ako sinama nila. Ang sinabi ko pa nga, "Uuwi din 'yon."

Nakatulog na nga kami sa may police station at inabot na kami ng alas-tres ng umaga. Hindi umalis si Anna. Umalis lang siguro siya para maligo at magpalit ng damit pero sabay naming hinanap. Magkahiwalay kami ng grupo . . . hanggang sa nakita namin.

Nando'n siya sa may damuhan. Nang nakita ko siya, kumirot 'yung dibdib ko. Pero hindi ako umimik. Sinara ko lang 'yung mga palad ko.

Hindi na pala siya talaga uuwi, sa isip-isip ko. Hindi ko mapaliwanag kung ano 'yung nararamdaman ko. Halo-halong galit, lungkot, at 'yung pakiramdam na gusto ko rin pumatay ng tao, lalo na 'yung pumatay sa kapatid ko.

Nakita ko kung paano tumakbo si Mama at si Anna papunta sa katawan niya.

Naramdaman ko 'yung luha na pumatak sa 'kin. Kaming dalawa ni Papa, hawak 'yung balikat ni Mama. Paulit-ulit niyang sinabing, "Sinong may gawa, anak? Sino?"

At habang inaalala ko 'to, doon ko lang napagtanto . . .

Walang humawak kay Anna.

Iyak siya nang iyak, sigaw nang sigaw. Naalala ko pa noong araw ding 'yon na nahuli 'yung may gawa dahil na-track siya nang pinalitan niya 'yung sim card ng kapatid ko. Nakita ko kung paano niyugyog ni Anna 'yung lalaki at sinabing, "Kilala mo ba kung sino 'yung pinatay mong putang ina ka? Mahal ko lang naman, manong! Mahal ko lang naman! Wala ka bang minahal kahit kailan?"

Punong-puno siya ng galit. Hinawakan lang siya ng mga magulang ko at niyakap. Wala akong magawa doon kundi titigan nang masama 'yung pumatay kay Mark. Nakita ko rin siyang umiyak at saka ko sinabi, "Tarantado ka. Bakit, mababalik ba ng pagsisisi mo 'yung buhay ng kapatid ko?"

Hinawakan at pinigilan ako ni Papa. Hindi na ako umiyak simula noon. Nagalit lang ako hanggang sa sinabi sa 'kin ni Mama na wala ring magagawa ang galit ko. Nakamit na namin ang hustisya, kaya ang tanging magagawa ko na lang ay ang magpatawad at magdasal—dalawang salita na madalas sabihin ni Mama noong araw na 'yon. Alam kong galit din 'yung tatay ko, pero sa hindi ko alam na dahilan, napigilan siya ng nanay ko.

Isang taon na pala lahat ng 'yon.

Umaga ng first death anniversary niya, nagsimba kaming pamilya kasama ng ibang mga pinsan at tito at tita. Nagkuwentuhan, nagtawanan, kumain, at iba pa. Siguro dahil alam naman namin na, kung may langit man, nandon siya. Si Anna kaya?


Ulysses

Kakabisita lang namin. Alam ko naman bibisitahin mo siya, kaya ingat ka. Wag masyadong magtagal. Sabi uulan daw.

Gakuwesaribigin (Book 2 of the Gaku Series)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon