Chapter 21: Hygge

127 8 1
                                    

Hygge

(png.) Pagkawala ng kahit anong masakit na pangyayari at ang pagkakaroon ng saya mula sa mga bagay na nakaaalis ng mga alalahanin


Sa sumunod na dalawang araw, nagsuka ako nang maraming beses. Nando'n lang ako sa kama dahil hindi maganda ang pakiramdam ko. Nag-text ako kay Anna na masama ang pakiramdam ko bago ako dalhin sa ospital sumunod na araw. Doon namin nalaman na may dengue na pala ako.

Hindi man lang ako nakapag-text kay Anna na dinala ako sa ospital. Naiwan ko rin 'yung phone ko sa bahay. Ang sabi pa naman, tatlong araw pa ako rito sa ospital.

Nag-aalala na kaya 'yon sa 'kin?

Baka hindi.

Habang nakahiga ako sa kama, imbis na kung mabubuhay pa ba ako o hindi ang iniisip ko, ang iniisip ko ay kung paano ko kakalimutan si Anna. Paano ko sasabihin 'yung takot ko na mawala siya at 'yung kagustuhan kong mawala na rin siya sa utak ko dahil ang sakit lang na isampal sa sarili ko ang katotohanang nauna niyang mahalin ang kapatid ko?

Lumipas na ang ilang araw, dumami nang dumami 'yung mga kailangang i-inject sa 'kin. Sarap sabihin kay Doc na kung may drugs sila pampawala ng alaala, iturok na nila sa 'kin. Hindi pa rin dumadami 'yung platelets ko kaya kailangan ko pa rin mag-stay, isang linggo kung kinakailangan daw. Umuwi muna 'yung mga magulang ko at pinabantay muna ako sa kasama namin sa bahay. Hindi ko masabi na sabihan ako kung dumating si Anna dahil baka magtaka 'yung mga magulang ko.

Mga alas-otso imedya na ng gabi nang biglang may kumatok sa may pinto. Pagkakaalam ko, hanggang alas-nuwebe lang ang visiting hours. Pagbukas ng kasama namin sa bahay, nagulat ako nang nakita ko si Anna.

Pagpasok niya, nagpaalam 'yung kasama namin sa bahay na bibili muna siya ng pagkain. Pumayag ako sa dalawang dahilan: una, para makakain na rin siya; pangalawa, para makapagusap kami ni Anna nang masinsinan.

"Uly," bulong niya habang umuupo sa monoblock malapit sa 'kin at . . . nag-umpisang umiyak.

"U-uy, Anna!" natataranta kong sabi. "Bakit ka umiiyak?!"

"Bakit?! Bakit hindi?!" tanong niya na medyo galit. "Nag-alala ako nang hindi ka na nag-text pagkatapos nating magkita. Naisip ko baka nagalit ka sa 'kin dahil sa huli kong sinabi. Ilang araw na, Uly! Isang linggo?"

Tumutulo lang 'yung luha niya, sinusubukan maging tahimik 'yung mga hikbi kasi may kasama ako sa kuwarto na isa pang pasyente.

"Baliw ka," sabi niya. "Dapat man lang nag-text ka sa 'kin na masama na pala 'yung pakiramdam mo. Kung hindi pa ako naglakas-loob na puntahan ka sa bahay niyo, hindi ko pa malalaman."

"Kanino mo nalaman?"

"Kay Tita. Nagsinungaling pa ako na may isasauli akong libro."

"S-sorry," sagot ko. "Hindi ko naman ginusto na magka-dengue ako."

"Alam ko, alam ko. Nakaka-paranoid lang. Akala ko . . . mawawala ka na rin sa 'kin."

Hinawakan niya 'yung kamay ko tapos hinalikan. Naramdaman ko 'yung mga luha niya sa mga kamay ko, kaya napangiti ako. Oo, siguro nga kulang ako sa pansin niya kaya napangiti ako nang nalaman kong nag-alala siya sa 'kin. Sa kabila ng utak ko, naiinis ako sa sarili ko dahil di ko siya pinagkatiwalaan. Why have I doubted her for a second?

"Nagalit ka ba sa 'kin no'ng sinabi ko 'yung panaginip ko sa 'yo?" tanong niya.

"Hindi. Pero nalungkot ako."

"Sorry."

"Okey lang 'yon. Wala ka namang intension na saktan ako."

"I dreamed of that . . . before you kissed me."

Gakuwesaribigin (Book 2 of the Gaku Series)Where stories live. Discover now