Chapter 13: Utiwaaien

136 9 0
                                    

Utiwaaien

(png.) saglit na pahinga sa may kabukiran para sa ikakatahimik ng utak


Paulit-ulit kong nakikita sa utak ko 'yung mga huli niyang text, kahit pa binura ko na at inilaro ko na ng DOTA, LOL, at Ragnarok. Anong salamat? Anong sana may magkagusto sa 'kin? Anong kailangan ko ng taong magpapasaya sa 'kin? Bakit gano'n? Di ba puwedeng pareho kaming masaya?

Humiga ako sa kama nang patihaya. Ganito 'yung pakiramdam ko noong nalaman kong sumulpot 'yung Geo na 'yon sa buhay ni Rina. Kailangan ba talagang pagdaanan ang estadong 'to? Puwede naman siguro na 'yung mga may gusto sa 'kin 'yung gugustuhin ko, di ba? Bakit ba 'yung mga taong gusto ko e ayaw sa 'kin?

At dahil malapit na rin ulit ang first sem, ang huli kong first sem, gusto kong pumunta sa probinsya, magkaroon lang ng katahimikan. Sinabi ko 'yon sa magulang ko, at nagulat sila dahil hindi ko naman talaga gustong pumunta doon. Pumayag na lang sila, at saka ako pumunta sa taas.

Para ano? Para matulog. Batugan na kung batugan. Mas gusto ko 'yon kaysa magpakaadik sa taong nagpapaka-overdose sa ibang "drugs."

***

Nasa van na kami. Mga anim hanggang pitong oras 'yung paglalakbay papunta sa probinsya. Kinabukasan na siguro kami babalik.

"Hi, Tita!" narinig kong bati ni Anna na ikinagulat ko nang sobra. "Hi, Ulysses!" sabi niya naman sa 'kin bago siya sumakay sa van at tumabi sa 'kin sa may unang row, saka nagmaneho si Papa.

Ano'ng nangyayari? Bakit nandito siya? At higit sa lahat, bakit siya kasama?

"Uy," sabi niya. "Ayos ka lang?"

"Inimbita ka ni Mama, 'no?" tanong ko.

"Sinabihan lang ako ni Tita. Nasabi ko lang din na gusto kong pumunta sa isang lugar na may dagat. Sinama lang niya ako."

Sa loob-loob ko, nagmumura na ako. Kaya nga ako humiling na pumunta ng probinsya para sa katahimikan, tapos eto? Kasama siya—siyang nagpapagulo ng utak ko?

Please naman.

Nakasandal lang ako sa upuan habang nakatingin sa may bintana nang nakaramdam ako ng isang tapik. Pagtingin ko, ulo pala 'yon ni Anna na natutulog na sa may balikat ko.

Napatingin ako sa mga mata niya, sa pisngi niya, sa labi niya, sa mga kamay niya, sa lahat-lahat habang natutulog lang siya. Doon ko lang napagtanto na ballet shoes ang suot niya nang mapansin ko 'yung paa niyang nakapatong doon sa platform na nasa harap namin.

"Anna," kako, "nandito na tayo."

Natawa ako bigla nang pinunasan niya 'yung bibig niya dahil sa laway na tumulo sa bibig niya. Pinalo lang niya ako nang nakaramdam siyang pinagtawanan ko siya.

"Ang sama mo! Tita, o!"

"Ha?" Ano'ng ginagawa ko?" reklamo ko nang pabiro. "Nakakatawa, e."

"Bakit, hindi ka naglalaway pag natutulog? Bully ka, a."

"Minsan, pero hindi sa T-shirt ng ibang tao," sagot ko tapos pinalo niya ako ulit.

Hindi ko alam. Wirdo na ba ako pag sabihin ko pang pati 'yung naglalaway na Anna nakyutan ako? Oo. Siguro nga.

Pinakilala na namin siya sa mga tito at tita namin. Napanganga siya sa laki ng lugar na puno ng manok, baka, at kambing.

Pagkatapos, nilapag na namin 'yung mga gamit namin. Aliw na aliw lang naman siya sa dami ng kambing na alaga nina Tito at Tita. Ang saya niya lang, nakangiti habang hinihimas 'yung pusa na pinapakilala ng mga maliliit kong babaeng pinsan. Para siyang parte ng pamilya. Pero sabi nga ni Mama habang natutulog si Anna, "Tulong para makaandar."

Gakuwesaribigin (Book 2 of the Gaku Series)Where stories live. Discover now