Fantasy #7: Destiny

19.2K 518 14
                                    

Thank you @AyeGelyn sa napaka-awesome mong comment sa previous chapter.

Fantasy #7 : Destiny

///

Ang saya sanang isipin kung lahat ng tao sa mundo, nabubuhay ng may kabutihan sa puso. Pero bakit nga kaya parang hindi pwede? Mula pa noong unang panahon, mayro'n nang tama at mali. Parang kahit masakit, pinapaintindi ng kapalaran na nandyan ang kasamaan para malaman natin kung ano ang kabutihan.

     "'Wag mo namang gawin sa 'min 'to Fred."

     "Bakit ba hindi na lang kasi kayo pumayag na bilhin ko 'to?"

     Nagising ako sa malalakas na boses na tila mula sa labas ng bahay. Nagkusot ako ng mga mata at nang bumangon, dumungaw sa may bintana.

     Ilang tao 'yung nakita kong nando'n. At sa mga ayos pa lang nila, mukhang may hindi magandang nagaganap. Nag-ayos agad ako ng sarili. Bago lumabas, inilagay ko sa bulsa 'yung rosaryo ko.

     "Kayang-kaya kong bilhin ang lupang 'to para sabihin ko sa 'yo Francisco!" malakas at may diin na sabi ng isang lalaki sa harap ni Mang Isko.

     Habang naglalakad palapit sa kanila, napansin ko kung gaano kaiba 'yung paraan ng pananamit nilang dalawa kahit na mukhang hindi nagkakalayo 'yung edad nila sa isa't isa. Bakas 'yung simpleng pamumuhay sa suot ni Mang Isko, habang ramdam naman 'yung karangyaan sa siguradong mamahaling damit ng isa. Patunay na mayro'n talagang iba't ibang estado sa buhay, pero kahit gano'n, hindi 'yon magiging batayan ng respeto sa lahat ng oras.

     "Alam ko, Frederico. Pero hindi ko naman 'to ipinagbibili, inaalagaan ko 'tong lupain dahil ibinigay ito sa 'kin ng amo ko. Iniregalo niya 'to sa 'kin at iniingatan ko 'to. Nandito rin ang kabuhayan ko," sabi naman ni Mang Isko. Hindi man pasigaw gaya ng sa kausap, ramdam ko 'yung diin at emosyon sa pagkakasabi no'n.

     Maraming kasamang naka-uniform na tila mga bodyguard 'yung lalaki. Sa banda naman ni Mang Isko, nandoon sina Tacio at Dolores na nakatalikod mula sa kung nasaan ako. Tingin ko, delikado 'to kung magkakagulo. Wala kaming laban kung gagamit ng dahas, ng armas.

     "Hindi na dapat humahaba pa itong usapang 'to. Ang kailangan ko lang naman mula sa 'yo ay isuko mo na sa akin 'to. Bibilhin ko naman. At kaya ko pang doblehin ang presyo. Ayaw mo pa ba no'n?" Natawa pa nang nakakainsulto 'yung lalaking 'yon.

     "Huwag mo naman kaming maliitin Fred. Hindi gano'n karangya ang buhay namin pero nakakaraos pa naman kami kahit wala 'yung dobleng sinasabi mo. Alam kong marami ka nang lupain at negosyo Fred, 'wag naman sana pati ito. Pakiusap lang."

     Napahilot sa sentido 'yung lalaki bago sumagot. "Isko... Baka nakakalimutan mong itong lupa lang ng bahay niyo ang iyo. Pero ang pinagsasakahan mo, nabili ko na sa amo mo. Kaya nga gusto kong bilhin na rin 'to. Pero nasa iyo raw ang desisyon dahil sa 'yo na 'to. Oh Lord... bakit ba napakatitigas ng mga mahihirap?"

     Napahinto ako sa paglapit. Kinilabutan ako kung gaano kalakas ang loob niyang isama ang "Lord" sa mga salitang sinabi niya.

     Nakita ko kung paano tumabi si Dolores kay Mang Isko at nagsalita. "Ginoong Frederico... sana hayaan niyo na sila rito at irespeto 'yung desisyon nila. Ito na ang tirahan nila nang maraming taon kaya hindi niyo sila pwedeng basta-basta paalisin dahil lang gusto niyo 'tong bilhin. Isipin niyo na lang ho kung sa inyo gagawin 'tong ganito. At kung may kabutihan pa rin sa inyo... sana hayaan niyo pa rin silang magsaka sa lupain na nabili niyo na pala. Masipag at maaasahan si Mang Isko kaya hindi kayo magsisisi... Please po."

     Nadala ako sa mga sinabi niya. Ramdam kong galit siya pero nakuha niya pa ring makiusap para lang kina Mang Isko. Hindi mo talaga makikilala ang totoong lalim ng isang tao sa unang pagkikita pa lang. Kahit na palaban siya, pinipilit niyang kontrolin 'yung sarili. Alam niya rin... na hindi 'to magiging madali.

Time Escape (Currently Editing)Where stories live. Discover now