Fantasy #12 : Kind of Love

16.5K 475 16
                                    

Fantasy #12 : Kind of Love

~

"Pen pen de sarapen, de kutsilyo de almasen..."

     Nakangiti ako habang pinagmamasdan ang mga bata na naglalaro. Ito pala 'yung sinasabi ni Tacio na ampunan na buwan-buwan niyang pinupuntahan.

     Nang makita ng mga bata si Tacio, nagsitakbuhan ang lahat sa kanya.

     Habang tinitignan ko siya sa sandaling 'yon, sumagi sa isip ko... 'Mabuting tao talaga si Tacio.'

     "Ilalatag ko na 'tong mga dala natin," sabi ni Mang Isko. Kakarating lang niya.

     Naisipan naming mag-picnic ni Tacio kasama ang mga bata. Maraming dinalang pagkain si Mang Isko.

     Habang nakikipagkuwentuhan si Tacio sa mga bata, inaayos na namin ni 'Itay' ang mga pagkain.

     "Hay, naaalala ko tuloy ang kabataan ko," biglang sabi ni Mang Isko.

     Nang natapos naming ayusin ang lahat, naupo kami sa mahabang upuang kahoy at tinignan sina Tacio at mga bata.

     "Masaya po ba ang kabataan niyo?" tanong ko.

     "Oo naman anak. Simpleng buhay lang, pero masaya kasi kasama ko 'yung mga istrikto pero napakamapagmahal kong mga magulang."

     Nangiti ako dahil parang naglalakbay talaga ang isip ni Mang Isko.

     "Pwede niyo po bang ikwento?"

     "Hmm, noon kasing nag-aaral pa 'ko noon, karampot lang ang baon ko. Pero sobrang gustong-gusto kong mag-aral. Magagaling ang mga maestra at maestro namin noon."

     Nakangiti rin ako habang nakikinig.

     "Tapos kapag tapos na ang klase, maglalaro kami ng kung anu-ano, takbuhan hanggang hapon. Kapag ginabi ako ng uwi sa kakalaro, pagagalitan ako nina inang at tatang. Naranasan ko pang maisako."

     "Seryoso po? Grabe!"

     "Oo 'nak. Ang parusa pa nila e mag-igib ako ng tubig ng mga sampung batya. Pero kinagabihan, hindi nila ako matitiis. Igagawa nila ako ng paborito kong halo-halo---yelo, asukal at gatas lang 'yon. Kapag gabing-gabi na, hindi nila alam pero nagigising ako kapag inaayos nila ang kulambo ko saka ako hahalikan sa pisngi."

     Nakakatuwa, napakasimpleng buhay pero napakakulay. Nakakabuhay ng puso.

     "Kapag naman may sakit ako, hindi ako iniiwan ng inang."

     Biglang naging seryoso ang mukha ni Mang Isko. Pero nang tumingin siya sa 'kin, ngumiti na siya.

     "Kung pwede lang balikan. Kaya nga gusto ko ring maging masaya ang anak kong si Tacio. Alam mo, pinag-aaral ko siya, pero ayaw niya. Ang sabi niya sa 'kin no'n, 'wala rin naman akong mapapala 'tay kapag nagtapos ako, mahihirapan lang kayo, ganito pa rin naman ang magiging buhay natin.'

     "Sinabi po niya 'yon?"

     "Oo."

     "Kung gano'n, ano pong pangarap ni Tacio?"

     "Gusto niyang sumaya... 'Yung saya na kahit maraming problema, balewala dahil sa kasiyahan na 'yon."

     "Syempre 'tay, kaso 'yung propesyon po, alam niyo po ba?"

     "Gusto niyang maging maestro. Maestra kasi ang asawa ko. Dati, sumasaya si Tacio kapag nakikita niya ang nanay niya na nagtuturo."

     Wow... 'Yun pala ang pangarap niya.

     "Pero ngayon, hindi ko na sigurado," biglang sabi ni Mang Isko.

     "Bakit po?"

     "Baka kasi ikaw na ang pangarap niya." Tawa siya nang tawa pagkasabi no'n.

     Si Mang Isko talaga.

     "Lei!" Lumingon ako kay Tacio nang bigla niya akong tawagin.

     "Siya po ba 'yun kuya?" biglang tanong ng isang bata sa kanya. Nginitian naman siya ni Tacio.

     "Uyyyyyy...." biglang sabi ng mga bata. Nagtawanan pa sila, hindi ko mapigilang hindi mahawa sa mga ngiti nila.

     "MAHAL NA MAHAL KA PO NI KUYA ANASTACIO, ATE LEI!" biglang sigaw ng mga bata.

     "O pano, mauna na 'ko anak," wika ni Mang Isko sa 'kin.

     "Sige po."

     May biglang umakbay sa 'kin, si Tacio.

     "Ano? Masaya ba rito?" tanong niya.

     "Tss, dumidiskarte ka a. Kung anu-ano pa tinuturo mo sa mga bata," sabi ko.

     Naupo na kami at pinagmasdan ang mga bata na kumakain ng mga pagkain.

     "Ang saya sigurong maging bata sa panahong 'to 'no? Sa hinaharap, puro makabago na 'yung mga laro. Kahit wala kang kasama, pwede. Kaya tuloy mas napapalayo ang mga tao sa isa't isa kasi hindi na nag-uusap-usap ng personal. Ang mga laro kasi, sa cellphone na, o kaya social media na ang mas gusto nila."

     "Patuloy kasing nagbabago ang mundo. May matutuklasan, kaya may makakalimutan," sabi niya.

     Tama siya.

     "Akyat tayong puno? Gusto ko lang maranasan," pag-aya ko.

     "Kung 'yon ang gusto mo."

     Inakyat namin ang isang puno. Nadiskubri kong magaling akong umakyat ng puno. Naupo kami ro'n. Matibay naman kasi at may spot na ginawa talaga para maupuan.

     "Teka, si Ate Gracia 'yon 'di ba?" tanong ko kay Tacio. Nakita ko si Tita Gracia na inaasikaso 'yung mga bata. Tanaw namin sila mula rito.

     "Ahh hindi ko pala nasabi sa 'yo, siya 'yung may-ari nitong ampunan. Inilaan niya sa ampunan halos lahat ng pera niya at namuhay ng simple kasama ang anak niya. Mabait siya."

     "Magkakilala pala kayo. At wow, ang bait pala ng Mama ni Faye."

     "Sino si Faye?"

     "Ahh, siya 'yung kaibigan ko sa hinaharap. 'Yan 'yung nanay niya."

     Tumango naman siya.

     Nakikita kong ang saya-saya ni Tita Gracia habang nakikipagkwentuhan sa mga bata. Napangiti rin ako.

     "Noong kabataan ko, masayahin din ako, palalaro at palaaral kagaya ni tatay," sabi niya. Bigla namang lumungkot ang mukha niya. "Pero nang nawala ang nanay ko, nawalan ako ng gana. Mahirap noong una, pero nasanay na lang ako. Hindi ko na kasi mahanap ang direksyon ko, 'yung pangarap ko."

     "Kaya pala ang pinakapangarap mo talaga, maging masaya. Alam mo ba hindi ko makakalimutan 'yung time na nagtitimpi ka sa mga Moya," wika ko bigla.

     "Gusto kong lumaban no'n, kaso ano ba naman ang magagawa ng katulad ko? Ng katulad namin? Kapag lumaban ako, baka kung ano'ng gawin nila kay tatay," sabi niya.

     Bigla ko siyang niyakap---mahigpit na mahigpit.

     "Tacio, ipangako mo sa 'kin, magiging isa kang mahusay na maestro. Gusto kong isang araw, mayroon akong makilala na bahagi ka ng inspirasyon nila. Abutin mo 'yung pangarap mo ha. Para sa nanay at tatay mo, para sa 'kin, pero syempre, para sa 'yo."

     Niyakap niya rin ako nang mahigpit. Nang sandaling iyon, alam ko, umiiyak siya. Humanga ako sa kanya dahil hinayaan niyang ilabas ang kahinaan niya sa harap ko.

     Hindi ko alam kung saan tayo dadalhin ng kapalaran. Pero alam kong iba na 'tong nararamdaman ko.

     I've never felt this kind of love. It's real, pure, and eternal.

     Timeless.

~~~~~

Time Escape (Currently Editing)Where stories live. Discover now