CHAPTER 22

161 15 7
                                    

"Maligayang pagdating sa Castillo de Aragon, Alia Hidalgo," bati ni Hugo Alvaro na sumalubong kay Alia na noon ay nasa labas na ng higanteng pinto ng kastilyo.

"Walang nakakatuwa sa pagdating ko, Hugo Alvaro. Tigilan mo ang pagpapanggap," sikmat niya sa beta ni Nicandros.

"Nicandros is waiting for you," sabi ni Hugo na sinadyang hindi pansinin ang sinabi niya. Ikinumpas pa nito ang isang kamay tanda ng pagpapapasok sa kanya sa loob ng kastilyo.

"Alam ko. Kaya nga wala ni isang Demoncrest Hunter ang humarang sa dadaanan ko, hindi ba?" matabang na sabi niya habang tuloy-tuloy na pumapasok sa loob.

"Sadyang matapang ka, Alia Hidalgo. Hindi nagkamali si Nicandros nang hinirang ka niya upang maging luna ng aming pack," pahabol ni Hugo.

"I am not your luna and I will never be. Huwag kang hangal," sikmat niya.

"Sabihin mo iyan kapag nakita mo na ang inyong seer at ang iyong tagapag-alaga," makahulugang wika ni Hugo.

Sukat sa narinig ay mabilis na tumakbo sa loob ng kastilyo si Alia habang isinisigaw ang pangalan ni Deva at Apo Sitan.

Madilim, mainit at nakasusulasok ang amoy sa loob. Ilang beses siyang halos maduwal dahil sa pandidiri ngunit ipinapatuloy niya ang paghahanap. Maya-maya'y isang tinig ang narinig niya sa di kalayuan. Agad siyang tumakbo palapit sa kinaroroonan ng boses.

Hanggang tumambad sa kanya ang isang napakalaking kulungan. Nasa loob nito ang ilang Spirit Keepers kabilang si Apo Sitan at Deva. Nagkagulo ang mga ito nang makita siya.

Bukas ang pintong bakal ng kulungan kung kaya tuloy-tuloy siyang pumasok sa loob sa kabila ng pagtutol ni Apo Sitan at Deva.

"Huwag, Alia. Huwag kang pumasok. Isa itong patibong," hirap na sabi ni Deva ngunit huli na. Nasa loob na siya ng kulungan kasama ang mga nanghihinang bihag na mga Spirit Keeper. Buong habag na nilapitan niya ang mga ito, sugatan at nanghihina. Umuungol pa sa sakit ang iba dahil marahil sa pahirap na dinanas sa mga kamay nang malulupit na Demoncrest Hunters.

Ilang minuto lang ang nakalipas ay bigla na lang sumulpot mula kung saan si Nicandros kasama si Hugo at ilang Demoncrest Hunter. Agad sumulak ang dugo ni Alia pagkakita sa mortal na kaaway ngunit alam niyang kailangan niyang pigilan ang sarili upang maayos na makausap ito.

Kalmado lamang si Nicandros habang humahagod ang mga paningin sa kanyang kabuuan. Katulad ng dati, ipinapahayag ng kislap ng mga mata nito ang paghahangad pa rin sa kanyang katawan. Unti-unti siyang nakaramdam ng pandidiri.

"Kumusta, aking luna? Sabi ko na nga ba at darating ka," sabi ng lalaki habang nakamarka pa rin sa mukha ang mala-demonyong ngisi.

"Narito na ako, Nicandros. Ako lang ang kailangan mo kung kaya iniuutos kong pakawalan mo na ang mga bihag," matatag na utos niya.

Bahagyang tumawa si Nicandros. "Ops...relax, Alia. Nasa teritoryo kita, at dito, ako ang nasusunod."

"Pakawalan mo sila at pagkatapos ay malaya mo nang magagawa ang iyong nais," pikit-mata niyang sabi kahit naghuhumiyaw ang dibdib niya sa pagtutol.

"Magagawa ko naman talaga kahit ano ang aking naisin sa kaharian kong ito, aking mahal. Hindi mo na kailangang makipagkasundo sa akin. Isa pa, hindi mo na ako malilinlang pang muli."

"Walang panlilinlang na magaganap, Nicandros. Naparito ako para sa isang kasunduan." Pilit pinatatag ni Alia ang sarili kahit halos sasabog na ang dibdib niya dahil sa pangamba sa susunod na maaaring gawin ng lalaki.

INSIDE OF ME  (Into The Darkness Series Book 2)Where stories live. Discover now