CHAPTER 30

492K 22.6K 38.1K
                                    


CHAPTER 30

NILINGON KO si Bree nang magising ako kinabukasan. Gano'n na lang ang lungkot ko nang makitang malinis na ang kama at wala siya. Hindi naman na 'yon ang unang beses na gumising ako nang wala siya pero gano'n ang pakiramdam. Ibinaling ko ang paningin at tinanaw ang kaulapan mula sa bintana. Ang bigat ng pakiramdam, parang may nakadagan sa akin, gayong nagising lang naman akong wala na sa kwarto ang kapatid ko. Siguro nga ay ganito ang nakokonsensya, nabibigyan ng kahulugan ang mga kilos nang nagawan mo ng kasalanan na dati ay normal at nababalewala mo lang.

"Magandang umaga po, 'nay," bati ko nang madatnan ko siya sa kusina at nagsasalin ng mainit na tubig mula sa takure. "Umalis po si Bree?" maging ang alinlangan ay nahimigan ko sa sariling tinig.

Doon pa lang ako nilingon ni nanay, bumuntong-hininga siya saka pilit na ngumiti. "Nagpaalam siyang may practice ng sayaw."

Tumango ako. "Gano'n po ba?" kunyari ay naniniwala ako.

Para kaming naglolokohan ni nanay. Gano'n ang tanong ko, ganito ang kaniyang sagot pero pareho naman naming alam ang totoo. Kahapon ang huling araw ng practice ni Bree, may isang linggo siyang bakasyon bago magsimula ang pasukan.

Akala ko ay makokontento ako sa gano'ng usapan namin ni nanay, na masasakyan ko ang pagpapanggap naming normal na araw lang ito. Pero hindi pa man nagtatagal ay iniisip ko na kung saan kaya posibleng nagpunta ang kapatid ko.

Pinuntahan ko ang alaga kong aso at tulalang nakipaglaro sa kaniya. Pinakain ko siya at pinainom kaya kahit papaano ay nalibang ako. Pero nang makatulog siya sa mga hita ko ay naglayag na naman kung saan-saan ang isip ko.

"Nagkausap na kayo ni Bree?" mayamaya ay tanong ni nanay. Ipinagtimpla niya ako ng gatas at nilatagan ng pandesal.

Hindi ko nagawang salubungin agad ang tingin niya, nahihiya ako kay nanay. "Opo, 'nay."

Bumuntong-hininga si nanay, alam kong gusto niyang malaman kung ano'ng napag-usapan namin ni Bree. Pero hindi gano'n si nanay, hindi niya uusisain ang bagay na alam niyang hindi pa ako handang sabihin. Alam niyang magsasabi ako kapag kaya ko na.

Paano kayang daraan ang araw na 'to? Ang araw na ito lang kaya ang mabigat o maging ang susunod pa? Sana nga ay ngayon lang. Kasi hindi ko alam kung makakaya ko, nag-aalala ako sa magiging relasyon namin ni Bree kung magtatagal ito.

Madilim na ay hindi pa rin dumarating si Bree. Kakatwang natapos kaming maghapunan nang hindi siya hinahanap nina nanay at tatay. Sa unang pagkakataon naman ay hindi ako nagtanong. Para bang pare-pareho na naming alam ang sagot. Ang kaibahan lang, mukhang alam nila kung saan naroon si Bree, ako ay walang ideya. Kung naroon marahil si Kuya Kev ay nagtanong na siya.

"Pasensya na po, ginabi ako, 'nay," napalingon ako sa pinto nang marinig ko ang boses ni Bree mula sa labas ng kwarto. "Dumeretso kami sa party ng ka-member ko."

"Bree," tinig ni nanay, dali-dali akong kumilos. "Mukhang naparami ang inom mo. Hindi maganda 'yan."

Natigil ako sa paghila sa doorknob at napatitig sa kamay kong marahang binibitiwan 'yon. Sinadya kong iwang bukas at nakaawang ang pinto dahil gusto kong marinig ang pagdating ni Bree. Maingat akong bumalik sa kama at maiiyak nang nahiga. 'Ayun na naman ang pagtatanong ko kung bakit uminom si Bree gayong alam ko na ang sagot.

"Ngayon lang naman po, 'nay, eh," pagdadahilan ni Bree.

"Oo, ngayon ka lang umuwing lasing. Tingnan mo't susuray-suray ka."

Tumawa si Bree. "'Buti nga po ay sinundo ako ni Rhumzell,"tumawa uli siya. "Gano'n po siguro kapag nagkakaintindihan, 'no, 'nay?"

"Kumain ka na ba?" malayo ang tugon ni nanay.

LOVE WITHOUT BOUNDARIESTempat cerita menjadi hidup. Temukan sekarang