CHAPTER 12

788K 32.6K 42.2K
                                    

CHAPTER 12

"SIGURADO KA bang hindi ka magpapaalam kay Maxrill?" tanong ni nanay nang balikan niya ako sa puno at magyayang umuwi.

Magkakasunod akong umiling. Pero sa sandaling iyon, hindi ako ngumuso. Hindi ako sumimangot. Hindi nalukot ang aking mukha. Dahil ang pagtawag niya sa pangalan ko ay paulit-ulit ko pa ring naririnig. Para iyong musika na hindi ko maipaliwanag ang dulot na saya.

"Ikaw talagang bata ka, oh..." napapailing na ani nanay.

"Tinawag niya ang pangalan ko, 'nay."

"Oo nga't dinig na dinig ko, isigaw ba naman," natatawa siyang bumuntong-hininga.

Gusto ko tuloy mahiya sa pagkakangiti ni nanay, pakiramdam ko ay tinutukso niya ako.

"Ang sabi niya ay hindi pa raw niya lubusang nakikita ang mukha mo," ani nanay.

Napanguso ako. "Hindi ko siya kayang harapin, 'nay, hindi ko po maipaliwanag."

"Hindi bale, marami pa namang pagkakataon. Baka sa susunod...magkausap na kayo nang ayos," ngiti ni nanay.

Hindi ko alam kung paanong binuhay ng mga sinabi niya ang pananabik kong makita ulit si Maxrill. Kahit na ang totoo ay hanggang pananabik lang naman ako. Alam ko sa sarili ko kasing kung darating man ang pagkakataong iyon, hindi ko pa rin siya makakayang harapin. O kung kayanin ko man, hindi ako sigurado kung paano kong matatagalan.

Nakauwi kami nang iyon ang nasa isip. Ang tuwa sa puso ko ay hindi na yata mabubura. Naging espesyal sa akin ang pagtawag na iyon ni Maxrill sa pangalan ko. Pakiramdam ko tuloy ay buong araw akong nakalutang sa tuwa at saya.

"Hindi ako nakasama!" nakanguso, kunyaring umiiyak na atungal ni Bree nang malaman niyang pumunta kami ni nanay sa mansyon ng mga Moon. "Nakaalis na ba si Maxrill, 'nay?"

Sumulyap sa orasan si nanay saka nakangiwing tumango. "Paniguradong nakaalis na 'yon."

"Kailan ko po ulit siya makikita, 'nay?"

"Ikaw, bata ka," umiiling na ani nanay saka natawa. "Hayaan mo, babalik at babalik 'yon, saan man magpunta, gaano man katagal manatili sa ibang bansa."

Sumulyap si nanay sa akin, napanguso ako. Hindi ko maintindihan kung bakit ginagawa ni nanay 'yon. Pakiramdam ko ay namumula ang buo kong mukha sa hiya. At nag-aalala akong makita ni Bree iyon.

"Sana bumalik si Maxrill sa susunod na linggo," nakangiting hiling ni Bree.

Natawa si nanay. "Dahil kaarawan mo?"

"Opo, 'nay!" excited niyang tugon.

Napanguso ako. Matagal pa ang kaarawan ko.

"Alam ba naman niya kung kailan ang kaarawan mo?" nagbibirong tanong ni nanay, nang-aasar.

"Opo, 'nay! Sinasabi ko sa kaniya sa t'wing magkakasama kami."

"Ano naman ang sagot niya?"

"Tumatawa lang po," ngumuso si Bree. "Wala naman kasi akong party na kagaya sa kaniya, 'nay."

"Pwede mo naman siyang imbitahin kahit na hindi kasing ganda ng handa nila ang sa kaarawan mo, Bree. Mahusay makisama ang mga Moon."

Sabay na nanlaki ang mga mata namin ng bunsong kapatid ko. "Talaga po, 'nay?" tanong ni Bree.

"Mahilig kumain si Maxrill, hindi siya mapili," ngiti ni nanay saka muling sumulyap sa 'kin.

LOVE WITHOUT BOUNDARIESTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon