CHAPTER 53

309K 13.7K 21.6K
                                    


CHAPTER 53

HINDI MO kilala ang mga Moon. Hindi mo kilala si Maze Moon. Kung ako sa 'yo, aalamin ko kung paanong nagkaganyan ang paa mo. Saka mo ikuwento sa 'kin kung gaano kabait ang Heurt at Maze Moon na sinasabi mo...

Napabuntong-hininga ako, hindi maipaliwanag ang kaba. "Ano ba'ng ibig niyang sabihin?"

May sagot sa isip ko pero ako mismo ang ayaw tumanggap no'n. Hindi niya sinabing masamang tao sina Tiya Maze at Nanay Heurt pero parang gano'n ang ibig niyang sabihin. Ayokong maniwala dahil hindi ko naman siya kilala. Pero bakit ganito ang pakiramdam ko? Para akong naghihinala. Kinukwestyon ko ang tunay na personalidad nina nanay at tiya gayong mas kilala ko sila kompara kay Tiyo Hwang na kinatatakutan ko na nga, wala pa akong ideya sa totoong pagkakakilanlan. Nahihirapan akong ipaliwanag.

Napatitig ako sa cellphone ko nang tumunog 'yon at kasunod ay nabasa ko ang pangalan ni nanay sa screen. Sandali pa akong tulala bago tuluyang binuksan ang text.

NANAY:

Gabi na, hindi ka pa umuuwi, Dainty. Nasaan ka na? Nag-aalala na kami ng tatay at mga kapatid mo.

Wala pa man akong nagagawa, tumunog ulit 'yon. Tawag naman galing kay Tiya Maze. Nanginginig ang mga kamay ko, tuliro ang isip ko dahil sa mga sinabi ni Tiyo Hwang at dahil na rin sa takot na naramdaman ko sa kaniya. Hindi ko alam kung paanong kikilos sa sandaling 'to. Nanghihina pa rin ang mga tuhod ko.

"Hello po?" sa wakas ay nasagot ko.

"I was waiting for your call. Nakauwi ka na ba, hija?" tanong ni tiya. "Did you tell your parents na sumama ka sa 'kin sa pizza parlor?" dagdag pa niya, lalo akong natuliro.

Lumingon ako kung saan naglakad papalayo si Tiyo Hwang at lalong kinilabutan sa dilim ng gawing 'yon. Mabuti at may dalawang poste ng ilaw sa kinaroroonan ko. Pero hindi sapat ang liwanag no'n para mabawasan ang kaba ko.

"Ano...opo, tiya," kabado kong sagot.

Sandaling natahimik ang linya ni tiya. "Great. Enjoy your dinner with your family. I had fun earlier, good night."

Nakapikit akong humugot ng hininga. "Good night, tiya. Salamat po ulit." Wala sa sarili kong naibaba ang linya. "Hala..." saka ko lang naisip 'yon nang wala na ang tawag ni tiya. Napapikit muli ako saka binasa ang text ni nanay.

Me:

Pauwi na po, 'nay. Pasensya na po.

Muli kong nilingon ang daan at nang masigurong wala nang tao ro'n ay saka ko lakad-takbong tinahak ang daan pauwi.

Naabutan ko si nanay na papalabas na sa gate nang masulyapan ako. "Sa'n ka ba nanggaling? Gabing-gabi na. Kanina pa dapat ang uwi mo, Dainty." Tinanaw niya ang pinanggalingan ko. "Napakadilim na, hindi na magandang umuwi nang ganitong oras."

"Pasensya na po, 'nay. Lumabas po kasi kami ni Tiya Maze. Sorry, hindi po ako nakapag-text." Habol ko ang hininga habang pilit tinatago ang pag-aalala sa kaniya.

"Si Maze Moon?" nagtataka niyang tugon, ngumiwi saka ngumiti. "Saan naman kayo pumunta? At bakit hindi ka niya hinatid dito? Madilim sa kalsada."

"Kumain po kami ng pizza. Ako na po ang nagsabing hanggang sa labasan lang ako ihatid, 'nay. Gusto niya pong ihatid ako rito pero nahiya na po kasi ako, pasensya na po." Ngayon lang ako nagsisi na hindi nagpahatid dahil sa takot na mag-abot muli at magkasagutan sina Tiya Maze at tatay.

"Gano'n ba? 'Yong mumurahing pizza ba 'yan na paborito ng nobyo mo?"

"Ano...hindi po, 'nay."

LOVE WITHOUT BOUNDARIESWhere stories live. Discover now