02

6.4K 330 205
                                    

• 🏐 •

Sabay nga kaming kumain ni Kuya Nico rito sa kwarto nila.

At iyon na yata ang pinaka-awkward at pinakamatagal na pagkain ko sa buong buhay ko. Sa totoo lang, hindi ko alam kung paano ngunguya. Si Kuya Nico kasi, pinapanood ako habang kumakain. Hirap na hirap tuloy akong lumunok pero dahil sa sobrang seryoso ng tingin niya sa 'kin ay pinipilit ko na lang kahit maraming beses akong muntik mabulunan.

Idagdag pa na walang nagsasalita sa 'ming dalawa. Iyong tunog lang ng aircon at mga kubyertos namin ang naririnig ko. Gusto ko nga sanang tanungin kung bakit niya ako pinapanood pero nakakatakot kasi siya talaga tumingin.

Parang isang salita ko lang, iyong paa ko naman ang babaliin niya para pareho na kami.

Kaya ginawa ko na lang ang lahat ng makakaya ko para hindi siya tignan pabalik.

At hindi ko alam kung sinasadya ba niya o ako lang ang nag-iisip no'n pero parang sinasabayan niya iyong bilis ko sa pagkain. Para bang kapag susubo ako, doon lang din siya susubo kahit pwede naman niyang bilisan.

Ang awkward talaga na sinamahan pa ng kaba kasi wala talaga siyang pinapalampas sa mga galaw ko. May isang beses pa ngang nanginig iyong kamay ko habang sumusubo pero buti na lang ay nakontrol ko iyon kundi natapon na iyong pagkain.

Gusto ko na sanang bilisan pero baka magtaka naman siya kung bakit ko binibilisan. Hindi ko alam ang isasagot ko ro'n. Hindi rin naman pwedeng hindi ko ubusin ang pagkain ko kasi baka lalo lang siyang magtanong.

Bigla ko tuloy naisip kung ito ba iyong ganti niya sa 'kin sa pag-sprain ko sa paa niya. Kung ito nga, grabe naman itong si Kuya Nico... ang brutal.

Mas matatanggap ko pa yata kung mumurahin niya ako at sasabihang tanga kaysa ganito na para siyang CCTV na nakabantay sa 'kin.

Gusto ko nang bumalik sa kwarto ko.

Naiiyak na ako sa sobrang awkward.

Paano nga kaya kung iyakan ko na lang siya? Baka sakaling maawa siya sa 'kin.

"Seb."

"Ay, awkward!"

Nasa kalagitnaan ako ng pagde-decide kung iiyak na ba ako nang magulat ako nang biglang niyang tawagin ang pangalan ko. Nagkatinginan kami at naabutan kong magkasalubong agad ang mga kilay niya.

Dumoble bigla iyong kaba ko.

Ito na yata iyong cue para umiyak ako.

"Awkward? Bakit awkward?" Seryosong tanong niya.

Hindi pa nakakatulong na ang lalim ng boses niya. Buong-buo iyon na akala mo ay galing sa ilalim ng balon.

Binalik ko ang tingin sa pagkain kong wala pa sa kalahati. Binuka ko ang bibig ko pero sa kasamaang palad, walang lumabas na salita ro'n. Pinilit kong mag-isip ng sasabihin pero lalo akong kinabahan nang mablangko bigla ang utak ko.

Ano na, Sebastian?

Tinatanong ka no'ng tao!

"Awkward ba itong ginagawa natin?" Tanong ulit niya no'ng wala pa rin akong masabi.

"P-Po?" Sabi ko pero agad ding tumikhim. Ang kulit mo, Seb! Wala nga sabing po! "M-Medyo awkward lang. Pero kaunti lang naman..." po. Kinurot ko ang kamay ko nang muntik ko ulit masabi ang pinagbabawal na salita ni Kuya Nico.

"Bakit? Kumakain lang naman tayo."

Pinapanood n'yo po kasi ako habang kumakain. Ano po bang problema n'yo, sir?

Jersey Number NineWhere stories live. Discover now