04

6.4K 360 284
                                    

• 🏐 •

Pagkatapos ng game namin na iyon, palagi ko nang sinisiguro na nakatali nang maayos at mahigpit ang mga sintas ng sapatos ko.

Ayoko nang si Kuya Nico pa ang magtatali no'n para sa 'kin. Nakakahiya naman sa kaniya. Kaya ko naman din kasing gawin iyon mag-isa. Hindi ko nga rin alam kung bakit siya pa iyong nagtali no'n kahit pwede naman niyang sabihin na lang sa 'kin para ako na ang gumawa.

Isa pang rason ay hindi ko gusto iyong pagkakatali niya sa sintas ko.

Ang higpit masyado.

Doon ko nalaman na mabigat talaga ang mga kamay niya.

Bagay na bagay talaga sa kaniya ang pagiging opposite spiker. Sayang ang lakas niya pumalo kung setter siya o libero. Hindi ko rin naman ma-imagine sa mga position na iyon. Hindi bagay sa kaniya sa laki niyang tao.

Kapareho niya halos ng built iyong Alejo ng Westmore.

Pero may kaunting pagkakaiba sa kung paano sila tumingin. Parehong intense pero may mga pagkakataon na parang malaking bata na nawawala sa loob ng court si Alejo.

Samantalang si Kuya Nico naman ay masyadong seryoso. Parang hindi mo pwedeng biruin. Hindi mo pa natatapos iyong joke mo, nayakap na ng kamay niya iyong leeg mo.

O... baka produkto lang 'to ng pagiging judgmental ko sa kaniya kasi ang higpit talaga ng pagkakatali niya sa sintas ko. Siguro, gano'n nga. Doon ko binase ang first impression ko sa kaniya.

Pero so far, mabait naman si Kuya Nico. Totoo pala talaga iyong don't judge the book by its cover if you're not a judge. Siguro 'wag ka na lang makikipagtitigan sa kaniya kasi lalamunin ka talaga nang buhay.

"Seb, tara na!" Tawag ni Uno mula sa labas ng kwarto namin.

"Sandali lang," sagot ko. "Magsisintas na lang ako."

Sinilip niya iyong ulo niya sa may pintuan. Naabutan niya akong nakaupo sa kama ko rito habang nagsasapatos.

"Bilisan mo na, Sebby boy. Kapag na-late tayo sa training, lagot tayo kay Harold. Baka kung ano na naman ang ipapagawa no'ng naglalakad na regla na iyon. May saltik pa naman iyon madalas."

Napailing na lang ako sa sinabi niya. "Oo, wait lang."

Sana lang talaga ay walang makarinig sa kaniya sa pangba-bash niya kay Kuya Harold kasi mas gusto ko nang maparusahan dahil late kami sa training kaysa marinig kaming pinag-uusapan iyong magagalitin naming team captain.

Pagkatapos masiguro na mahigpit ang pagkakasintas ko sa training shoes ko ay dumiretso na kami ni Uno sa Northville gymnasium. Tinignan ko ang oras at nakitang 7:50 na ng gabi. May 10 minutes pa kami para makapunta ro'n.

"Good evening, everyone!" Bati ni Uno pagkarating namin.

Nando'n na rin iyong iba naming teammates. Halos kumpleto na sila. Pero mukhang wala pa yata sina coach.

"Hello po," bati ko sa kanila saka nag-bow nang kaunti.

"Ang tangkad na naman ng energy ni Uno. Mas matangkad pa sa 'kin!" Sabi ni Marky.

"E, 'di ang liit lang pala ng energy ko? Maliit ka lang, e."

"Gago! Kapag ikaw nasuntok ko sa mukha, ewan ko kung maliitan ka pa sa 'kin."

"Wow! Akala mo naman, abot niya iyong mukha ko!"

Nagbangayan sina Uno at Marky ro'n. Nakisali pa sina Kuya Nolan at iyong iba sabay tawanan nang malakas. Natatawa na lang din ako. Pero sa totoo lang, hindi naman iyong asaran nila iyong nakakatawa. Mas nakakaaliw panoorin iyong height difference nilang dalawa.

Jersey Number NineWhere stories live. Discover now