Chapter 2

26.6K 605 3
                                    

ALAS-DIYES na nang magtungo si Serena sa dalampasigan nang araw na iyon. Madilim pa rin ang kalangitan, malamig ang simoy ng hangin at malaki pa rin ang mga alon na humahampas sa buhanginan. Sa nakalipas na tatlong araw mula nang huli silang mag-usap ni Lola Emilia ay walang tigil ang buhos ng ulan.

Nagtungo siya sa bahagi ng dalampasigan na itinuturing niyang kanya dahil walang ibang pumupunta roon dahil mas malalim ang tubig at mabato at hindi angkop paliguan.

At tulad ng inaasahan niya ay kung anu-ano na naman ang napadpad sa buhanginan, kasama ng ilang piraso ng troso, nabaling sanga ng puno at iba pa.

Naglakad-lakad siya, alerto ang mga mata habang sinusuyod ang dalampasigan sa mga kakaibang kabibe at shells. Ilang sandali pa ay pinupulot na niya ang mga ito, kasama ang ilang di-kalakihang driftwood na itinabi niya sa tuyong bahagi ng buhangin. Ang mga shells at kabibe ay inilalagay niya sa dala niyang basket.

Malayo-layo na ang nalalakad niya at kalahati na rin naman ang laman ng basket niya nang may marinig siyang sumisiyap. Nag-angat siya ng paningin at nilinga ang paligid. Nagulat pa siya nang makita ang isang seagull na kakawag-kawag sa ibabaw ng isang bato na nasa gitna.

Hinubad niya ang sandalyas at lumusong sa tubig upang makita kung ano ang nangyari. Noon niya napuna ang isang pinong panaling tanso na pumulupot dito—na marahil ay kasama sa mga inanod dahil ang kabilang dulo niyon ay natatanaw niyang nakapaikot sa isang kahoy sa may tubig.

Marahil, sa panginginain ng ibon ay hindi sinasadyang pumulupot ang isang paa nito sa tanso at nang lumipad ay humigpit ang panaling tanso at napilitang bumaba sa ibabaw ng bato ang ibon.

Ang kahoy kung saan nakatali ang dulo ng tanso ay binabalya-balya ng malaking alon na kaya lang hindi nakalalayo ay nahaharang ng bato. Hindi magtatagal at tatangayin iyon ng alon at naiisip na niya ang mangyayari sa ibon.

Ibinaba niya ang hawak na basket at lumusong sa tubig para tulungan ang pobreng ibon. Tatlong dipa mula sa baybayin ang kinalalagyan ng bato na kung hindi malalim ang tubig ay malamang na nakausli lang iyon sa buhanginan. Malaki at malakas ang pagtaas-baba ng mga alon at bahagya rin siyang nakadama ng kaba pero hindi niya maaaring pabayaan na lang ang ibon.

Unti-unti siyang lumusong sa tubig patungo sa bato. Saka niya natantong napakalalim ng kinaroroonan ng bato dahil hanggang balikat na niya ang tubig. Maging siya ay tinatangay-tangay ng galaw ng alon at malamang na malulubog sa tubig kung hindi siya maagap na nakakapit sa bato.

Patuloy sa pagsiyap ang ibon at natuklasan niyang hindi ganoon kadaling tanggalin ang tali dahil humihigpit iyon sa paa ng ibon habang natatangay ng alon ang kahoy. Inabot niya ang tanso, ipinulupot sa kamay niya at sinikap patirin iyon. Pero bumaon lang sa palad niya ang tali at napadaing siya sa sakit.

Isang malaking alon ang natanaw niyang paparating. Nang abutin niya ang bato upang kumapit doon ay dumulas ang kamay niya. Ibinuwal siya ng alon at nabitiwan niya ang tanso paglubog niya sa tubig.

Buo ang isip, dali-dali siyang lumutang kasabay ng pag-ubo. Nakainom siya ng tubig-dagat. Matapos haplusin sa mukha niya ang tubig ay gayon na lang ang panlalaki ng mga mata niya nang makitang papalapit naman sa kanya ang isang alon—at kasama niyon ang isang putol na troso na tiyak na ikapapahamak niya kung tatama sa kanya.

Sinikap niyang umiwas at lumangoy patungo sa bato upang ipananggalang iyon. Subalit parang kay bigat ng mga paa niya. Napapikit na lamang siya at itinaas ang mga kamay para salagin kahit paano ang dumarating na troso nang mula sa kung saan ay may humatak sa kanya at muli siyang nabuwal palubog sa tubig.

Love Trap by Martha CeciliaWhere stories live. Discover now