Chapter 5

27.2K 541 6
                                    

SA NAKALIPAS na tatlong araw mula nang mag-usap sila ni Robb ay hindi pa nagtutungo sa bahay ni Lola Emilia si Serena. Abala siya sa mga orders na tinanggap mula sa iba't ibang tourist shops sa Puerto Princesa.

At dahil wala rin namang balita mula sa mga Orlando, naisip niyang maaaring napapayag ni Robb ang abuela sa gusto nitong mangyari.

Mabigat ang dibdib niya sa kaalamang iyon. Pero marahil ay hindi naman aalis kaagad ang maglola. Magkakaroon pa siya ng pagkakataong dalawin ang matanda at magpaalam dito.

"Malimit kong makitang magkasama sa Puerto Princesa ang maglola, ah," komento ni Alfred nang dumaan ito sa bahay niya bago magtungo sa shop niya sa El Nido. Kung wala siya'y ito ang tumatao sa shop dahil may mga paintings itong naka-consigned sa kanya, paintings na ito mismo ang nagpinta.

"Dapat lang," sagot niya. "Kailangang bawiin niya ang mga panahong pinabayaan niya si Lola Emilia..."

"Pinabayaan?" Umangat ang mga kilay ni Alfred. "Balita ko'y nagtagal sa ospital si Robb. At nang makalabas naman ay naging lubhang abala sa pagsusulat ng nangyari sa kanya."

"At sa inani niyang katanyagan," sarkastiko niyang sabi. Inilagay sa estante sa garahe ang natapos niya at pagkatapos ay pumasok sa loob ng bahay. "Gusto mo bang magkape?"

"No, thanks. I had breakfast. Alam mo bang pinag-uusapan si Robb ng ilang kababaihan dito sa atin?" patuloy ni Alfred. "Kunsabagay, talaga namang magandang lalaki, macho, mayaman, at sikat. Ano pa nga ba ang hahanapin mo."

"A broken heart," naiiritang sagot niya, umabot ng mug at tinimplahan ang sarili ng kape. "Kapag may pumatol na tagarito kay Robb Orlando ay sakit ng damdamin lang ang aabutin niya. Bukod sa palikero ay iiwan din siya dahil babalik ito ng Amerika."

"Bakit ganyan ang tono mo?" he asked curiously. "Hindi mo ba gusto ang apo ni Lola Emilia?"

Humigop muna siya ng kape bago sumagot. "Overbearing... arrogant... a law unto himself." Nagkibit siya ng mga balikat, muling humigop ng kape. "Bakit ka nga pala napadaan?" pag-iiba niya sa usapan.

May dinukot ito sa bulsa ng pantalon. "Nakaalis ka na kahapon nang dumating sa shop ang may-ari ng shop sa Plaza World, may repeat order ka..." Iniabot nito sa kanya ang purchase order. "Maraming turista ang nagkagusto sa dalawang huli mong ginawa, iyon bang overhead lamp na yari sa capiz at sigay at lampshade na driftwood ang base."

Nasisiyahang ngumiti siya. "Mabuti naman, dagdag- income din iyon. Hayaan mo at iyon ang uunahin ko. May mga dumating akong deliveries, kasama na roon ang sigay at capiz."

"Bakit kasi hindi ka kumuha ng permanenteng mga tauhan mo para mas marami kang nagagawa? Ano ang malay mo at makapag-export ka. Napaka-creative mo, Serena, at nagagawan mo ng ibang anyo ang mga produkto mo."

"Alam mo namang hindi ko natututukan ang trabaho dahil nga kay Lola Emilia. Kaya naman nitong nakalipas na mga araw ay sinasamantala ko na may ibang nag-aasikaso sa kanya. Kumusta naman iyong mga paintings mo?"

"You'll be glad," sagot nito, nasa mukha ang pagmamalaki. "Sa nakalipas na tatlong araw ay dalawa ang naibenta ko. May kumausap nga sa aking German. Gusto raw niya ang paraan ko ng pagpipinta. Kung magkakasundo kami ay malamang na bilhin niya ang lahat ng mga gawa ko."

Magandang balita iyon para sa kaibigan. Siya man ay pinupuri ang kakaibang istilo nito sa pagpipinta bagaman puro popular na mga tanawin sa Palawan ang subject nito.

Love Trap by Martha CeciliaWhere stories live. Discover now