Chapter 13

1.7K 86 0
                                    

Lumipas ang mga araw at unti-unti na ring nagiging komportable si Priscilla sa tabi ni Timothy pero kahit na gano'n ay pansin niya pa rin ang pag-iingat nito at hindi lumalagpas sa limitasyon. Mabait ito at hindi nagpakita ng kahit ano mang masamang motibo kahit na silang dalawa lang ang magkasama.

Madalas pa rin siyang binabangungot pero palagi ng nasa tabi niya si Timothy para pakalmahin siya. Bukod kay Timothy, mabait din ang pamilya nito sa kaniya at dahil doon ay hindi niya maiwasang matuwa.

Sa pangalawang pagkakataon, may mga taong lobo na nagparamdam sa kaniya ng pagmamahal.

"Ate Priscilla!" sigaw ni Tammy ng makita niya si Priscilla sa kusina.

"Oh bakit?" tanong niya at pinunasan ang basang kamay.

Bakas sa mukha ni Tammy ang pagkatakot na para bang may humabol ditong malaking halimaw.

"S-Si Kuya! Hinuli ng mga kawal si Kuya!" naiiyak na sabi ni Tammy.

Kumabog naman ang dibdib ni Priscilla at kaagad na pumasok sa isip niya ang nakaraan na patuloy pa rin siyang ginagambala. Wala ang mga magulang ni Timothy dahil parehas itong umalis para mangaso at mag-ani ng gulay.

"Na-Nasaan?"

Sinundan niya si Tammy palabas ng bahay at sa hindi kalayuan ay nakita niya ang mga kawal habang nakaluhod naman sa lupa si Timothy na may mga sugat sa katawan. Nag-angat ito ng tingin sa kaniya at kaagad na pumasok sa isip niya ang mukha ni Felicity bago ito tanggalan ng ulo.

Napaatras si Priscilla at nagsimula ng manginig ang katawan niya.

"H-Huwag," mahina niyang sambit.

"Miss, sumama ka saamin. Hindi ka na masasaktan ng lalaking ito. Nais kang makita ng Alpha at Luna," usal ng isang kawal.

Napailing si Priscilla.

"A-Ayoko. Bitiwan niyo siya," nanginginig niyang wika. "Bitiwan niyo siya, hindi ako sasama sa inyo."

"Miss—"

"Bitiwan niyo siya!" sigaw ni Priscilla.

Dahil sa awtoridad na naramdaman nila ay napaluhod ang mga kawal. Naramdaman naman ni Juluis at Naomi ang kapangyarihan na iyon kaya kaagad nilang pinuntahan kung saan iyon nangagagaling.

Nabitiwan ng mga kawal si Timothy kaya naman kaagad na pinuntahan ito ni Tammy para tulungan ang kapatid. Inalalayan niya itong tumayo at lumapit kung nasaan si Priscilla.

"Ti-Timothy," naiiyak na sabi ni Priscilla.

Sinisisi niya ang sarili dahil sa nangyari kay Timothy. Iniisip niya na malas siya dahil lahat ng mga taong nasa paligid niya ay napapahamak.

"Huwag kang umiyak," nakangiting sabi ni Timothy. "Ayos lang ako."

Mas lalong napaiyak si Priscilla at kasabay no'n ay ang pagdating ni Juluis at Naomi. Nagtataka sila kung bakit nakaluhod ang mga kawal hanggang sa makita nila si Priscilla na nakasalampak sa lupa habang umiiyak sa harap ng isang omega.

"Anak!" sigaw ni Naomi at lumapit kay Priscilla.

Mabilis nabaling ang tingin ni Priscilla sa estrangherong babaeng papalapit sa kaniya. Nakatingin lang siya rito. Kumakabog ang dibdib niya sa kaba dahil baka parusahan siya nito.

Mariin siyang napapikit at awtomatikong inilagay ang kamay sa ulo para protektahan ang sarili. Dahil sa ginawa ni Priscilla ay natigilan si Naomi at naiiyak na lumuhod sa harapan nito.

"Hannah," usal ni Naomi at niyakap ang anak.

Natigilan naman si Priscilla ng maramdaman ang yakap ng babaeng hindi niya kilala. Sa hindi malamang dahilan ay naramdaman niyang ligtas siya sa bisig ng babae. May kakaibang init din iyong hatid sa kaniya.

Cold Blooded.Nơi câu chuyện tồn tại. Hãy khám phá bây giờ