CHAPTER THREE

129 1 0
                                    


AGAD na nag-ayos ng sarili si Christina. Kailangan niyang puntahan si Frank sa lalong madaling panahon. Sa may likuran siya ng driver ng tricycle napaupo kaya't naliliparan siya ng napakaraming alikabok sa buhok.

Gayunman ay litaw na litaw pa rin ang taglay na kagandahan ni Christina. Nagtali lamang siya ng panyo sa ulo upang mabawasan ang pagsagap niya ng mga duming tumatalbog galing sa rough road. Bitbit niya ang isang lumang bag na naglalaman ng ilang piraso niyang damit.

Wala siyang ibang pera kundi ang nasimot niya lang sa ilalim ng papag, sapat lamang para ipamasahe sa tricycle. Ang mahalaga'y mapuntahan niya agad si Frank sa Barrio Sikat.

Ang mahalaga'y makalayo siya sa bahay nila.

"Bakit po? Anong nangyari?" tanong ng isa sa mga pasahero sa loob. Biglaan kasing huminto ang sasakyan nila. Sinubukan ulit buhayin ng driver ang makina pero ayaw talagang gumana niyon.

"Naku, Ma'am. Mukhang nasiraan po tayo," sagot ng driver sa ale. Madalang pa naman ang transportasyon sa kanilang lugar. Kadalasan, ginagamit pa iyong mga service.

Wala ring may sasakyan sa paligid. Napatigil pa sila sa lugar na kokonti ang bahayan. Malayung-malayo pa naman kung lalakarin niya hanggang Barrio Sikat dahil nasa Sitio Parang pa lamang sila.

"Manong, matatagalan pa ba 'yan?" tanong muli ng ale.

"Naku, hindi ko ho sigurado, e," paliwanag ng driver.

Napabuntong hininga na lamang si Tina. Wala siyang magagawa kundi ang maghintay. Ang tindi pa naman ng sikat ng araw. Nakakaramdam na siya ng uhaw at gutom dahil hindi na niya nagawa pang magkape man lang bago umalis ng bahay.

"Manong, may alam po ba kayong malapit na tindahan dito?" tanong ni Christina sa driver.

"Ah, nakikita mo ba 'yong berdeng bahay na 'yon? Sa likod no'n, meron doong bilyaran. May mga nagtitinda roon."

Nadatnan nga ni Christina ang isang maliit na kubo roon na sinabi ng driver. Sa loob niyon ay nagkukumpulan ang mga kalalakihang nawiwili sa pagbibilyar. Napakaiingay ng mga ito.

"Ah, ate, may tinda po ba kayong ice tubig? Pabili naman po ng isa," bungad ni Christina sa tinderang nandoon.

"Meron. Tres ang isa. Kukuha lang ako sa loob ha, Ineng."

"Sige, ho."

Iniabot niya ang tatlong-pisong barya sa ale. Beinte-siyete pesos na lang ang natira sa pera niya. Pero sapat na 'yon para makarating siya ng Barrio Sikat at muling makasama ang kasintahang si Frank.

Nagitla siya nang bigla na lamang may humawak sa kanyang balikat. Napalingon siya upang tingnan kung sino 'yon.

"Christina?"

Walang iba kundi si Mario, ang kanyang amahin. Nanlamig ang buong katawan ni Christina nang makita si Mario. Natigilan siya.

Hindi maaari!

"A-ano pong...ginagawa n'yo d-dito, Itay? 'Di ba, may trabaho kayo sa—

Nagkakabuhol-buhol na nga ang pagbigkas ni Christina at hindi na siya makapagsalita nang maayos dahil sa gulat. Hindi niya inaasahang magtatagpo sila ng amahin sa lugar na iyon.

"Hindi ba dapat ikaw ang tanungin ko nyan? Ano ang ginagawa mo rito? At ano yan?" Itinuro nito ang bitbit niyang bag. "Bakit may dala kang bag?"

Hindi maaari. Hindi niya maaaring malaman ang pinaplano ko. Hindi pwede!

"Bakit hindi ka makasagot? Saan ka pupunta?"

Nanggigipit na ang kanyang ama. Nananatili siyang walang imik at mataman lang siyang nakatitig dito. Hindi niya puwedeng sabihing pupunta siya sa kabilang barangay. Nahalata niya ang pagbabago ng hilatsa ng mukha ng ama.

"Hindi bale na, Tina. Wala naman akong pakialam kung saan ka galing o kung saan ka papunta. Mabuti na ring nandito ka na. Sabay na tayong pupunta sa mansyon. Sinabi ni Don Mateo na ngayong araw ka na susukatan ng damit pangkasal. Sa Martes na kayo ikakasal sa simbahan."

Hindi ako makakapayag! Hindi ako papayag na maikulong sa taong hindi ko mahal!

"Pero, Itay—

"Anong pero-pero! Sasama ka na sa akin ngayon papunta sa hacienda. Huwag ka nang mag-inarte!"

"Hindi—

Isang malisik na titig ang pinakawalan ni Mario sa kanya. Napatigil tuloy ang mga kalalakihang naroroon at napunta ang atensyon sa kanilang dalawa.

"Sasama ka sa akin nang maayos, o kakaladkarin kita?"

Naagaw nito ang bitbit niyang bag dahil sa malakas na pwersa nito sa paghigit sa kanya. Kung hindi niya binitawan ang bag ay marahil nakaladkad na rin siya sa lupa.

Frank, patawarin mo ako.

PinagtaksilanWhere stories live. Discover now