CHAPTER FIVE

124 2 0
                                    


NAGULAT si Frank sa mga malalakas na pagkalabog sa kanyang pintuan. Nagigimbal na nga ito dahil sa malakas na pwersang nanggagaling sa labas. Yari lang 'yon sa mga biniyak na kawayan kaya madali iyong bumigay. Maya-maya pa'y may narinig siyang sumigaw.

"Frank, pakiusap, buksan mo ang pinto! Frank!"

"Christina!?"

Nabitawan na niya ang hawak na kutsilyo at iniwan na niya ang mga nililinisang mga isda sa planggana. Lulutuin niya sana iyon para sa tanghalian. Patakbo siyang tumungo sa pinto upang pagbuksan ang kasintahan. Nabungaran ni Frank ang balisang si Christina.

"Bakit? Anong nangyari?"

Mababanaag sa mukha ni Frank ang labis na pag-aalala para sa kasintahan nang makita niya ang kalagayan nito. Sa halip na sumagot ay mabilis na sumunggab sa kanya si Christina at ikinulong siya sa isang mahigpit na yakap.

Parang yakap ng isang batang naghahanap ng karamay. Pahigpit nang pahigpit ang pagyapos sa kanya ni Christina. Parang ayaw na nitong humiwalay pa sa kanya. Maya-maya pa'y narinig niyang umiiyak na ito.

"Ano ba ang nangyari? May problema ba?" mga tanong pa rin niya habang hinihimas ang likod ng kasintahan upang mapatahan ito sa pag-iyak. Nakalimutan na niyang malansa at madumi pa ang kanyang mga kamay.

Sisigok-sigok pa rin si Christina. Saglit itong kumawala sa pagkakayakap at tumitig sa kanya habang wala pa rin itong tigil sa pagluha. "Frank, patawarin mo ako..."

"Ha? Hindi kita maintindihan."

"Patawarin mo ako dahil nagsikreto ako sa'yo. Ipinagkasundo ako ni Itay kay Alden Mateo. Ipinipilit niya akong ipakasal kay Alden. Tumakas lang ako sa mansyon para makalayo sa kanila!"

Nanlaki ang mga mata ni Frank sa narinig mula sa kasintahan. Hindi niya akalaing aabot sila sa ganoong klaseng senaryo. Alam naman ng mga magulang ni Christina ang kanilang mahigit tatlong taon nang relasyon. Ngunit aminado si Frank na noon pa man ay hindi siya gusto ni Mario para kay Christina.

"Ano? Kailan pa nangyayari ito, Tina? Bakit hindi mo sinabi sa akin ang tungkol dito?"

"Hindi ko alam ang gagawin ko, Frank! Patawarin mo ako kung hindi ko sinabi sa'yo. Ayaw kong mag-alala ka. Ayaw kong madamay ka sa gulo!"

Sumunggab na muli ng yakap si Christina sa kanya saka muling umiyak. Nanginginig na ang buong katawan nito dahil sa matinding emosyon. "Frank. Ayaw kong pakasal sa kanya. Hindi ako magiging masaya sa kanya dahil ikaw ang mahal ko!"

Damang-dama niya ang sinseridad sa mga salita ni Christina. Damang-dama niya na mahal na mahal talaga siya nito. Kaya't nauunawaan niya kung gaano kasakit at kabigat ang pinagdaraanan nito nang mga sandaling 'yon.

Kumalas muli ito sa kanya. Hinaplos-haplos ang kanyang mukha ng dalawang palad. "Mahal mo rin ako hindi ba? Di ba, Frank? Mahal mo rin ako?" paulit-ulit na tanong sa kanya ni Christina habang nakatitig sa kanyang mga mata. Bakas na bakas sa mata ni Christina ang pagmamakaawang sabihin niya na mahal niya rin ito.

Pinunas niya ang mga luhang umaagos sa pisngi ng dalaga. "Oo, Mahal na mahal din kita. At hindi ako papayag na paglayuin tayo ng kahit sino."

"Frank, umalis na tayo dito! Kalimutan na natin lahat. Magpakalayu-layo na tayo!"

Nabigla siya sa mga sinabing 'yon ni Tina. "Saan naman tayo pupunta?"

"Kahit saan, Frank. Kahit saan! Basta't kasama kita! Basta makalayo tayo sa lugar na ito. Sa hindi tayo mahahanap ng kahit na sino. Sa walang pwedeng manggulo sa pagmamahalan natin!"

Hindi niya alam kung ano ang isasagot sa kasintahan. Labis siyang nabigla dahil sa tindi ng mga nangyayari. Pero isa lang ang sigurado niya, mahal na mahal niya si Christina.

"Ano, Frank?"

"Sige! Sige, aalis tayo sa lugar na ito. Hindi ko hahayaang may mga taong mananakit sa 'yo. Ipaglalaban kita hanggang sa huli, Christina!"

Puso na niya ang nagdesisyon. Wala nang makakapigil pa sa kanila. Ginawaran ng isang halik ni Frank sa noo si Christina at mabilis na kumilos papasok para maghanda ng mga gamit.

BASANG-BASA na ng pawis si Anna habang binabagtas ang daan pabalik ng kanilang bahay. Sunong niya sa kanyang ulo ang isang batyang naglalaman lahat ng kanilang damit na nilabhan habang bitbit niya ang isang timbang naglalaman ng mga sabon at iba pang gamit panglaba. Gaya ng mga katatapos lang ding maglaba sa ilog, para silang mga nagpuprusisyon sa daan.

"Tanghali na. Nakapagsaing na kaya si Tina? Baka nagmumukmok pa rin ang batang 'yon?" bulong ni Anna sa sarili nang makadating na siya sa tapat ng kanilang bahay. Ibinaba na niya ang mabibigat na dala sa haligi ng kubo at hinubad ang itim na bota saka pumasok sa kabahayan.

Napakatahimik ng bahay pagpasok niya. Parang wala pa ring ipinagbago mula ng iwan niya kaninang umaga. Hindi pa nalilinis ang sahig at nakakalat pa ang mga upos ng sigarilyo ng kanyang asawa. May mga pinggan at baso pa sa sala at magugulo ang mga nakasalansang kahon.

"Tina?" tawag niya sa anak. Walang sumagot sa kanya. "Tulog pa ang batang 'yon hanggang ngayon?"

Tumungo siya sa kwarto nito para gisingin ito.

"Tina—

Paghawi niya ng kurtina ay tumambad sa kanya ang mga naglaglagang unan at ang hindi pa natitiklop na kumot, magulong higaan, at magulong kwarto. Wala sa higaan si Tina.

Nakabukas ang pinto ng aparador nito at wala ang ilang gamit nito doon. Naglaho na rin ang beinte pesos na napansin niyang nakapatong sa tokador. Nakabulatlat ang alkansya sa ilalim ng papag.

Saan nagpunta ang batang 'yon?

Tiningnan din niya ang likod-bahay sa pagbabakasakaling nasa palikuran lamang ito. Ngunit wala rin siyang namataang bakas ng anak roon. Doon na siya nagsimulang mag-isip na baka naglayas na ito nang dahil sa nangyari kagabi. Kinabahan na siya.

Mabilis siyang nagtungo sa mga kalapit-bahay para magtanong kung sakaling napansin nila si Christina. Ngunit wala ni isa man sa mga ito ang nakapansin o nakakita man lang sa kanyang anak.

"Yan na nga ba ang sinasabi ko kay Mar!"

Binagtas na niya ang kahabaan ng kalsada at nagtanong-tanong pa sa mga bahay-bahay kung nakita nila ang kanyang anak. Ngunit sa halip na si Tina ang mahanap, ang kanyang asawang si Mario ang kanyang nakasalubong. Humahangos ito at galit na galit.

"Mar?"

Hinarang niya ang asawa sa gitna ng daan.

"Ano ba Anna? Tumabi ka d'yan sa dinadaan ko! Nasaan ang anak mo ha? Ang magaling mong anak! Tumakas siya sa mansyon at binastos niya si Alden! Walang-utang na loob!"

Nanggagalaiti na si Mar sa sobrang galit. Binubunggo na siya nito para mapatabi siya sa daan. Dahil doon ay naitulak niya ang asawa para dumistansya siya mula rito.

"Kasama mo si Christina kanina? Nasaan na ang anak mo?"

"Bakit mo ba sa akin tinatanong? Di ba't ako dapat ang magtanong sa'yo niyan? Dahil alam ko, sa mga oras na ito, itinatago mo na ang anak mo! Kaya padaanin mo ako!"

"Mar, makinig ka sa'kin!" Hinampas ang balikat ng asawa. "Naglayas ang anak mo!"

"Ano? Wala siya sa bahay?" nagulat din si Mar sa narinig sa kanya.

"Kung hindi mo siya ipinipilit na magpakasal sa Mateo na 'yan hindi maglalayas ang anak natin! Kasalanan mo 'to!" Pinagbayo niya ng malalakas na hampas ang asawa dahil sa tindi ng pag-aalala sa anak.

"Bwisit, Anna. Nasasaktan ako! Kasalanan mo ito. Dahil pinalaki mong walang-utang na loob ang anak mo!" Huminga nang malalim si Mario. Inayos nito nang bahagya ang suot na damit.

"Hindi makakatakas sa'kin yang anak mo! Sa oras na makita ko siya, ako mismo ang kakaladkad sa kanya sa altar para pakasalan si Alden Mateo!"

PinagtaksilanWhere stories live. Discover now