CHAPTER ELEVEN

101 2 0
                                    


MASAKIT ang ulo at buong katawan ni Christina pagkagising niya. Pero pinilit niyang bumangon. Wala na si Alden sa katabi niya. Mahigit alas-otso na ng umaga ang oras na nakarehistro sa digital clock sa bedside table.

Sinilip niya ang sarili sa ilalim ng kumot at napagtantong panty lang ang suot niya ng mga sandaling 'yon. Inilinga niya ang kanyang paningin at nakita ang bra sa sahig, sa ibabaw ng 'wasak' niyang wedding gown.

Naihilamos na lang niya ang dalawang palad sa kanyang mukha dahil sa pagsisisi at kahihiyan. Gumuhit sa kanyang isipan ang pigura ni Frank na nandidiri sa kanya at tila 'nanonood' habang nagniniig sila ni Alden.

Anong klaseng kahibangan ba ang nagawa niya?

Nagawa niyang pagtaksilan ang lalaking mahal niya. At sa anong dahilan? Para sa kalayaan nito? Sa kaligtasan? Pinagtaksilan niya si Frank para sa sarili nitong kapakanan?

Hinayaan niya si Alden na pansamantalahan siya. Ngunit may laban nga ba siya?

Kasal siya sa mismong 'nanamantala' sa kanya. At maituturing nga bang pananamantala ang lahat ng nangyari kung sa bandang huli'y naanod na siya?

Nakuyumos niya ang kobre-kama dahil sa galit at pagsisisi. Paano niya ipapaliwanag ang lahat ng ito kay Frank? Paano siya mapapatawad ni Frank sa ginawa niya kung hindi niya kayang patawarin ang mismong sarili niya?

Paano niya haharapin si Frank?

May mukha pa nga ba siyang ihaharap dito pagkatapos ng lahat?

Sinubukang iwaksi ni Christina ang mga isiping iyon sa pamamagitan ng paglulunod ng sarili sa shower sa kuwarto. Itinodo niya ang lakas ng tubig na tumatama sa kanyang kahubdan sa pag-asang malilinis niyon ang lahat ng kababuyan at karumihang ginawa niya sa nagdaang gabi.

Iyon sana ang pinakamagandang lokasyon at pagkakataon para magsisigaw at umiyak. Pero tila paos at tuyot na si Tina. Pagod na siyang sumigaw at umiyak. Isa pa, mababago pa ba niyon ang sitwasyon niya?

Nagdesisyon si Christina na kailangan niyang makita at makausap si Frank sa lalong madaling panahon. Dali-dali siyang nagbihis at nag-ayos ng sarili. Gagawa siya ng paraan para makalabas ng hacienda.

Pero bigo siya. Dahil sa pagbukas niya sa pinto ng kuwarto, sinalubong na agad siya ng dalawang maid. Hindi niya masabi kung nagkataon lang o sadyang kanina pa nakaabang ang mga ito sa paglabas niya.

"Magandang umaga po, seńorita," bati ng mga ito sa kanya.

"Magandang umaga din po," alanganing sagot ni Tina. Hindi siya sanay na matawag sa ganoong klaseng pangalan. "Kanina pa po ba kayo 'dyan? Bakit 'di kayo kumakatok?" curious na tanong ni Christina.

"Utos po ni sir Mateo na hintayin ka naming lumabas. Mahigpit niyang pinagbawal na kumatok," sagot ng katulong.

Napabuntong-hininga na lang si Christina.

"Hinihintay ka na po nila sa may veranda para sa almusal. Kanina pa sila doon," pagpapatuloy nito.

Sila?

Kinabahan si Christina. Sino ba ang tinutukoy nito?

Pagdating niya sa veranda, naabutan niya roon si Alden na nakaupo na sa isang mahabang lamesa. At sa kabisera niyon ay nakaupo ang ama ni Alden na si Franciso Mateo.

Ang lagkit ng titig nito sa kanya kaya't nag-iwas na siya agad ng tingin rito. Pagkatapos ng seremonyas sa simbahan ay hindi na niya muling nakita pa si Don Mateo. Wala rin ito sa naganap na reception kaya't ito ang kauna-unahang pagkakataon na magkakasama sila sa iisang mesa.

"Finally! You're awake!" Maaliwalas ang mukha ni Alden at nginitian pa siya nito. Tumayo pa nga ito sandali para salubungin siya ng banayad na halik sa labi at ihatid siya nito sa kanyang upuan.

"G-good morning po," nag-aalangang bati ni Christina kay Don Francisco. Titig lang ang isinagot sa kanya ng matanda. Pakiramdam niya'y binalutan siya ng nakakaasiwang hangin dahil doon.

"Come on, let's eat, I'm starving," basag ni Alden sa katahimikan.

Ipinokus na lang lahat ni Christina ang atensyon niya sa pagkain. Pilit niyang iniiiwas ang kanyang paningin sa dalawang lalaking nasa harapan niya. Kung puwede nga lang ay hinihiling niyang maglaho na lang siya ng mga sandaling 'yon.

Kaya't ikinagulat niya nang bigla siyang kausapin ni Don Mateo.

"So, what are you going to do, Christina?"

Hindi nakapagsalita si Christina. Hindi niya naintindihan kung ano bang ibig sabihin ng matanda. Nakita niyang bumaling sa kanya si Alden.

"Ang sabi ko, ano nang gagawin mo? You're married now. " Ulit ni Francisco. "Dito ka lang ba sa mansyon, o may balak kang magtrabaho?"

Humugot ng hininga si Tina bago sumagot.

"Tungkol po d'yan, magpapaalam po sana ako. Pupunta ako ngayon sa pinagtatrabahuhan kong restawran sa bayan. Itatanong ko kung puwede pa akong bumalik na serbidora."

Isang pagak na tawa ang pinakawalan ni Don Mateo. "Serbidora? Nagpapatawa ka yata, hija..."

Nasaktan si Christina sa ikinilos na iyon ni Don Mateo. Ramdam niya ang panghuhusga at panghahamak nito sa kanya. Pero ano nga bang magagawa niya?

High school lang ang natapos niya. Pero proud siya sa trabahong iyon dahil nasuportahan niyon ang pamilya niya. Isa pa, doon din niya nakilala si Frank.

"Dad, enough," pagsabat ni Alden. Tinitigan siya ng asawa at hinagap ang kamay niya. "Tina, you don't need to work for that bar anymore. Starting today, you can be whoever you want to be."

"Pero kailangan—

Hindi naituloy ni Christina ang sasabihin niya dahil nagsalitang muli si Alden. "Tatay Mario told me na pangarap mong maging chef. You can enrol as early as next month. I'll help you reach that dream. You're my wife now. I want you to be happy."

Hindi nakapagsalita si Christina sa mga sinabi ni Alden sa kanya. Naramdaman niya ang sinseridad sa mga salita nito. Aminado siyang bahagya siyang humanga rito sa mga sandaling iyon. Ibang-iba ang Alden na kaharap niya ngayon. Malayung-malayo sa kilala niyang Alden na manipulative, agresibo, at control freak.

Hindi na nagsalita pa si Don Francisco. Sa halip, isang seryosong pagtitig ang pinakawalan sa kanya nito. Hindi niya tuloy naiwasang mangamba dahil dito.

Nagpatuloy pa si Alden sa pagsasalita. "As a newly married couple, I want to enjoy it as much as possible. Dad, I'm taking some time off managing the company. Don't worry, it's just a week. Tina and I are just going for our honeymoon. We're leaving tomorrow for Cebu."

Nagulat si Christina sa narinig. Anong gagawin niya? Paano na ang plano niyang puntahan si Frank?

PinagtaksilanWhere stories live. Discover now