CHAPTER NINE

92 1 0
                                    


ONE MONTH LATER

Sabi nila, ang araw ng kasal ang pinakahihintay at pinakapinapangarap ng bawat isang dalaga. Dahil iyon raw ang simula ng pagpuno ng kanyang pagkababae kasama ang lalaking pinakamamahal. At wala ka raw ibang mararamdaman kundi langit at kaligayahan.

Pero para kay Christina, ang kabaliktaran niyon ang nararamdaman niya ngayon. Dahil kung maaari lang, sana'y hindi na matuloy ang araw ng kanyang kasal. Hinding-hindi niya ito hinintay. At lalong hindi niya ito pinangarap.

Dahil hindi naman siya ikakasal sa taong mahal niya, kundi sa mismong taong sumira ng buhay niya. At wala siyang ibang nararamdaman kundi pighati. Kung papipiliin nga siya sa pagitan ng kasal kay Alden Mateo o ang sunugin siya sa impyerno, impyerno ang mas pipiliin niya.

Pero wala na siyang magagawa—naglalakad na siya patungo sa harap ng altar. At sa dulo niyon, naghihintay si Alden Mateo.

Pakiramdam ni Christina, napakabigat ng kanyang buong katawan. Halos hirap siya sa bawat paghakbang. Bukod sa paghihirap niya sa suot niyang wedding gown at high heels, ay ang napakaraming mga matang nakapukol sa kanya sa loob ng simbahan. Partikular na sa angkan ng mga Mateo, na sa titig pa lang, nahusgahan na siya.

"Ikaw, Alden Acuzar Mateo, tinatanggap mo ba si Christina Baltazar Marquez, bilang iyong kabiyak habambuhay?"

Kanina pa lumilipad ang isipan ni Christina, at hindi niya namalayang nasa ganoong bahagi na sila ng seremonya. Hinagap ni Alden ang kanyang kamay at ngumiti.

"Opo, Father."

Isinuot nito sa kanya ang singsing. Nag-iwas siya ng tingin sa mapapangasawa. Hindi niya kayang tingnan ito sa mukha habang sinasabi rito ang kasinungaling panghabambuhay niyang pagsisisihan.

"Ikaw, Christina Baltazar Marquez, tinatanggap mo ba ang binatang ito bilang iyong kabiyak habambuhay?"

Pagkarinig ng mga salitang iyon, tila nablangko ang utak ni Christina at wala na siyang alam na anumang salita. Hindi niya magawang igalaw man lang ang kanyang mga labi. Tila may malamig na hanging humihip at nanigas na ang kanyang buong katawan.

Handa na nga ba siyang pasukin ang impyernong siya mismo ang gumawa para sa sarili niya?

"Inuulit ko, tinatanggap mo ba si Alden Mateo, bilang iyong kabiyak habambuhay?"

Napalingon si Christina sa may bahagi kung saan nakaupo ang kanyang ina. Nakita niya ang mukha nitong puno ng pag-aalala.

At sa paglingon niyang iyon, isang hindi inaasahang tao ang nahagip ng kanyang mga mata. Habol nito ang hininga nang huminto ito sa bukana ng simbahan. Bagama't malayo ang kanilang distansya, hindi maaaring magkamali ang itinitibok ng puso niya.

"Frank?!"

NAGING maaliwalas ang mukha ni Frank nang makita niyang lumapit ang pulis sa kinaroroonan ng kanyang selda. Agad niya itong sinalubong sa likod ng kanyang rehas.

Sa loob ng isang buwan niyang paghihintay, hindi siya nagsawang umasang makatatanggap din siya ng magandang balita. Na sa wakas, muli niyang masilayan si Christina.

"Boss, magandang balita ba? May dalaw ba ako ngayon?"

Nginitian siya nito habang isinusuksok ang susi sa kandado ng kulungan. "Mas magandang balita pa kaysa sa inaasahan mo."

Binuksan nito ang selda. "Iniurong na ni Mister Mateo ang kaso laban sa'yo. Laya ka na, Castillo."

Pagkarinig ni Frank sa anunsyong 'yon mula sa pulis, hindi pa rin niya magawang magdiwang. Pakiramdam niya ay mayroong mali sa mga nangyayari. Lumipas ang isang buwan, ngunit hindi man lang siya nagawang dalawin ni Christina.

PinagtaksilanTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon