CHAPTER FOUR

122 2 0
                                    


NANDIDIRI si Christina sa bawat pagdampi ng daliri ni Alden sa kanyang balat. Hinihimas-himas nito ang kanyang balikat at parang gusto na siya nitong halikan. Iniiwasan niya ito ngunit pilit pa rin nitong inilalapat ang palad sa kanyang balikat.

"Nagustuhan mo ba, ha? Mahal ko?"

Sinadya nitong ibulong ang mga salitang 'yon sa kanyang tenga para mailapit nito ang mukha kay Christina. Bahagya pa nga siyang napakislot dahil sa init ng hininga ni Alden na dumampi sa kanyang batok.

Nangingintab ang kanyang suot na wedding gown. Mukha siyang mayaman habang suot iyon. Para siyang isang tunay na reyna. Litaw na litaw roon ang hubog ng kanyang magandang katawan at makinis na kutis. Napakaelegante ng kanyang repleksyon sa salamin.

Oo, gusto niya ang damit-pangkasal na iyon.

Naglaro pa nga sa kanyang imahinasyon na naglalakad siya patungo sa altar at naghihintay sa unahan ang lalaking pinakamamahal niya.

Walang iba kundi si Frank.

Pero hindi.

Dahil ibang lalaki ang ipinagpipilitang isiksik sa puso niya ng mismong taong akala niyang unang susuporta sa kanya. Pero ano nga bang magagawa niya laban sa amahin na si Mar? Hawak nito ang leeg niya.

Sa totoo lang, gusto na niyang wasakin ang gown na 'yon. Para hindi na matuloy ang nakatakdang kasal. Para hindi na mangyari pa ang naghihintay na bangungot sa kanyang buhay.

"What can you say, Christina? May gusto ka bang ipabago?"

Narinig niyang tanong muli nito. Lalong inilalapit nito ang mukha sa kanya kahit pa nagpaparamdam na siya ng pag-iwas rito.

Umiling lang si Christina. Walang anumang malinaw na salita ng pagsang-ayon o pagsalungat. Pilit na inilalayo ni Christina ang kanyang ulo upang hindi niya maamoy ang hininga ng binata at ang init niyon na halos sakupin na ang kanyang batok. Hindi na niya kaya pang tiisin ang nakakaasiwang pakiramdam na 'yon.

Ngunit laking gulat niya nang hapitin siya nito sa beywang.

"I can't wait for our wedding day, Christina."

Nakita niya ang sariling repleksyon at ang mukha ni Alden sa salamin habang ganoon ang ayos nila. Ang tamis ng mga ngiti nito habang sinisipat ang napakagandang alindog ni Christina sa repleksyon. Sa tagpong iyon, sukang-suka na siya. Kung pwede lang sana ay maglaho na siyang parang bula.

"May problema ba?" tanong sa kanya ni Alden nang mapansin nitong iniiwasan niya ito.

"Wala," mahina niyang bulong.

"Okay."

Binalingan ni Alden ang mga organizers at designers na naroon. "Make sure that Christina is beautiful for our special day."

Binalingang muli ni Alden si Christina." Would you mind if I ask you to tour here in the mansion? Para masanay ka na dito. This will be your home. Our home."

"Sir Mateo?"

Nakisingit sa usapan ang kanyang ama na abot langit ang ngiti. Ngumisi si Alden sa kanyang amahin.

"From now on, Alden na lang po ang itawag n'yo sa akin. At Tatay na po ang itatawag ko sa inyo. Magiging pamilya na po tayo, hindi ba? Ok po ba 'yon...Tatay Mar?"

"Sige...Alden."

"Gusto ko po sanang masolo muna ang inyong anak kung pwede? Maglilibot-libot lang kami dito sa Hacienda. Ok lang po ba?"

Naiinis na talaga siya sa istilo ni Alden. Alam naman nitong hindi naman makakatanggi ang kanyang ama ngunit tanong pa ito nang tanong. Gusto marahil nitong palabasin na kapag ang ama niya ang nagsabi, hindi siya makakaangal.

"Walang problema. Sige, mauna na ako. Magpapakain pa ako ng mga kabayo." Binalingan siya ng ama. "Christina, iiwan na kita dito. Ayusin mo ang pakikitungo mo kay Alden ha?"

Ano pa nga bang magagawa niya?

"So, Christina? Come on? Ipapasyal kita dito sa buong mansyon."

Nahigit na siya nito sa kanyang kanang kamay. Mahigpit ang pagkakahawak nito sa kanya. Magpumiglas man siya. Magwala man siya. Ilang beses man niyang isiping na hindi na niya kayang tagalan ang sitwasyon, wala siyang magagawa kundi magtiis hanggang matapos ang kinasasadlakan niyang 'parusa'.

Para lamang siyang isang tuyong dahon na nililipad ng malakas na hangin; walang karapatang makapagreklamo.

Habang inililibot siya ni Alden sa lugar, wala naman doon ang atensyon niya. Oo, napakalawak ng lugar. Maganda ang kabuuan ng bahay. Kahit sinumang mahirap na kagaya niya ay papangaraping makatira sa ganoon kalaking 'palasyo'.

Ngunit hindi niya kayang maging masaya, kahit pa pinipilit siyang pasayahin ni Alden. Kahit pa binubusog siya nito sa mga kamangha-mangha at mararangyang bagay na maaari niyang matamasa sa piling nito.

Isa nga ba siyang malaking mangmang kung kailanma'y hindi niya magawang tanggapin ang mga bagay na iyon? Oo, wala siyang ibang pinangarap kundi maiahon ang pamilya sa kahirapang kinasasadlakan. Pero kailanman, hindi niya kayang ipagpalit ang sariling puri para makamit ang pangarap na 'yon.

"Ito naman 'yung fishpond ko dito. Ako mismo ang nag-aalaga sa mga isdang 'yan," pagmamalaki ni Alden. Kasalukuyan siya nitong dinala sa isang miniature forest na si Alden mismo ang nagdisenyo.

Nakatayo sila sa gitna ng tulay habang nakahawak sa lubid ng hanging bridge na naroon. Tahimik ang paligid dahil silang dalawa lang ang naroon. Maririnig lamang ang agos ng tubig sa sapa at ang mga huni ng alagang ibon sa hawla sa mga kalapit na puno.

"May problema ba? Kanina ka pa hindi nagsasalita? Gusto mo bang bumalik na tayo ng mansyon?"

Sa pagkakataong 'yon, isang seryosong titig ang pinakawalan niya sa binata. Iyon na ang tamang pagkakataon para makausap niya ito.

"Ano ba talagang gusto mong mangyari?"

Naibulalas ni Christina ang mga salitang 'yon. Buo at matapang ang kanyang tinig.

"Mangyari. Mangyari saan?"

"Ano ba talagang pakay mo sa pamilya namin? Sa akin? Bakit mo ako pakakasalan?"

"Dahil mahal kita, Christina."

Napatawa nang mapakla si Christina.

"Mahal? Paano mo ako minahal? Hindi mo nga ako kilala! Ganyan na ba talaga kababa ang tingin ninyong mga mayayaman sa aming mga mahihirap? Na kapag may bigla kayong nagustuhan, akala n'yo mabibili n'yo na ang lahat?"

Hindi nakasagot si Alden.

"Pakiusap, Alden, huwag mong sirain ang buhay ko!"

Hinablot siya nito sa braso. "I want you, Christina. Madly! And you're going to marry me whether you like it or not!"

"Nababaliw ka na!"

Nagtangka si Alden na siilin siya ng mapusok na halik. Buti na lang at naitulak niya ito at nakawala siya rito. Kung hindi ito nakapagbalanse, marahil ay nahulog na ito sa sapa. Mabilis siyang nagtatakbo para makatakas sa lugar na iyon.

PinagtaksilanTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon