CHAPTER SEVEN

106 1 0
                                    


WALANG anumang salitang namagitan kina Christina at Frank habang magkatabi sila sa upuan ng bus. Napilitan si Frank na sundan si Christina nang sumakay ito sa bus na sa San Celestino ang destinasyon.

Halos kalahating oras na nilang binabagtas ang daan at may dalawang oras pa sila bago marating ang bayang iyon. Kahit papaano'y nakahinga nang maluwag si Frank dahil nagtagumpay silang makalayo mula kay Alden at sa mga magulang ni Christina.

"Sorry, Tina," pagbasag ni Frank sa katahimikan sa pagitan nila ni Christina. Humarap ang dalaga sa kanya at nakita niyang kanina pa pala may nagbabadyang mga luha sa mga mata nito. Tuluyan na itong bumagsak. Pinunas iyon ni Frank gamit ang kanyang mga daliri.

"M-mahal na mahal kita, Frank," nasambit na lang ni Christina sa kanya saka nila pinagsaluhan ang isang mahigpit na yakap. Hindi man eksaktong sinabi ni Christina, alam niyang napatawad na rin siya ng dalaga sa ginawa niya. Aminado si Frank na halos mawala na siya sa kanyang sarili nang mga sandaling iyon. Ngunit wala siyang pinagsisisihan. Gagawin niya ang lahat para kay Christina.

Hindi napansin ni Christina na nakatulog na pala siya sa may balikat ni Frank. Pero bumalik siya sa kamalayan nang maramdaman niyang huminto ang sinasakyan nilang bus. Nagtaka ang lahat kung ano ang nangyari hanggang sa magsalita ang driver.

"Nasiraan ho tayo."

Umalingawngaw ang pagrereklamo ng mga pasahero sa loob. Halos isang oras pa kasi ang tatakbuhin ng bus bago makarating ng San Celestino. Sa kamalas-malasan, sa liblib at masukal na lugar pa nasira ang sasakyan at walang masyadong bahayan sa paligid.

Hindi na nakatiis ang ibang pasahero at bumaba na ang iba sa bus. Nagdesisyon na rin si Frank na gayahin ang mga ito. Niyaya na niya si Christina na bumaba.

"Anong gagawin natin?" nag-aalalang tanong ni Christina kay Frank.

Napabuntong-hininga ang binata. Hindi sila puwedeng magpakakampante. Nakalayo nga sila sa Barrio Sikat, pero alam niyang hindi titigil si Alden Mateo o ang ama ni Christina hanggang hindi sila nahahanap. Hindi na nila maaari pang hintaying maayos ang bus.

Pero mukhang pumapabor pa rin kay Frank ang tadhana. Saktong may dumaang truck na magdedeliver ng mga kataying baboy. Hinarang iyon ni Frank. Sa una'y ayaw pang pumayag ng driver pero sa huli'y nakumbinsi na rin niya itong isabay sila papuntang San Celestino kapalit ng kaunting halaga.

Napatawa na lang ang dalawa sa isa't isa matapos nilang mapagtanto ang kasalukuyan nilang sitwasyon. Nakasalampak sa putiking likod ng truck kasama ng mga mababaho at maiingay na baboy.

Pero hindi nila iyon alintana. Kung tutuusin, para sa kanila, hulog ng langit ang mga baboy na iyon. Dahil sa mga ito, tuluyan na silang makakalayo sa mga taong gustong manakit sa kanila.

Ang mahalaga'y magkasama silang dalawa.

TUMULOY sa isang mumurahing motel sa bayan ng San Celestino sina Frank at Christina para pansamantalang magpalipas ng gabi at makapagpahinga. Bukas na bukas rin ay maghahanap na agad sila ng apartment na pansamantala nilang matitirahan. Kailangan niya ring makahanap ng mapagkakakitaan dahil biglaan ang naging desisyon nilang pagtatanan ni Christina. Hindi sapat ang hawak niyang pera.

"Oh, ito Tina, para magkaroon ng laman ang sikmura mo."

Iniabot ni Frank kay Christina ang binili niyang cup noodles sa convenience store saka naupo sa katabi ng dalaga. Bumaling ito sa kanya at napansin niya sa mukha nito ang pag-aalala.

"Paano ka?"

Ngumiti si Frank. "Ayos lang ako. Kumain na ako ng balut sa labas kanina. Huwag mo akong alalahanin."

"Maraming salamat, Frank. Hindi ko alam ang gagawin ko kung wala ka."

May namuong luha sa mga mata ni Christina at napapahikbi na naman ito. Buti't maagap si Frank at hinimas niya ang pisngi ng dalaga. Dinama ang init sa balat nito.

"Hindi kita iiwan, Tina."

Senelyuhan ni Frank ang pangakong iyon sa pamamagitan ng isang saglit at banayad na halik sa labi ni Christina. Ngunit hindi 'yon naging sapat para sa dalaga. Inilapag niya ang hawak na cup noodles sa ibabaw ng lamesita sa gilid ng kama.

Para kay Christina, makakapaghintay naman ang cup noodles. Ayos lang na lumamig ito. Pero hindi niya maaaring palamigin ang init na kasalukuyan niyang nararamdaman para kay Frank.

Hindi siya gutom. Uhaw siya. Kasalukuyan siyang nauuhaw sa pagmamahal ni Frank.

Hindi na nakapaghintay pa si Christina at sinunggaban na niya ng halik sa labi si Frank. Isang mapusok na halik na ginantihan ng binata ng mas mapusok na halik sa pamamagitan ng dila. Halos walang sinuman sa kanila ang gustong magbawi ng hininga. Hanggang sa kapwa sila unti-unting nawawalan ng saplot sa katawan.

Hinayaan na lamang nilang kusa silang dalhin ng kanilang emosyon sa lugar kung saan mararamdaman nila ang rurok ng kaligayahan. Doon, walang makapipigil sa pag-ibig nila.

Tahimik ang buong kuwarto, maliban sa ingay na nanggagaling sa ikot ng bentilador, at sa bawat impit na paghigop ng hangin ng dalawa. Ngunit dinig nila ang napakalakas na tibok ng puso ng isa't-isa. Habang pinagsasaluhan ang init na dumadarang sa kanilang mga damdamin na hindi kayang pawiin ng bentilador.

Nang gabing iyon, si Frank at Christina ay naging isa.

PinagtaksilanWhere stories live. Discover now