CHAPTER SEVENTEEN

84 2 0
                                    


PAGDATING nina Alden at Christina sa mansyon, nasa may pintuan pa lang sila ay naririnig na agad nila ang malakas na boses ng nag-uusap sa loob at ramdam na agad nila ang tensyon sa pagitan ng mga naroon.

At sa pagtapak nila sa living room ay nakumpirma nila kung sino 'yon. Si Mario na halos lumuhod na sa pagmamakaawa kay Don Francisco.

"Itay?" nagtatakang tanong ni Christina.

"Anong nangyayari rito? Dad? What is this?" tanong naman ni Alden sa ama. Inutusan nitong tumayo na ang biyenan.

Napamaang si Don Francisco. "Sinubukan tayong pagnakawan ng Mariong 'yan. Buti't nahuli siya ng isa sa mga tauhan natin. Kaya tinanggal ko na siya sa trabaho."

Napakunot-noo si Alden dahil sa sinabi ng ama. "Seriously, Dad? He's Tina's father for God's sake!"

"Is he, really?" sarkastikong sagot ni Don Francisco. Alam kasi nitong hindi naman talaga magkadugo si Tina at si Mario.

"And don't you ever use that woman against me! Your marriage with that woman is nothing to me. And that's not even the issue here. Ang issue dito, nagnakaw ang biyenan mo, Alden. "

Sinadyang bigyang diin ni Don Mateo ang salitang 'yon na tila hinahamak pa nito ang sariling anak. Nasaktan naman si Christina sa mga narinig niya kay Don Francisco kaya't napilitan siyang makisabat.

"Mawalang-galang na po, Don Mateo. Aminado akong hindi kami nagkakasundo ni Itay dahil hindi siya mabuting ama sa akin. Marami siyang masasakit na salitang ibinato sa'kin. Pinilit niya akong magpakasal sa anak ninyo. Pero hindi siya magnanakaw. Itinaguyod niya kami ni Inay sa pagtatrabaho dito sa hacienda ninyo sa loob ng ilang taon...Alam n'yong hindi kayang gawin ni Itay ang ibinibintang n'yo sa kanya."

Napakapit si Tina sa braso ni Alden. Nagtama ang mga paningin nila ng ama-amahang si Mario. Nagulat ito sa mga sinabi niya. Hindi nito inaasahang ipagtatanggol pa ito ni Christina sa kabila ng lahat ng mga pasakit na idinulot nito sa kanya.

Isang sarkastikong tawa ang pinakawalan ni Don Francisco. "Ang lakas naman yata ng loob mong sagutin ako, Hija. Baka nakakalimutan mong nandito kayo sa pamamahay ko—

"Dad, enough!" nagtaas na ng boses si Alden at hindi na nito nakontrol ang emosyon kahit pa sa harap ng sariling ama. Susugudin na sana nito ang ama kundi nga lamang nahawakan ni Tina ang braso nito. "How do I know if this isn't one of schemes, huh?"

"What?"

"So you'd really think I wouldn't know? Allison admitted everything, Dad! Kahit anong gawin mo, hindi mo kami mapapaghiwalay ni Tina. So stop controlling my life like what you did to Mom's!"

Hindi nagustuhan ni Don Mateo ang narinig sa anak. Nagpanting ang tenga nito at nagtangkang ambahan ng suntok sa mukha si Alden, kundi nga lamang pumagitna si Christina sa mag-ama. Samantalang nanatili lang na nanonood at nakikiramdam si Mario.

"TAMA NA!"

Hindi na nakayanan pa ni Christina ang nangyayari sa harap niya. Tila nanginig ang kanyang mga kalamnan. At sa bugso ng kanyang emosyon, napasigaw na siya. Ang bigat ng kanyang dibdib at habol na niya ang kanyang hininga. At ilang saglit pa nga'y nahimatay na si Christina. Buti na lamang at nasalo siya ng asawang si Alden.

"T-TUMAWAG KAYO NG AMBULANSYA! NGAYON NA!"

PAGKAMULAT ng mga mata ni Christina, ang kanyang inang si Anna agad ang kanyang nabungaran. Nabanaag niya ang saya sa mukha nito nang makitang gising na siya. Hinaplos pa nito ang palad niya.

"N-nasaan tayo?" tanong ni Christina. Pansin niyang nasa ibang kuwarto siya. Nasusulo pa nga siya sa napakatinding liwanag na nagmumula sa malaking fluorescent light sa loob ng silid.

"Nandito ka sa ospital ngayon," turan ni Anna. "Kamusta naman ang pakiramdam mo? May masakit ba?"

Umiling si Christina.

"Inay, si Alden?"

"Ah...nagpaalam saglit. Bibili lang daw siya ng makakain natin," paliwanag ni Anna. "Ikaw, anak, baka nagugutom ka na?"

"Okay lang po ako. Si...si Itay po? Nasaan?"

"Nasa labas. Gusto mo bang tawagin ko?"

Tumango si Christina.

Ilang sandali pa'y nandoon na nga si Mario. Nasa bukana lang ito ng pinto at parang nag-aalangan pa nga itong lumapit kay Christina. Pero sapat na ang distansyang 'yon para magisnan ni Tina ang amahin.

"Inay, gusto ko po sanang makausap si Itay nang mag-isa."

Tumalima naman si Anna. "Sige, iiwanan ko muna kayo rito."

Lumabas na nga si Anna at isinara pa nito ang pinto.

Ilang segundong katahimikan ang namagitan kina Christina at Mario at tila walang sinuman ang gustong maunang magsalita. Hanggang sa nag-umpisa na si Tina dahil alam niyang walang mangyayari kung hihintayin niya si Mar.

Umayos siya nang pagkakahiga upang maharap at makita niya si Mar nang mas maayos. Nanatili lang kasi itong nakasandal sa pader.

"Sabihin mo sa akin ang totoo, Itay, pinagtangkaan mo bang nakawan ang mga Mateo?"

Huminga nang malalim si Mar. Sinubukan nitong titigan nang diretso sa mga mata si Christina.

"Aaminin ko, Tina. Pinilit kitang magpakasal kay Alden para sa pera. 'Nong bigla niya akong kinausap na gusto ka niyang pakasalan, nagulat rin ako. Sino ba naman kasing mayaman at makapangyarihan at nasa matinong pag-iisip ang gugustuhin at ipagpipilitan ang sarili niyang ipakasal sa mga taong kagaya natin, 'di ba? Pero naisip ko, oportunidad na ang mismong lumalapit sa atin. Sa'yo. Papakawalan ko pa ba 'yon?"

Napatiim-bagang si Christina.

"Pero hindi n'yo man lang inisip 'yong nararamdaman ko! Sarili n'yo lang ang inisip n'yo! Nang dahil sa inyo, nasira ang relasyon namin ni Frank! Ginulo n'yo ang normal at masaya kong buhay! Para saan, para sa pera? Para lokohin ang mga sarili nating may pag-asa tayong magkaroon ng puwang sa mga mayayaman?"

Nagsimula na namang mangilid ang luha ni Tina. "Itay, paulit-ulit tayong nilait at tinapak-tapakan ni Don Mateo! Sa mismong harap ni Alden! Kahit ano hong gawin n'yo, mananatiling basura ang tingin nila sa pamilya natin kahit pa dalhin ko ang pangalan nila! Kaya gumising na ho kayo sa kahibangan ninyo!"

Natigilan si Mario sa mga narinig mula kay Christina. At ang tanging naisagot niya ay:

"Patawarin mo ako, anak."

Natuloy na ang pagbagsak ng mga luha ni Christina. Pero bago pa man iyon umagos sa unan, marahas na niya itong pinunas gamit ang mga kamay. Tinitigan niyang muli nang diretso ang amahin.

"Inuulit ko, Itay. Pinagtangkaan mo ba talagang pagnakawan ang mga Mateo gaya ng paratang niya?"

"Hindi!" deklarasyon ni Mar. At base sa ekspresyon at kilos nito, nagsasabi ng totoo ang matanda.

Bumuntong-hininga si Christina. "Gusto ko lang naman hong marinig nang diretso mula sa inyo ang totoo."

Sa narinig mula kay Christina ay tila nakahinga nang maluwag si Mario.

"S-salamat."

"Pero hindi ho ibig-sabihin nito na pinapatawad ko na kayo. Malabong mangyari 'yon. Hindi ko alam kung mapapatawad ko kayo pagkatapos ng lahat ng mga ginawa n'yo sa akin."

Nag-iwas ng tingin si Mario. "Alam ko."

"Puwede na ho kayong lumabas. Wala na tayong pag-uusapan pa," malamig na tugon ni Christina.

Pero bago pa man mapihit ni Mario ang door knob, naunahan na siya ng nasa labas. Tumambad sa kanila ang isang babaeng doktor. Kasunod si Alden at si Anna. Bigla tuloy kinabahan si Christina.

Nagkatitigan sila ni Alden. Tatanungin pa sana niya ang asawa pero bigla na lang nagsalita ang doktor. At ang mga sinabi nito ang siyang nagpagulat sa lahat ng mga naroon.

Maging si Christina'y nanlaki ang mga mata dahil sa narinig niyang rebelasyon mula sa doktor. Sa totoo lang, hindi niya alam kung dapat ba siyang matuwa sa ibinalita nito.

"You're two months pregnant. Congratulations."

PinagtaksilanWhere stories live. Discover now