CHAPTER SIX

105 1 0
                                    


"FRANK! Bilisan natin! Hindi nila tayo dapat maabutan!"

Mababakas sa mukha ni Christina ang matinding pag-aalala habang wala pa rin siyang tigil sa paghakbang. Kahit pa pagod na siya. Ang mahalaga'y makalayo sila ni Frank sa lugar na iyon. Kilala niya ang ama. Nakakasigurado siyang si Frank agad ang pupuntahan nito sa oras na mawala siya.

Humigpit ang pagkakahawak ni Frank sa kamay ng dalaga. Sa masukal na bahagi ng Barrio Sikat sila nagpasyang dumaan upang walang sinuman ang makakita sa kanila. Tiyak na hindi sila basta-basta mahahanap ni Alden o ng mga magulang niya.

Nagpasya sila ni Frank na dumiretso sa terminal ng mga bus. Doon na sila magdedesisyon kung saan sila pupunta. Ang mahalaga sa kanila ngayon ay ang tuluyang makalayo.

"Huwag kang mag-alala. Anuman ang mangyari, ipaglalaban kita sa kanila."

Nakalabas na sila mula sa gubat at narating na muli ang rough road. Sa di kalayuan ay may masasakyan na silang tricycle papunta sa bus terminal sa bayan. Ngunit hindi nila inaasahang nakaabang na pala sa kanila ang mga taong tinatakasan nila.

"Akala n'yo ba'y matatakasan n'yo ako ha?"

Si Mar iyon. Nagngingitngit sa galit. Habang pinipigilan ng asawang si Anna na sugurin ang anak sa pamamagitan ng paghawak sa braso nito. Mababanaag din sa mukha ni Anna ang matinding pag-aalala para kay Christina.

"Itay, parang awa mo na, pabayaan mo na kami ni Frank!" pagmamakaawa ni Christina habang lalong humigpit ang pagkakasiil ng binata sa kanyang palad. Kahit papaano'y nakaramdam siya ng kapanatagang mayroong handang magtanggol para sa kanya.

Lalong nagpuyos sa galit si Mar. "Talagang ipagpapalit mo ang marangyang buhay para d'yan sa hamak na kusinerong yan?"

Dahil sa nagpanting ang pandinig ni Christina sa panlalait ng amahin sa kanyang kasintahan, hindi na niya nakontrol pa ang sariling emosyon. "Ano bang hindi mo naiintindihan, Itay? Ayaw ko nang marangyang buhay! Ayaw ko kay Alden! Si Frank ang mahal ko!"

"Walanghiya ka!"

Hindi na nakapagtimpi pa si Mar at sinugod na nito si Christina. Akmang pagbubuhatan na nito ng kamay si Christina. Buti na lamang at nasalag ni Frank ang braso nito.

"Mar, pabayaan mo na ang anak mo!" maluha-luha nang pakiusap ni Anna sa asawa. Pilit nitong hinihigit ang t-shirt ng asawa para mailayo sa magkasintahan. Ngunit ito naman ang pinagbalingan ng init ng ulo ni Mar. Bumagsak ito sa lupa dahil sa lakas ng pagkakatulak ng asawa.

"Inay!"

Napasigaw si Christina dahil sa nasaksihan. Pero pinigilan siya ni Frank na lapitan ang kanyang ina. Nanginginig ang buong katawan ni Christina habang tinititigan nang masama ang amahin.

"Frank, huwag kang mangialam dito kung ayaw mong masaktan!" Hindi pa rin nagpapaawat si Mar. "Bitawan mo si Christina! Ibigay mo siya sa akin!"

Iniharang ni Frank ang kanyang buong katawan habang hindi pa rin kumakawala si Christina sa piling ng binata. "Papatayin n'yo po muna ako bago n'yo makuha sa akin si Tina."

Malumanay ngunit punong-puno ng kumbiksyon ang mga salitang binitawan ni Frank. Seryoso lamang siyang nakatitig kay Mar habang mahigpit na hawak ang kamay ni Christina. Hinding-hindi niya papakawalan ang dalaga.

Napahinto sila sa mainit na pagtatalo nang biglang may tumigil na kotse sa harap nila. Nagulat ang lahat nang makita kung sino iyon. Walang iba kundi si Alden Mateo.

"Sir Mateo, anong ginagawa mo rito?" bungad ni Mar sa kanyang amo. Hindi ito nagsalita. Sa halip, tumayo ito sa harap ni Frank at tinutukan ito ng baril dahilan para mahintakutan ang lahat. Maging si Mar at Anna ay hindi nagawang makakilos.

"Back away from my fiancée!"

Bahagyang napaatras si Frank mula sa kinatatayuan niya. Pero sa halip na masindak, lalong iniharang ni Frank ang kanyang katawan para protektahan si Christina.

"Sir Mateo, huminahon ka!" nag-aalangang wika ni Mar.

"Frank!" Kulang na lang ay bumaon na ang kuko ni Christina sa balat ni Frank sa tindi ng pagkakasiil niya rito. "Parang awa mo na, Alden, tigilan mo na ako! Hindi ako magpapakasal sa'yo!"

Umalingawngaw ang malakas na putok ng baril sa tahimik na Sitio. Napapitlag ang lahat. Naipikit na lang ni Christina ang kanyang mga mata dahil sa takot. Pagmulat niya, nakatayo pa rin sa harap niya si Frank.

Sa ere ipinutok ni Alden ang dala nitong baril. "Next time, it wouldn't be a warning, Christina. I told you, I always get what I want, one way or another. Mas mabuti pang sumama ka na sakin—

Nasa gitna ng pagsasalita si Alden nang bigla na lamang siyang bigwasan ng suntok sa mukha ni Frank. Hindi na nakaiwas pa si Alden sa bilis nang pangyayari. Nabitawan nito ang hawak na baril. Bahagyang dumugo ang labi nito.

"Don Mateo, tigilan mo na si Christina dahil hindi siya sasama sa'yo kahit anong gawin mo," wika ni Frank.

Sa halip na sumagot, gumanti ng suntok si Alden kay Frank. Nakaiwas naman si Frank dito. Dito na nagsimulang magpambuno ang dalawang binata. Suntok dito. Sipa doon. Pareho na silang gumulong sa lupa.

Nagsisigaw na si Christina ngunit tila walang naririnig ang mga ito. Hindi nagpapaawat ni isa man sa kanila na parang isa lang dapat ang matira sa kanilang buhay.

Sa isang iglap lang, lumamang si Frank. Pumaimbabaw ito kay Alden at dinaganan ang binata. Walang awang pinagsusuntok ni Frank si Alden sa mukha. Walang tigil. Hanggang sa mahagilap ni Frank ang baril na kanina'y hawak ni Alden. Itinutok iyon ni Frank kay Alden.

"TAMA NA! PARANG AWA N'YO NA!"

Ang pagpalahaw na iyon ni Christina ang nakapagpatigil sa lahat. Nakaligtas si Alden sa napipinto sana nitong kamatayan sa mga kamay ni Frank. Tila bumalik naman sa 'katinuan' si Frank at kusa nitong nabitawan ang hawak na baril.

Nagtatakbo papalayo sa lugar na iyon si Christina na siya namang sinundan ni Frank. Naiwan doon ang nakasalampak sa lupa na si Alden at ang mag-asawang Anna at Mario na halos mawala na rin sa sarili.

PinagtaksilanTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon