CHAPTER EIGHT

106 1 0
                                    


NAGISING si Frank sa malakas at magkakasunod na pagkatok nanggagaling sa labas ng pintuan ng kanilang kuwarto. Pagbaling niya sa bintana'y nasilayan niya ang malamlam na liwanag na nanggagaling sa labas. Umaga na.

Nakiramdam si Frank. Hinintay niyang kusang umalis kung sinuman iyon. Pero hindi pa rin ito tumitigil.

Dito na nagsimulang magduda si Frank. Walang sinumang nakakaalam kung nasaan sila ni Christina kaya masama ang kutob niya. Tahimik niyang ginising si Christina at inutusan itong magbihis na.

"Frank..." bulong ni Christina.

Inilagay ni Frank ang kanyang hintuturo sa labi ni Christina at inutusan itong magtungo muna sa loob ng palikuran. Sinabi niyang huwag itong lalabas roon hangga't hindi niya ito pinupuntahan. Na anuman ang makita o marinig ng dalaga, hindi ito gagawa ng anumang pagsisisihan nilang dalawa.

"Sandali!" sigaw ni Frank sa kung sinuman ang nasa labas.

Sa kawalan ng makitang armas na pangtanggol sa sarili, ang walis-tambo sa gilid ng kuwarto na lang ang nahagilap ni Frank. Mabilis ang kabog ng dibdib niya habang dahan-dahang pinipihit ang door knob gamit ang kaliwang kamay, habang ang kanan ay may nakaambang walis-tambo.

Tumambad sa kanya ang dalawang armadong lalaki na nakaasul na uniporme. Wala na siyang nagawa kundi bitawan ang hawak na 'sandata'. Nagsalita ang isa sa mga ito na may nameplate na 'Acuzar'.

"Frank Castillo?" seryosong tanong nito.

"A-ako nga ho," alanganin niyang sagot. Hindi niya akalaing ganito sila kabilis mahahanap ng awtoridad. Ngunit ano nga bang magagawa niya? May pangalan at kapangyarihan ang binangga niya.

Kailangan niyang sabihin ang totoo dahil baka lalo lamang mapasama ang lagay niyang kung sakaling magsinungaling siya.

"May warrant of arrest kami laban sa'yo sa pagtatangkang pagpatay kay Alden Mateo."

Parang nabingi si Frank sa narinig. Hindi niya alam ang magiging reaksyon niya ng mga sandaling 'yon. Pero isa lang ang nasisigurado niya, wala siyang ginagawang masama. Ipinagtatanggol lamang niya si Christina.

"Inosente ako," bulong ni Frank pero narinig iyon ng pulis. Napangisi pa nga ito sa sinabi niya na animo'y hinuhusgahan na agad siya.

"Sa presinto ka na lang magpaliwanag."

Hindi na nakakilos pa si Frank nang hatakin na siya ng mga ito at lagyan ng posas ang mga kamay. Nagsimula nang magsalita ang isa pang pulis tungkol sa mga karapatan niya. Ngunit hindi na niya iyon pinansin. Dahil ng mga tagpong iyon, si Christina lamang ang nasa isip niya.

"FRAAANK!"

Umalingawngaw ang sigaw na iyon na nagpahinto sa paghakbang ni Frank patungo sa police car. Paglingon niya, nasilayan niya ang umiiyak na si Christina na humahangos na tumatakbo para maabutan sila.

"Di ba sabi ko sa'yo kahit anong mangyari hindi ka lalabas ng kuwarto?" bungad ni Frank sa dalaga. Sinikap niyang mag-iwas ng tingin rito. Pero sinunggaban siya nito ng isang mahigpit na yakap habang wala pa ring tigil sa pagluha.

"Sorry...sorry..."

Kinagat ni Frank ang kanyang labi upang pigilin ang kanyang emosyon. Ngunit sadyang kumawala ang isang butil na luha mula sa kanyang kanang mata.

"Mahal na mahal kita, Tina," wika ni Frank habang nakatitig sa malayo.

Wala nang nagawa si Christina nang hablutin siya ng isa sa mga pulis para mapahiwalay sa pagkakayakap kay Frank. Inihatid na lang niya ito ng tingin hanggang sa makapasok na ito sa loob ng kotse.

Marahas na pinunas ni Christina ang mga natiim na luha sa kanyang pisngi gamit ang sariling mga palad. Kinontrol niya ang sarili na huwag nang umiyak dahil wala naman iyong maitutulong para makalaya ang kasintahan.

Isa lang ang dapat niyang gawin. Harapin ang puno't dulo ng lahat.

Si Alden Mateo.

"ANO Mario, masaya ka na ba sa mga ginawa mo sa anak mo, ha? Naglayas na ang anak natin dahil sa mga kahibangan mo! Kailan ka ba titigil, kapag patay na si Christina?" nanggagalaiti na si Anna.

Labis na itong nag-aalala matapos ang nangyaring kumprontasyon, at ito rin ang pinakamahabang panahon na nawalay sa piling niya ang anak.

Pero parang walang naririnig si Mar na nakapokus pa rin sa paghithit ng kanyang sigarilyo. Walang anumang bahid ng pag-aalala sa mukha nito.

"Kahibangan? Huwag mo nga akong patawanin, Anna."

Hindi na natiis ni Anna ang katigasan ng puso ng kanyang kinakasama. Nilapitan na niya ito at hinarap. Hinampas niya ang kamay nito dahilan para tumalsik sa damo ang hawak nitong sigarilyo. Kasalukuyan silang nasa harapan ng kanilang bahay.

Nagulat si Mar sa ginawa niya. Pero sapat na 'yon para mapunta sa kanya ang atensyon nito. "Sa oras na may masamang mangyari sa anak ko, ako ang makakalaban mo, Mario! At kapag mangyari 'yon, tapos na ang relasyong 'to!"

Hinablot ni Mar ang braso ni Anna at pinisil iyon. Kapwa sila nagpakawala ng matatalim na tingin sa isa't isa. Pinilit kumawala ni Anna pero sadyang malakas ang pwersa ni Mar. "Ano ba! Nasasaktan ako!"

"Pinagbabantaan mo ako? Baka nakakalimutan mo kung sino nagpalamon sa inyong mag-ina ng ilang taon!"

Isang mahinang tinig ang bumasag sa pagtatalo ng mag-asawa. Sa init ng kanilang diskusyon, hindi man lang nila naramdamang nasa harapan na pala nila ang dahilan ng kanilang pag-aaway.

Si Christina.

Walang anumang klaseng emosyon ang mababakas sa mukha ng dalaga. Sa tagpong iyon, para na lamang itong humihinga at nagsasalitang bangkay.

"Tama na po. Nandito na ako."

Pagkabitaw ni Mar sa kanya, niyapos na agad niya ang anak. Hindi na napigilan pa ni Anna na mapaluha sa kagalakan dahil maayos ang lagay ng anak at sa wakas ay umuwi na rin ito.

"Sinasabi ko na nga ba't dito pa rin ang bagsak mo," napapailing na komento ni Mar. Pero hindi na 'yon ginatungan pa ng dalaga. Sa halip, ang mga sumunod na sinabi ni Christina ay siya pang nagpangiti sa matanda.

"Pumapayag na ho ako sa gusto n'yong mangyari."

Isang butil na luha ang umagos sa kanang pisngi ni Christina. Mabilis na pinunas iyon ng dalaga at hindi natinag ang pagkakatitig nito sa ama-amahan.

"Magpapakasal na ako kay Alden Mateo."

PinagtaksilanOù les histoires vivent. Découvrez maintenant